Huwebes, Mayo 27, 2021

May 27, 2021

Huwebes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Sirak 42, 15-26
Salmo 32, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

Marcos 10, 46-52


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Eighth Week in Ordinary Time
or Feast of Our Lord Jesus Christ, the Eternal High Priest (White)

UNANG PAGBASA
Sirak 42, 15-26

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Sasariwain ko naman sa alaala ang mga ginawa ng Panginoon,
isasalaysay ko ngayong ang aking mga nakita.
Ang lahat ng bagay ay nagmula sa kanyang salita
kaya’t ang sangnilikha ay sumusunod sa kanya.
Tulad ng liwanag ng araw na laganap sa lahat ng lugar,
ang kaluwalhatian ng Panginoon ay umaapaw sa bawat nilikha.
Ngunit hindi kaya ninuman – kahit ng mga anghel ng Panginoon,
na isalaysay na lahat ang kanyang mga kababalaghan.
Kahit na ang mga ito ay binigyan niya ng kapangyarihang
tumayo sa harap ng di mailarawan niyang kaluwalhatian.
Naaarok niya ang walang hanggang kalaliman
at natatarook ang kaibuturan ng puso ng tao,
natatalos niya ang kanilang mga lihim.
Sapagkat ang lahat ay nalalaman niya
at nababasa rin niya ang tanda ng mga panahon.
Nasasabi niya ang nakalipas na at ang darating pa,
at hayag sa kanya ang pinakatagong lihim.
Walang salitang nalilingid sa kanya,
walang kaisipang hindi niya nababatid.
Ang lahat ng ginawa ng kanyang karunungan
ay iniayos niya nang napakainam
mananatili siya magpakailanman.
Hindi siya mababawasan at hindi rin mararagdagan,
hindi niya kailangan ang payo ninuman.
Lahat ng kanyang ginawa ay kahanga-hanga,
pati ang pinakamaliit na tilamsik ng apoy.
Ang lahat ng nilalang ay nabubuhay at nananatili.
At bawat isa’y tumutugon sa bawat pangangailangan.
Ang lahat ng nilalang ay magkakatambal,
bawat isa ay mayroong katapat.
Ngunit walang ginawa ang Panginoon
na masasabing kulang.
Ang kabutihan ng isa ay nakapupuno sa kabutihan ng iba.
Sino ang magsasawa ng paghanga sa kanyang karilagan?

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

Sa utos ng Poon, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa’t talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

Matakot sa Poon ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig sa kanyang salita
ay pawang nayari, lumitaw na bigla.

Ang Poon ay nagsalita,
kaya’t langit ay nalikha.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 46-52

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba. Nang umaalis na sila roon, may naraanan silang isang bulag na nakupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo, anak ni Timeo. Nang marinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya ng ganito: “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatatahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Hesus at kanyang sinabi, “Tawagin ninyo siya.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob,” sabi nila. “Tumindig ka. Ipinatatawag ka niya.” Iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” tanong sa kanya ni Hesus. Sumagot ang bulag, “Guro, ibig ko po sanang makakita.” Sinabi ni Hesus, “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Noon di’y nakakita siya, at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ngayon ang Kapistahan ng Panginoong Hesukristo,
Walang Hanggan at Dakilang Pari
.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 23, 2021 at 3:05 pm

