Biyernes, Abril 30, 2021

April 30, 2021

Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 13, 26-33
Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11

Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.

Juan 14, 1-6

https://youtu.be/p1KvzZSm-Ys
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Fourth Week of Easter (White)
or mass of St. Pius V, Pope (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 26-33

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nang dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, siya ay pumasok sa sinagoga at sinabi: “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. Hindi kinilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Kristo ang Tagapagligtas. Hindi rin nila inunawa ang mga hula ng mga propeta, na binabasa tuwing Araw ng Pamamahinga; ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng hulang iyon nang hatulan nila ng kamatayan si Hesus. Bagamat wala silang sapat na katibayan para siya’y hatulan ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya’y ipapatay. At nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, ibinaba nila ito sa krus at inilibing. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos, at sa loob ng maraming araw ay napakita sa mga sumama sa kanya nang siya’y pumunta sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila’y mga saksi niya sa mga Israelita. At narito kami upang ipahayag sa inyo ang Mabuting Balita. Ito ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno na kanyang tinupad sa atin nang muli niyang buhayin si Hesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Awit:

‘Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11

Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.
o kaya: Aleluya!

Tungkol sa ‘kin ay sinabi ng Poong D’yos: “Sa bundok kong mahal,
sa tuktok ng Sion, aking iniluklok ang haring Marangal.”
Ganito ang sabi ng lingkod ng Poon na hari sa Sion:
“Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,
‘Ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,
Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon.

Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.

Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,
anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo.
Pamamahalaan mo ng kamay na bakal ang lahat ng ito,
tulad ng palayok, durugin mo sila sa mga kamay mo.’”

Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.

Kayong mga hari at tagapamuno sa lahat ng bansa,
mangag-ingat kayo at magpakabuti sa pamamahala;
ang Panginoong Diyos inyong paglingkura’t katakutang lubha.

Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.

ALELUYA
Juan 14, 6

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:37 pm

PAGNINILAY: Sa araw na ito, tayo’y nagsisimulang pagnilayan sa mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan. Para kay San Juan, ang salaysay ng paghahapunan ng Panginoon kasama ang kanyang mga Apostol ay isang alaala tungkol sa pamana ng pagmamahal na iniiwan niya sa kanila, at ito’y ipapahayag sa maraming tao, na kabilang tayo sa narinig ng mensaheng ito. Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang magadang kaloob ni Hesus tungkol sa buhay na walang hanggan, Tatlong pahayag ng Panginoon ang pinakatanyag sa Ebanghelyo.

1.) HUWAG KAYONG MABALISA; MANALIG KAYO SA DIYOS AT MANALIG DIN KAYO SA AKIN.
Matatandaan natin ang pokus ng Ebanghelistang si San Juan sa kanyang panunulat ay upang kilalanin natin si Kristo hindi lang taong kaisa natin at patuloy umaako sa ating abang kalagayan, kundi pati rin isang Diyos na naglalakbay kasama natin sa ating buhay-pananampalataya. Ang ating tapat na pananalig sa Diyos Ama ay isang paanyaya na kilalanin siya sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Ang pagtitiwala kay Hesus ay isang tunay na pananampalataya na siya’y nakikinig sa ating mga hinaing para sa ating mundo, lalung-lalo na sa ating mga mahal sa buhay. Bahagi sa katauhan natin ang pangangamba kung dumating ang mga hindi kanais-nais na mga bagay sa ating karanasan. Bagamat tayo’y humaharap sa maraming pagsubok, hindi dapat tayo manatiling mabalisa. Bagkus ay tayo’y tinatawag na sumampalataya at magtiwala lang sa kagandahang-loob ng Diyos na siyang binibiyayaan ni Kristo sa lahat ng humahangad nito.

2.) SA BAHAY NG AKING AMA AY MARAMING SILID. AT PAROROON AKO UPANG IPAGHANDA KO KAYO NG MATITIRHAN.
Maganda itong pahayag ng Panginoon bilang paghahanda halos 2 linggo mula ngayon para sa Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat sa Langit. Kaya ang mga diskurso ni Hesus sa mga darating na araw ay bilang paghahanda sa kanyang paglisan mula sa mundong ito patungo sa kanyang pinaroonan sa kalangitan. Nagmula siya sa Diyos Ama, kaya’t babalik rin siya sa tahanan ng Ama upang maghari sa atin. At dala niya sa kanyang pag-akyat ang pangakong kasama niya tayo hanggang sa katapusan ng mundo. Kaya alam natin na hanggang sa hantungan ng ating buhay sa daigdig, palaging kasama natin ang Panginoon. At nais niya tayong ipagkaloob ng biyaya ng buhay na walang hanggang sa kalangitan. Kaya ang ating patuloy na pananalig, pagiging tapat, masunurin sa dakilang kalooban, at pagpapadaloy ng kabutihan at pagmamahal ang ating dapat gawin upang makamtan natin ang walang hanggang kaligayahan kasama ng Diyos Ama at ni Hesus.

3.) AKO ANG DAAN, KATOTOHANAN, AT ANG BUHAY. WALANG MAKAKAPUNTA SA AMA KUNDI SA PAMAMAGITAN KO.
Ito ay isa sa mga 7 “Ako Ang” pahayag ng ating Panginoong Hesukristo ayon sa Ebanghelyo ni San Juan. Ang katagang “Ako Nga” o “I Am” sa wikang Ingles ay katumbas ng pagpapakilala ng Panginoong Diyos kay Moises sa nagliliyab na punungkahoy (Cf. Exodo 3:1-15). Kaya makikita natin na hindi lang ang katauhan ni Hesus, kundi ang kanyang tunay na pagka-Diyos. Upang magbunga ang ating pananampalataya sa kanya na hindi tayo’y mabalisa, kailangan nating sundin ang utos at aral ng kanyang Mabuting Balita. Alam natin na ang kanyang mga salita ay puno ng buhay at ng Espiritu. Minsan nga’y humarap siya kay Poncio Pilato bago hatulang mamatay, at sinabing ang sinumang naninindigan sa Katotohanan ay nakikinig sa kanyang tinig. At ang kanyang pangako kay Sta. Maria bago buhayin ang kapatid nitong si Lazaro na ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkakaroon ng BUHAY na walang hanggan. At ang pagkakaroon ng paninindigan sa Katotohanan at pagpapahalaga sa Buhay ay ang ating paglalakbay tungo sa DAAN ng kaligtasan: ang Daan ng pagmamahal, kabutihan, at katarungan. Ang buo at taospusong pagkilala kay Kristo bilang Daan, Katotohanan, at Buhay ay ang ating tungkulin upang makamtan natin ang hantungan ng kagalakan kapiling ang ating Panginoon.

Mga kapatid, tatlong magandang pahayag ni Hesus upang maging gabay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa kabila ng ating pinagdadaanan na pagsubok, nawa’y tayo’y patuloy na manalig sa kanya hanggang makamit natin ang biyaya ng ganap na pamumuhay sa langit. At sa ating pagkamit nito ay ang pagkilala at pagsunod sa kanya bilang Daan, Katotohanan, at Buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 30, 2021 at 9:06 am

Wag kayong mabalisa, manalig kayo sa Diyos, manalig kay Hesus.

Kapatid, kapag ikaw ay nababalisa, humuhina ang iyong pananalig kay Hesus. Kapag ikaw ay nagdasal, tanggalin mo na ang pangangamba, i-claim mo na, sapagkat pag ikaw ay nagdasal at nabalisa pa din, wala ang buong tiwala mo sa Diyos, parang nag doubt ka pa. Manalangin ng iyong kahilingan. habang iniintay ang pagsagot ng Diyos sa iyong dasal ay suklian mo na ng kabutihang asal.. at pag nakamtam mo na ipagpatuloy mo lang ang pagawa ng mabuti.

Tandaan mo lagi na walang hindi maipangyayrari amg Diyos! You just have to wait, not at the time you want but it will surely come..in HIS time….in HIS sweet time.

Reply

Bobby Javier April 30, 2021 at 6:28 pm

Papuri saiyo Panginoon

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: