Podcast: Download (Duration: 4:51 — 2.4MB)
Sabado ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, pari
Exodo 24, 3-8
Salmo 49, 1-2. 5-6. 14-15
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Mateo 13, 24-30
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Sharbel Makhluf, Priest (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 24, 3-8
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, dumating si Moises at sinabi niya sa mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon. Ang mga ito nama’y parang iisang taong sumagot, “Lahat ng iniuutos ng Panginoon ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ng Panginoon. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamiting handog sa pakikipagtipan sa Panginoon. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati’y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang tumugon ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ng Panginoon.”
Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 1-2. 5-6. 14-15
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran,
magmula sa dakong Sion, ang lungsod ng kagandahan,
makikita siya roong nagniningning kung pagmasdan.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo’y aking ililigtas, ako’y inyong pupurihin.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
ALELUYA
Santiago 1, 21bk
Aleluya! Aleluya!
Sa kababaan ng loob
dinggin ang salita ng D’yos
upang kayo ay matubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Hulyo 20, 2021
Huwebes, Hulyo 29, 2021 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagtitipang ginawa ng Panginoong Diyos sa bayang Israel. Ito’y tanda ng kanyang paglilikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto, at ang pagtatangi sa kanila bilang bayang hinirang ayon sa pangako ibinunyag kina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya’t inutos ng Diyos na magtayo si Moises ng altar gamit ang 12 batong kumakatawan sa 12 Tribo ng Israel, at ang mga kabataang lalaki naman ay lalagay sa ibabaw ang mga handog na susunugin. Pagkatapos ay kukunin ang dugo mula sa mga sinunog na hain, at ang dugong ito ay iwiwisik sa mga Israelita bilang katibayan sa tipan na sila ay magiging bayan ng Diyos, at ang Panginoon ay ang Diyos nila.
Sa mga nagdaang taon, alam natin na maraming beses sinuway ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoong Diyos, kaya’t nagkasira-sira ang kanilang tipan sa kanya, lalung-lalo na nang sakupin sila ng mga mababagsik ng bansa. Kahit sila man ay nailikas muli mula sa pagkatapon at pananakop, nangako ang Diyos na uukit siya muli ng tipan na pagpapatibayin na kikilalanin ng mga tao ang tunay na Panginoon at Diyos. At nangyari ito sa pag-aalay ng isang buhay na ganap na handog para sa kaligtasan ng lahat at pagtutupad sa pangako ng buhay na walang hanggan. Kaya ang Bagong Tipan ay naganap sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal. Ang paghahain ni Kristo ng kanyang buhay ang siyang nagpatupad sa kaligtasan ng sangkatauhan at pagtubos sa tanan, upang ang tao ay makamtan ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa susunod na buhay. Dahil alam ni Hesus na may mga taong magkakasala pa rin at maliligaw ng landas, itinatag niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa bisperas ng kanyang Pagpapasakit at Pagkamatay bilang atas na gawin ito bilang pag-aalala sa kanya. Ito’y patunay na hindi humihinto ang Diyos sa kanyang pagmamahal at pag-aabot-kamay sa mga nawawalan at naliligaw ng landas.
Ang Ebanghelyo ay isa sa mga talinghaga ng Panginoon: ang mga Damo sa Triguhan. At alam natin na ang Ebanghelyo sa Martes ay ang paliwanag ni Kristo ukol sa parabula. Ngunit ang nais niyang ipahiwatig dito ay hindi sumusuko ang Diyos, kahit ilang beses nagkasala ang isang tao. Totoong may mga masasamang damo sa ating bakuran, pamayanan, at pati na rin sa Simbahan at Pamahalaan. At parang tayo’y naniniwala na dapat mawala ang mga tinuturing natin na “salot” dahil sa kanilang pagdamay at pagpapahamak sa mga inosenteng mamamayan. Ngunit ipinapaalala ni Hesus sa atin na kung puputilin natin ang mga damo ay baka masira at madamay rin ang mga trigo. Kaya’t hinahayaaan ng Diyos na magsama-sama ang mga mabubuti at masasama hindi dahil mahilig siyang manloko. Ito’y dahil sa bunga ng kasamaang nagmana pa mula sa unang pagkakasala nina Adan at Eba, subalit winasto ni Hesus sa Krus ang ating pagiging mabuti, upang ang mga taong nagkasala rin ay matuwid at maiakay sa tamang landas. Kaya nga ang huling hantungan natin ay paghuhukom batay sa ating mga gawain alang-alang sa pag-ibig.
Alam natin kung gaanong kahirap magsama ang mga mabubuti sa masasama, lalung-lalo kung maraming mga inosente ay nagiging biktima na ng laganap na kasamaan. Subalit huwag nating kalimutan na matatagumpayan natin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan. Kung ang Diyos nga ay mapagbigay ng pagkakataon kung tayo man ay nagkasala, paano pa kaya tayo na may karapatang ituwid ang pagkakamali ng kapwa natin?
Hinayaan ng Diyos na tumubo ang mga damo kasabay ng mga trigo hanggang anihan. Pagsapit ng anihan, ang mga damo ay binigkis at sinunog. Ang mga trigo ay inipon at dinala sa kanyang kamalig. Ang mga damo ay ang masasamang tao na sumuway sa mga kautusan ng Diyos at pagdating ng paghuhukom ay lilipulin at susunugin sa impyerno. Samantalang ang mga trigo ay ang mgabfaong may takot sa Diyos na sumunod sa kalooban nya na syang nyang isasama sa kanyang kamalig o paraiso na tinatawag nating langit.