Pagninilay: Tayo ay binibiyaan ng Panginoon ng mga pagpapala sa ating araw-araw ng Panginoon. Higit sa lahat, tayo ay binibigyan niya ng paningin hindi lang sa pisikal, kundi pati na rin sa espirituwal na aspeto, upang makita natin ang kalagayan ng ating komunidad/lipunan at ang mga pangangailangan ng ibang tao.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 10:46-52), binibigyang-pansin ni San Marcos ang isang pagtatagpo ni Hesus sa isang bulag na nagmamalimos sa tabi ng daan, at ang lalaking ito ay si “Bartimeo” na mula sa wikang Hebreo ay isinasalin bilang “Anak [Bar] ni Timeo”. Nang marinig niya si Hesus ay nasa tabing daan ng Jerico papuntang Jerusalem, sumigaw siya ng panawagan na kaawaan siya ng Anak ni David. Para kay Bartimeo, naniniwala siya na si Hesus na mula sa lahi ni Haring David ay ang Mesiyas na magbibigay hindi lang ng kaligtasan, kundi pati na rin ng kaganapan ng pangangailangan ng mga tao. Kahit siya’y pinapatahimik ng tao, patuloy lang siya sa pagsisigaw hanggang sa pinalapitan siya kay Hesus. At dito tinanong sa kanya ng Panginoon kung anong gusto niya, at isa lang ang ninanais ni Bartimaeo, na makakita muli. At dahil sa tindi ng kanyang pananampalataya, nabiyayaan siya ng paningin at sumunod sa mga yapak ni Hesus.

Tayo’y mga binyagan na kabilang sa pamilya ng Diyos ay nakikibahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Aang biyaya ng pananamapalataya ay ang ating espirituwal na paningin upang makilala natin ang tunay na kaligayahan ng ating buhay na mismong Panginoon lamang ang maibibigay. Ngunit tayo rin ay parang si Bartimeo na hindi namang pisikal na bulag, kundi hindi pa rin nakikita ang ibang realidad ng ating buhay. At minsan ang mga realidad na ito ay masakit sa punto na naroroon pa rin mga problemang hinaharap ng iba’t ibang tao. Kaya sa pagkakataon ito, tularan natin ang tamang dispisyon ni Bartimeo na tayo’y mamulat sa mga kaganapan ng ating buhay at ng buhay mayroon dito sa mundong ito. At nawa’y tularan din natin higit sa lahat si Hesus na maging maawain at mapagmalasakit sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 27, 2021 at 6:34 am

Ano ang iyong hihilingin kung makakausap mo ng harapan ang ating Panginoong Hesukristo? Ito ang pangarap ng mga tao noon at hanggang sa ngayon lalo na sa panahon ng pandemya. Malamang ay ito na ang pinakamagandang karanasan. Kaya nga habang may pagkakataon pa ay gumawa tayo ng kabutihan. Sundin ang kalooban ng Diyos. Talikuran ang mga kasalanan. Dahil darating ang panahon, makikita natin ang Panginoong Hesukristo. Sa ngayon, nadidinig NIya ang ating panalangin. Kaya ano ang gusto mong sabihin sa Kanya?

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 27, 2021 at 9:23 am

Nagsisisigaw si Bartimeo habang nagmamakaawa sya kay Hesus na pagalingin sya. Pinatatahimik sya ng mga tao ngunit di sya tumigil at nagpatuloy lang sya ng pagsigaw sa katatawag kay Hesus.

Sa buhay natin, habang tayo ay sumisigaw ng pananalig sa Diyos may mga bagay, tao at pangyayari na nagpaptahimik sa atin at pumipigil sa ating pananampalataya. Nariyan ang magakaroon ng tayo ng malalang sakit, nariyan ang mamatayan tayo ng mahal sa buhay, mawalan ng hanapbuhay, mga taong nangungutya sa ating pagbabalik loob, mga trahedya, o mga dagok sa buhay na nagdudulot minsan ng tampo o poot sa Panginoon. Pero dapat ay tularan natin si Bartimeo na hindi nagpapigil sa kanyang malalim na pananalig sa Diyos at dahil dito ginamtimpalaan sya ng ni Hesus sa pamamagitan ng pagdinig sa kanyang kahilingan na halos imposible na.
Mga kapatid dapat nating lahat na mabatid na anuman ang mangyari sa iyo, kasiyahan, kalungkutan, pagpapala, kapighatian, wala tayong dapat puntahan o gawing takbuhan kundi si Hesus lamang, wala ng iba, alam nya ang nakaraan, kasalukuyan at ang mangyayari pa lamang. Lahat ng nilalang ng Diyos ay mahal na mahal nya, kaya’t mahalin din natin ang Diyos ng buong isip, puso at kaluluwa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: