Huwebes, Hulyo 15, 2021

July 15, 2021

Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas

Exodo 3, 13-20
Salmo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Mateo 11, 28-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Saint Bonaventure, Bishop and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Exodo 3, 13-20

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, nang marinig ni Moises ang Panginoon mula sa gitna ng isang mababang punongkahoy, sinabi niya sa kanya, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Lumakad ka na at tipunin mo ang mga lider ng Israel. Sabihin mo sa kanilang napakita ako sa iyo, akong Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, nina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako’y bumaba at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Dahil dito, iaalis ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa mayaman at masaganang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amorreo, ng mga Perezeo, ng mga Heveo at ng mga Jebuseo.”

“Pakikinggan ka nila. Pagkatapos, isama mo ang mga lider at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong akong Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, ay napakita sa iyo at kayo’y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang, upang maghandog sa akin. Alam kong hindi siya papayag hangga’t hindi siya dinadaan sa dahas. Kaya, ipadadama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; parurusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkaraan noon, papayagan na niya kayong umalis.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Slamo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

o kaya: Aleluya.

Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan.
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kangyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Ginawa ng Poon ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
Sa bansang Egipto’y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

ALELUYA
Mateo 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 10, 2021 at 12:46 am

PAGNINILAY: Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang paanyaya ni Hesus na sa ating araw-araw na pagtahak sa landas ng buhay, tayo ay lubos na lumapit sa kanya. Kung tayo’y napapakanta tuwing naririnig natin ang “Lift Up Your Hands” ni Arnel de Pano at ang “Halina, Lumapit Sa Akin” nina Fr. Danny Isidro, SJ at Fr. Nemy Que, SJ, ating palalimin pa ang ating Ebanghelyo na magpapatibay rin sa ating relasyon sa Panginoon. Mayroon tayong Diyos na may kakayahang intindihan ang ating mga pasan sa buhay, kaya siya’y Taong Totoo. At dahil siya rin ay Diyos na Totoo, inaanyayahan niya tayo na pasan ang kanyang pamatok.

Ano ang pamatok na kanyang tinutukoy? Si Moises sa Unang Pagbasa ay natagpuan ang Panginoon sa isang nagliliyab na punongkahoy. Minsan siya’y nagduda sa kanyang misyon na ipahayag ang mensahe ng Diyos sa harap ng isang bayang inalipin at niyurakan ng mga taga-Egipto. Kaya ang tanda sa kanya ay si YAHWEH na “Ako ay Ako Nga” na ibig sabihin alam na Diyos ang kanyang mga plano para sa bawat isa. Ang tao’y humahangad sa Panginoon habambuhay dito sa lupa ay makakasiguro na siya’y iluluwalhati riyan sa langit. Ngunit kinakailangan din natin ayon kay Hesus na pasanin ang kanyang pamatok.

Ang pamatok na tinutukoy niya ay ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Hindi naman sa nais niya tayo’y mamatay sa pagdurusa dahil alam niya’y walang tayong ginagawang masama, at hindi naman sa punto na kailangan takasan natin ang mga problema ng buhay, ngunit ang ating pinagtutuunan ay ang mabubuting pananampalataya sa Panginoon. At ang pananalig sa kanya ay may kaakibat na tugon na tama at mabuting gawain sa ating mga personal na buhay.

Kung tayo ay nahihirapan dahil sa mga pasan at dusa, nawa’y ialay natin ang mga ito bilang pagkakataong gawin ang mga bagay na nakakalugod sa paningin ng Diyos. At huwag po nating kalimutan na upang tayo’y kanyang patnubayan araw-araw,sa pagmulat ng ating mga mata tuwing umaga at sa pagpikit ng mga ito tuwing gabi, magdasal po tayo nang taimtim, at isang konkretong paraan ng panalangin ay ang ACTS: Adoration, Contrition, Thanksgiving, at Supplication. Mga kapatid, huwag po natin isuko ang ating pananalig sa Diyos. Kumapit lang po tayo kay Hesus.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 15, 2021 at 9:29 am

Pag tayo ay nagihirapan na, sa bigat ng trabaho, problema sa asawa, sa anak, sa kasintahan, problema sa mga bayarin, kahit anong mga pasanin, saan tayo tumatakbo? Ang iba’y sa alak, sa bisyo, nagpapakasama lalo, nang aaway, nandaraya, pumapatay ang iba nman ay sobrang hindi na kaya ay nagpapatiwakal. Mali!
Kapatid, subukan mong sa simbahan naman tumakbo at matatagpuan ang kapayapaan. Si Hesus ang gawin kong sumbungan wag si Tulfo. Kausapin mo ang Diyos ng taimtim, humingi ka ng kapatawaran at magsisi, pagkatapos ay hilingin ang pahinga ng isip at katawan at ipagkakaloob nya ito. Hindi kalabisan ang humingi sa Diyos, gusto iyon ni Hesus, yung manumbalik tayo sa kanya, pagbubuksan nya tayo pag kumatok tayo, bibigyan nya tayo pag humiling tayo, yun eh kung ibibigay mo ang buong pananalig mo sa Kanya, at kung ikaw ay magsisi sa mga nagawang kasalanan, at kung tatalikuran mo na ang mga masamang gawi. Ibibigay nya, walang sablay, nangyari sa akin, mangyayri din sayo, sobra sobra ang ibinigay sa hinihiling ko. Anuman ang edad mo ngayon, anuman ang estado ng buhay mo ngayon… hindi pa huli ang lahat. Pumasok ka sa templo ng Diyos, nag iintay ang simbahan sayo, kahit walang misa pumasok ka, makipg usap ka kay Hesus, napaksarap ng pakiramdam ng magkaron ng relasyon kay Hesus. Nag iintay lang sya para lumapit ka at yayakapin ka nya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: