Huwebes, Abril 29, 2021

April 29, 2021

Paggunita kay Santa Catalina de Siena
Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 13, 13-25
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Juan 13, 16-20


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Saint Catherine of Siena, Virgin and Doctor of the Church (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 13-25

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Mula sa Pafos, si Pablo at ang kanyang mga kasama ay naglayag, at dumating sa Perga ng Panfilia; ngunit humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos ang pagbasa sa ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong iaaral sa mga tao, magsalita na kayo!” Kaya’t tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik.

“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, at pinagtiisan sa ilang sa loob ng halos apatnapung taon. Pagkatapos niyang lipulin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ipinagkaloob sa kanila ang lupain ng mga iyon sa loob ng halos apatnaraa’t limampung taon.

“Pagkatapos, sila’y binigyan niya ng mga hukom hanggang kay Propeta Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saulo na anak ni Cis. Naghari si Saulo sa loob ng apatnapung taon. At nang siya’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit taga-alis ng panyapak.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

ALELUYA
Pahayag 1, 5ab

Aleluya! Aleluya!
Si Hesukristo ay tapat,
saksi at buhay ng lahat;
tayo’y kanyang iniligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 13, 16-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo: ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa nagsugo sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin, mapapalad kayo.

“Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi ko; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit dapat matupad ang nasasabi sa Kasulatan, ‘Ako’y pinagtataksilan ng taong pinakakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung ito’y mangyari na, ay manalig kayo na ‘Ako’y si Ako Nga.’ Tandaan ninyo: ang tumatanggap sa sinugo ko’y tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:37 pm

PAGNINILAY: Ang tagpuan ng ating mga Ebanghelyo simula ngayon hanggang sa mga susunod na araw ay base sa lugar kung saan naghapunan ang Panginoon kasama ang kanyang mga Apostol. Ito’y isang paghahanda bilang sa ating pagdiriwang ng ika-40 na Araw ng Pagkabuhay ni Kristo: ang Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat sa Langit.

Tanyag sa Ebanghelyo ni San Juan ang mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan. Nagsimula ito sa pahayag ng Panginoon tungkol sa paglilingkod. Matatandaan natin na bago itong kwento natin ngayon, hinugasan ni Hesus ang paa ng 12 Apostol, at hindi pa nila naunawaan noon ang ginagawa niya. Matapos silang hugasan, ipinaliwanag ng Panginoon na ginawa niya iyon sapagkat siya’y tinatawag nilang Panginoon at Guro ay naglilingkod sa kanila. Ganun rin ang dapat trato nila sa paghuhugas ng paa at higit pa diyan ay ang paglilingkod sa kapwa. Nagbigay ang Panginoon ng larawan ng alipin at panginoon, pati ang sugo at ang nagsugo. Sinasabi rito na hindi dakila ang ikalawa doon sa nauuna. Pero hindi rin ito nangangahulugang yung nauuna ay palaging dapat namumuno doon sa ikalawa. Sapagkat ang nais puntuhin ni Hesus ay kung paano nating tinatrato ang isa’t isa. Sa mata ng makapangyarihan at maimpluwensiyang mundo, ang mga mayayaman at marangya ay tinuturing na pag-asa ng isang lipunan. Samantala ang mga mahihirap naman ay magkakaroon lang daw ng “may kwenta” kung ito’y magsisikap sa pagtratrabaho. Subalit hindi ito ang tingin ng Panginoon sa tao, na parang may kinikilingan. Kaya binalaan na niya ang mga Apostol na hindi silang lahat ay makikinig sa kanyang mga salita, sapagkat alam na niya ang isa sa kanilang samahan ay ipagkakanulo siya [Hudas Escariote]. Ngunit ang 11 Apostol na hinirang ni Kristo ay may inihahandang misyon para sa kinabukasan.

Kaya nang maganap ang Kamatayan sa Krus, Muling Pagkabuhay, at Pag-akyat ni Hesus, ito yung nagpapatibay sa kanilang pagbibigay-saksi sa Panginoon. At nang bumaba nga ang Espiritu Santo sa kanila sa pamamagitan ng dilang apoy, nagkaroon sila ng lakas at katatagan na ipahayag ang Mabuting Balita. At noong panahong iyon, ang pinakabagong Apostol sa kanilang samahan ay walang iba kundi si San Pablo. Narinig natin sa Unang Pagbasa kung paanong ipinahayag ni San Pablo sa mga Israelita tungkol sa katuparan ng kaligtasan ng Diyos. Malakas ang kanyang kalooban na ipahayag na si Kristong namatay at muling nabuhay ay tunay ngang Panginoon na namamagitan sa tao tungo sa mabubuting relasyon kasama ang Ama. At ang nangyari kina Haring David at San Juan Bautista ay isang paghahanda sa pagtanggap ng mundo kay Hesus bilang Panginoon, Tagapagligtas, at Hari ng sanlibutan. Kaya makikita natin ang naging buhay ng mga Apostol na naglalakbay sa bawat lungsod, nayon, at probinsya upang ipahayag ang Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo. Bagamat wala na si Hesus sa kanilang tabi, alam nila na siya nga ay tunay na nabuhay na mag-uli upang ang tao ay balang araw makamtan ang buhay na walang hanggan. Ang kanilang mga kababalaghan at mabubuting gawain ay isang tanda ng pagsunod sa yapak ng Panginoon ukol sa pagmamahal at paglilingkod.

Kaya itong ministeryo ng mga Apostol ay ipinamana sa Simbahan upang patuloy na paglingkuran ng Santo Papa, mga Obispo, Pari, Diyakono, relihiyoso, at namamanta ang mabubuting halimbawa ni Kristo tungo sa atin, na kabilang sa mga Laiko. At ang Laiko ay inaatasan rin ng Panginoon na patuloy na magmahal at maglingkod sa kapwa. Buong puso nating isabuhay ang mga utos at gawain ni Kristo para ang lahat ay makadama ng pag-ibig ng ating Diyos Ama.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 29, 2021 at 6:50 am

Tumatanaw ba tayo ng utang na loob? Kadalasan tayo ay napapaboran at tuwang-tuwa tayo. Ngunit pagmay pagkakataon sinusuklian ba natin ito ng kabutihan. Sa buhay natin ngayon, naglabasan ang mga taong may magagandang kalooban. Ngunit kung sino pa ang tumutulong ay siya pa ang napapasama, katulad ng Ating Panginoong Hesukristo. Sa pag gawa niya ng kabutihan marami ang nagagalit at naiinggit. Kadalasan, hindi rin Siya pinaniniwalaan sa likod ng Kanyang salita na may angking kapangyarihan. Kaya ang sabi ng ating Panginoong Hesus ” Mapapalad kayong mga taong di ako nakita ngunit sumasampalataya.”

Reply

Juanita deleon April 29, 2021 at 6:59 am

May basehan palad ang gagawing pagsugo ni SVF sa Kanyang mga ministries para maging misionero Ito ayon Kay SVF ng Real ay gawain ng Diyos katulad ng paghirang Nya kay Haring upang pamunuan ang pamayanang susunod sa kalooban ng Diyos

Reply

Ferdy Baetiong Parino April 29, 2021 at 9:01 am

Sinariwa ng ebanghelyo ngayon ang paghuhugas nya ng mga paa ng mga apostol. Nais ipahiwatig nito na tayo ay may tungkulin din na maglingkod. May mga kapwa tayo na sa tingin natin ay mas mababa kaysa sa atin, ngunit hindi nangngahulugan na sila ay ituturing nating alipin o mababang uri. Tao sila katulad mo, may mga mahal sa buhay katulad mo, nangangailangan ng pagmamahal katulad mo, may pinagdadaaang problema katulad mo, nanalangin sa Diyos nya katulad mo, nangngarap na guminhawa ang buhay katulad mo, at gawa at anak ng Diyos katulad. Pag aralin mong tratuhin ang iba katulad ng gusto mong itrato sayo, kahit pa sila ay walang wala sa buhay, mababa ang posisyon sa trabaho, walang pinag aralan, may kapansanan at walang ari arian. Tumlong ka hanggat kaya mo, maglingkod ka ng walang sinasabihan o walang pagyayabang, at ang Diyis na nasa langit ang magbibigay ng gantimpala sayo, sure yun kapatid.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: