Miyerkules, Abril 28, 2021

April 28, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules

Hindi kailanman niloob ng Diyos na tayo ay mamatay. Nilalang niya tayo upang mabuhay, subalit pinili natin ang kamatayan. Muli tayong pinagkakalooban ng buhay ni Kristong ating Manunubos kaya lumapit tayo sa ating Ama sa pamamagitan niya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, lumakad nawa kami sa iyong liwanag.

Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y patuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y tularan ang habag at kabutihan ni Jesus sa pangangalaga sa maging sa kanyang pinakaabang kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mamamayan ng mga mahihirap na bansa nawa’y maakit na lumapit kay Jesus na naging isang dukha para sa ating kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga may mabibigat ng pasanin sa buhay nawa’y makadama ng katangi-tanging pag-ibig at pangangalaga ng diyos sa kanila sa pamamagitan ng pagmamalasakit na nagmumula sa kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y itaas sa walang hanggang kaligayahan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos, nasa iyong kamay ang aming buhay. Taglay ang pagtitiwala sa iyong mapagpalang pangangalaga, inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:33 pm

PAGNINILAY: Ipinapakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang buhay na naparito upang tayo’y bigyan ng buhay na walang hanggan sa kabilang banda ng mundong ito. At upang ito’y mangyari, siya’y naparito sa sanlibutan upang sundin ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng kanyang pangangaral at kababalaghan. At sinabi niya na sinumang sumasampalataya sa kanya ay sumasampalataya rin sa Diyos Amang nagsugo sa kanya. At bilang katuparan ng ating pananampalataya ay inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan. Subalit siya’y muling nabuhay upang tayo ay magkaroon ng bagong buhay at bagong pag-asa na sundin siya bilang ilaw ng sanlibutan. Bago siyang umakyat ng langit, nag-iwan siya sa atin ng misyon na dapat nating tudpin alang-alang sa Mabuting Balita. At sa kanyang pag-akyat sa kalangitan, ito’y isang tanda na ipaghahandaan niya tayo ng isang tahanan upang makapiling natin ang Diyos Ama.

Kaya ang inaasahan niya sa atin na gawing makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang makamtan natin ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Subalit binalaan din niya tayo na magkakaroon ng hatol, at alam natin ito ang Huling Paghuhukom na magaganap sa katapusan ng mundo. Ngunit hindi ito bilang pananakot sa atin, kundi isang paalala na habang tayo’y nabubuhay, dapat manaig sa atin ang kabutihan at pagmamahal, alang-alang sa ginawa ni Kristo nang siya’y mamatay sa Krus at muling nabuhay mula sa libingan. Kaya itong ating pananampalataya sa Panginoon ay nawa’y maging matatag at mabunga sa pamamagitan ng mga mabubuting gawain tungo sa kapwa na naayon sa pamantayan ng ating Diyos Ama.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 28, 2021 at 5:57 am

Takot ka ba sa dilim? Kadalasan tayo ay hindi makakilos pagmadilim. May mga hiwagang nababalot sa kadiliman. Kaya ito ay nagdudulot ng pangamba. Si Hesus ang ilaw ng sanlibutan. Siya ang pumapawi ng mga takot sa atin. Kung siya ang tanglaw natin sa ating buhay, hindi tayo mapapahamak. Sundin nawa natin ang Kanyang salita. Ang utos ng Diyos Ama, at ipinapahayag naman Niya. Ang salita na hindi kayang pabulaanan nino man. Mapalad ang mga tao na nakakakita ng liwanag ni Hesus sa oras ng kagipitan sa buhay at tiyak na hindi siya mapapahamak.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 28, 2021 at 9:01 am

Nagnanasa ka ba sa hindi mo asawa? Matakaw sa laman, nanunuod ng mga kahalayan sa internet? Palamura? Nahihilig sa bisyong hindi maganda? Mahilig pag usapan ang buhay ng ibang tao? Tamad at mandaraya? Kung oo, ikaw ay nabubuhay sa kadiliman, sa kadiliman na maghahantong sayo sa kapahamakan,, hanggang sa iyong magiging angkan. Pero hindi ganun kalupit ang Diyos, iniintay ka nyang lumapit sa kanya at dalhin sa liwanag. Ang muli nyang pagkabuhay ay hudyat ng ating pagbabago. Hindi mangyayari ang liwanag na iyon lung hindi mo uumpisahan. Umpisahan mo kapatid, mangumpisal ka kagit direkta na sa kanya kung di makakapunta sa pari, isulat mo lahat ng kasalanan mo mula maliit hanggang sa malaki,, pagkatapos ay pagsisihan mo, pagkatapos ay magdasal ka ng 5 Ama Namin, 5 Hail Mary at 5 na glory be. Lilinisin ka ni Hesus at iwasan ng makagawa ulit ng kasalanan. Tutulungan ka nyang malabanan ang tukso hanggang sa unti unti mo ng masisilip ang liwanag, ang liwanag na iyo ay walang iba kundi si Hesus.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: