Martes, Hulyo 20, 2021

July 20, 2021

Martes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Apolinario, obispo at martir

Exodo 14, 21 – 15, 1
Exodo 15, 8-9. 10 at 12. 17

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Mateo 12, 46-50


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Apollinaris, Bishop and Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
Exodo 14, 21 – 15, 1

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat ang Panginoon na ang kalaban natin.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ng kanilang karwahe.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ng Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ng kanyang mga kawal at walang natira isa man. Ngunit ang mga Israelita’y nakatawid sa dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig.

Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybay-dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga taga-Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa alagad niyang si Moises.

Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon.

“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
Sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
Ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
Sa pusod ng dagat, lahat natabunan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 8-9. 10 at 12. 17

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Hininga mo’y parang hanging umiihip
kayang pataasin pati na ang tubig;
napahihinto mo ang agos ng batis,
pati kalaliman ay natutuyo mo kung siya mong nais.
Wika ng kaaway,
“Aking tutugisin, tiyak aabutan,
kukunin kong lahat
ang makikita ko kahit anong bagay
hahati-hatiin yaong kayamanan.
Sa aking patalim at lakas na taglay,
kakamkaming lahat ang ari-arian.”

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Ang isang hinga mo’y
malakas na hanging nagpapadaluyong,
para silang tingga
na nagsisilubog kung takpan ng alon.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

Nang ang iyong kamay
ang kanang kamay mo,
nang iyong itaas,
sila sa daigdig, naglaho at sukat.
Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok.
Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob.

Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.

ALELUYA
Juan 14, 23

Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 12, 46-50

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita pa si Hesus, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at ibig siyang makausap. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ibig kayong makausap.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid? Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Mylene Farinas July 23, 2019 at 8:03 am

Pinupuri at pisasalamatan ka namin Panginoon, pagka’t kamiy itinuring mong ina at mga kapatid. Hatid mo ay kaligtasan at kapayapaan. Amen.

Reply

Reynald Perez July 16, 2021 at 4:07 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang matagumpay na pagtuwid ng mga Israelita sa Dagat na Pula dahil sa kapangyarihan ng Diyos ng paggabay sa kanila at sa paglulunod sa mga kaaway na Egipcio. Dahil sa pagtitiwala ni Moises sa Panginoon, naihati niya ang dagat upang magkaroon ng tuyong daan para tawirin ng mga Hebreo. At nang makita niya sina Faraon at ang kanyang mga kawal na sakay ang 600 karwahe, sinarhan niya ang tubig ng dagat, at nalunod ang kaaway. Ang dakilang pangyayaring ito ay inawitan nina Moises t ng mga Israelita bilang paggunita sa dakilang tagumpay na ipinakita ng Diyos. Binibigyang-larawan ng Pagtawid sa Dagat ang Sakramento ng Binyag, na kung saan ang lahat na binibinyagan sa Sambayanan ng Diyos ay inililigtas sa pamamagitan ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Katulad ng mga Israelita na hinirang at pinagtipanan ng Diyos, tayo rin bilang mga binyagang anak niya ay nakikibahagi rin sa karangalan ng kaluwalhatian dahil kay Kristong nagpakita sa atin ng daan patungo sa kanya.

Ang ating Ebanghelyo ay paalala sa atin kung paano tayo’y tinatawag bilang Sambayanan ng Diyos. Nang sabihin ng isang tao na dumating ang ina at kapatid ni Hesus sa labas ng bahay, tila nga bang nagtaka ang Panginoon kung sino ang kanyang mga ina at kapatid. Ang mga kapatid na itinutukoy dito ay galing sa salitang Griyego na ‘aldephoi’ na nangangahulugang “kamag-anak” o kaya mga anak ng isa pang babaeng nangangalang Maria. At itinuro niya ang kanyang mga alagad at tagasunod bilang ina at kapatid. Hindi ninanais ni Hesus na magkumpara ng kahit sinong indibidwal, ni hindi niya tinatanggihan ang kanyang lahing dugo. Ang ginagawa niya ay palawakin ang Pamilya ng Diyos na kanyang Ama sa pakakasiguro na sinumang sumusunod at tumutupad sa kalooban ng Ama ay ang kanyang ina at mga kapatid. Ang ating Mahal na Birheng Maria ay isa sa mga mabubuting huwaran ng pagtatalima sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, kababaang-loob, at pagiging masunurin.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 20, 2021 at 10:30 am

Alam naman nating lahat na ang Diyos ang may gawa ng langit at lupa, lahat ng iyong nakikitang kamangha mangha, ang buhay mo ang buhay ng mga mahal mo, ng hangin na hinihinga mo. Si Hesus din ang may kapangyarihan na bawiin ito at sya rin ang may kapangyarihan sa lahat ng imposible. Nais mo bang ituring kang kapatid o ina ni Hesus? Posible itong mangyari kung sususnod tayo sa kalooban nya. Masarap daw ang gumawa ng bawal, Oo, tunay ngang masarap sa pkiramdam ng tao ang gumawa ng bawal tulad ng pangangalunya, pakikiqpid sa hindi mo asawa, pagnanasa sa hindi mo pag aari, paninira sa ibang tao, panglalamang, katamaran, pagsisinungaling, pagmumura, minsan my nasasarapan pa sa pagpatay. Yan ay mga pnanadaliang sarap na ang kapalit ay habangbuhay na paghihirap sa lupa hanggang sa langit na siguradong pagsisihan mo kung bakit mo ginawa. Kapatid eto ang hindi alam ng ibang tao, MAS MASARAP ang gumawa ng kabutihan, ang kapalit nito ay: peace of mind na hindi kayang bilhin ng salapi, wagas na kaligayahan hindi panandalian lamang, ang kasiyahan na idinudulot lalo na kapag may natulungan tayong kapwa, pagkatulog ng mahimbing, at ang higit sa lahat ay ang biyayang ipagkakaloob sayo ni Hesus dahil kinalulugdan nya ang nagbabalik loob sa kanya lalo na ang dating makasalan kaya wag mong isipin na huli na ang lahat, wag mong isipin na sobrang makasalanan ka na at baka hindi ka na yakapin ni Hesus. Dahil ang sumusunod sa kanya ay itinuturing nyang kapatid at ina.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: