Podcast: Download (Duration: 7:51 — 9.6MB)
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9. 10-11.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Juan 11, 19-27
o kaya Lucas 10, 38-42
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of Sts. Martha, Mary and Lazarus (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Mga pinakamamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatotohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9. 10-11.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 11, 19-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang paglalakbay at pumasok sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Hulyo 28, 2026
Huwebes, Hulyo 30, 2026 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig” (1 Juan 4, 7). Sa mga salitang ito mula sa pangaral ni Apostol San Juan na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang parangalan ang tatlong banal na tao na naging mga malapit na kaibigan ng Poong Jesus Nazareno – sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania. Binuksan nila ang kanilang mga sarili sa paanyaya ng Poong Jesus Nazareno upang maging Kaniyang mga kaibigan at lagi nilang ipinakita sa Kaniya ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa kanilang kaibigang mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Itinuturo ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania sa bawat isa sa atin kung paanong maging mga minamahal na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ipinapaalala sa atin ng magkapatid na ito na nais makipag-ugnayan sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kailangan nating gawin ay maging bukas at tanggapin ang paanyayang ito. Sa pamamagitan nito, ang ating tapat at taos-pusong pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ating pinapatunayan.
Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan; “Palagi kong pupurihin ang Dakilang Poon natin” (Salmo 33, 2a). Tanging mga tapat at taos-puso sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mahal na Poon ang makagagawa nito. Ang mga tapat at taos-pusong nananalig at sumasampalataya sa Panginoong Jesus Nazareno ay tunay ngang nag-aalay ng tapat at taos-pusong pasasalamat, papuri, at pagsamba sa Kaniya. Sabi nga rin sa alternatibong Salmong Tugunan na galing rin sa isa sa mga taludtod nito: “Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin” (Salmo 33, 9a). Ang magkapatid mula sa Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro na kilala rin bilang mga minamahal na kaibigan ni Kristo ay mga halimbawa nito.
Tampok sa Ebanghelyo ang tapat at taos-pusong pananalig ng magkapatid mula sa Betania sa kanilang minamahal na kaibigang si Kristo. Sa isa sa dalawang tampok na salaysay sa Ebanghelyo, inihayag ni Santa Marta sa Panginoong Jesus Nazareno ang kaniyang tapat at taos-pusong pananalig sa Kaniya bilang Anak ng Diyos at Mesiyas na kaloob ng Diyos sa tanan. Sa alternatibong Ebanghelyo, ibinigay ng kapatid nina Santa Marta at San Lazaro na si Santa Maria ang kaniyang atensyon kay Kristo Hesus habang nangangaral Siya sa kanilang bahay sa Betania. Ang buo niyang atensyon ay buong puso niyang inihandog sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isinantabi niya ang lahat para lamang sa Poong Jesus Nazareno.
Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makipag-ugnayan sa atin. Inaanyayahan tayo ni Jesus Nazareno na makipagrelasyon sa Kaniya. Maging bukas nawa tayo sa paanyayang ito ng Poong Jesus Nazareno, gaya ng magkapatid na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania.
PAGNINILAY
Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Si Hesus ay Panginoon ng ating pisikal at espirituwal na buhay. Ngunit ang pinakadakilang himala ni Hesus ay hindi ang pagpapanumbalik kay Lazarus sa pisikal na buhay. Ang pinakadakilang himala ay nakasalalay sa kapangyarihan ni Hesus na magbigay ng walang katapusang espirituwal na buhay sa atin na naniniwala sa Kanya. Ang mga taong lubos na nagtitiwala sa Diyos ay hinahayaan ang Diyos Mismo na kumilos at… sa kanila ay walang imposible. Ang pananampalataya na nais ni Hesus mula sa atin ay isang lubos na mapagkakatiwalaang saloobin na nagbibigay-daan sa Diyos na ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay. At ang pananampalatayang ito ay hindi nakalaan para sa ilang natatanging tao. Ito ay posible para sa lahat ng mananampalataya.
Panginoong Hesus, bigyan Mo kami ng pananampalataya na maniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay, at sa buhay sa daigdig na darating. Amen.
***
PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Paggunita sa tatlong magkakapatid ng Betania, sina Sta. Marta, Sta. Maria, at San Lazaro. Isa si Santa Marta sa mga kababaihang tagasunod ni Hesus at mga malalapit niyang kaibigan. Siya ang kapatid nina San Lazaro at Santa Maria ng Betania. Kilala siya sa paglilingkod sa mga pisikal na pangangailangan ng mga panauhin sa kanilang sambahayan. Minsan nga siya’y nagreklamo sa Panginoong bisita sa kanilang bahay na pagsabihan ang kanyang kapatid na si Maria na tulungan siya. Ngunit ipinaalala ni Hesus sa kanya na hindi dapat siya maging abala sa maraming bigay, kundi gawin ang nararapat na makinig sa Panginoon, katulad na ginagawa ni Maria.
Nang nabalitaan ni Hesus na may sakit ang kanyang kaibigang si Lazaro, alam ni Hesus na mamatay si Lazaro hindi dahil nais niya ito, kundi upang iphayag sa magkapatid, mga bisita nina Marta at Maria, at pati na rin sa mga Apostol ang tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nang makita ni Marta si Hesus, parang nanumbat siya sa Panginoon na dapat dumating rito noong buhay pa ang kanyang kapatid na si Lazaro. Ngunit idineklara ni Kristo kay Marta bilang Muling Pagkabuhay at ang Buhay, na sinumang sumasampalataya sa kanya ay mabubuhay kailanman at hindi na mamamatay. Kaya sumampalataya si Marta sa paniniwalang si Kristo ay ang Anak ng Diyos. Bagamat naging abala rin si Marta nang ipinauurong ni Hesus ang bato mula sa libingan dahil sa naagnas na katawan ni Lazaro, ipinaalala rin ng Panginoon sa kanya na makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos kung siya’y sasampalataya. Kaya binuhay muli ni Hesus ang kanyang kaibigan mula sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng isang piging sa Betania, na kung saan si Marta ay naghanda, samantala si Maria ay nagbuhos ng langis sa paa ni Hesus. Ito ang kanilang pasasalamat sa Panginoon sa pagbubuhay ng kanilang minamahal na kapatid na si Lazaro.
Makikita natin sa buhay ni Santa Marta ang kahalagahan ng pagsisikap at paglilingkod para sa Panginoon. Kasama nina Santa Maria at San Lazaro, siya’y nagbigay ng aliw sa ating Panginoong Hesukristo sa nalalapit na Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus nito sa Jerusalem. At ipinaalala rin sa atin sa kwento ng magkakapatid na taga-Betania ang pananamapalataya na hindi lahat ay natatapos sa kamatayan, subalit mayroon pang darating na kaligayahan sa buhay na walang hanggan kung tayo ay patuloy na mananalig kay Kristo.
PAGNINILAY Sa panahon natin ngayon ay maraming nagbibigay ng aliw
tulad ng mga ppop groups halimbawa ng BINI, mga palabas sa telebisyon , laro at social media kagaya rin ito sa ating natunghayan sa ebanghelyo natin ngayon maraming dumalaw na Judio kila Maria at Marta upang ito ay aliwin .
Nang marrinig naman ni Marta na parating si Hesus ngunit si Hesus ay nagpahayag nang sinalubong siya ni Marta
“Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sumagot naman si marta at may nalaman ito.
MGA KAPATID , sa ating nararamdaman ngayon sa winika na panginoon, kung kayo po naririto hindi sana namatay ang aking kapatid . Ngunit walang imposible naman kung sa diyos tayo lumapit .
Kung may tiwala naman tayo sa panginoon nating diyos, magtiwala tayo pagsisihan at talikdan natin ang ating mga pagkakasala upang makuha natin ang ating pinapangarap at panalangin upang mapagaan ito .
Kasalanan ang humahadlang sa pagtupad ng panalangin natin , ito ay base sa speech ni Bro.Mike Z.Velarde sa Bagong Liwanag magazine noong 1999.
Kung mananalig naman talaga tayo sa diyos, walang imposible
MGA KAPATID , noong huwebes ay binaha tayo lalo na ang nasa Manila. Ngunit mapapayo lang natin is magbayanihan tayo at humiling sa diyos, ipagdasal nila sa tulong natin at sa awa ng diyos
MAKAKABANGON ANG ATING BANSA SA DELUBYO O SAKUNA, KAHIT ANO PA YAN
SA NGALAN NG AMA ANAK AT ESPIRITU SANTO AMEN..
MAGNILAY: Sina Marta, Maria at Lazaro ay hindi lang mga disipulo ni Hesus. Sila’y magkakapatid na mga kaibigan o kabarkada ng Panginoon. Alam natin ang pagmamahalan ng mga magkakaibigan. Minsan mas higit pa sa tunay na magkakapatid. Maaaring nagsimula ang kanilang relasyon sa pagkakaibigan pero nauwi sa pananampalataya at pagiging mga disipulo nila ng Panginoon. Sukdulan ang pagmamahal ni Hesus sa kanyang mga kaibigan na nakita sa kanyang pagtangis at paghagulgol nang malamang namatay na si Lazaro na nauwi sa pagbuhay niyang muli upang maging patikim ng Muling Pagkabuhay kay Kristo.
Ang mga kaibigan natin ay kaibigan hindi lang dahil sa kanila natin nailalabas ang mga kalokohan natin na hindi tayo huhusgahan. Sila’y mga kaibigan natin dahil sa kanila lumalago ang pananampalataya natin sa Diyos. Sila ang mga kaagapay natin sa pananampalataya. Katuwang natin sila sa pagkakamit ng kabanalan at kaligtasan. Kay Hesus mas lalo natin natutuklasan kung ano ang tunay na kahulugan at kung paano maging tunay na kaibigan.
MANALANGIN: Panginoon, magkaroon nawa kami ng mga tunay na kaibigan na aakayin namin at aakay sa amin sa pananampalataya.
GAWIN: Palakasin mo ang pananampalataya ng kaibigan mong nawawalan ng tiwala sa sarili, sa kapwa at sa Diyos.
PAGNINILAY:
Sa araw na ito Ginugunita ng ating Simbahan ang tatlong magkakapatid na taga Betania—Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro, na hindi lamang malapit kay Hesus, kundi naging tahanan Niya sa tuwing Siya’y nangangailangan ng pahinga, pagkakaibigan, at suporta. Sila ay mga modelo ng paglilingkod (Marta), pakikinig at pagmamahal (Maria), at buhay na pananampalataya (Lazaro). Ang Ebanghelyo sa Juan 11 ay isa sa pinakamalalalim na tagpo sa buhay ni Hesus, kung saan ipinakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa harap ng kamatayan—at ang tugon ni Marta ay isang pananampalatayang hindi natitinag.
Malinaw na ipinahayag ng Panginoong Hesus na, “Ako ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay. Ang nananalig sa Akin, kahit siya’y mamatay, ay mabubuhay kailanman”(Juan 11:25). Sa harap ng kamatayan ni Lazaro, makikita natin ang matinding dalamhati ng kanyang mga kapatid. Ngunit higit pa sa pag-iyak, may pananalig si Marta na kahit huli na sa tingin ng tao, hindi kailanman nahuhuli ang Panginoon. Sinabi niya: “Panginoon, kung narito ka lamang, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit alam kong kahit ngayon, ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay Niya sa iyo.” (v. 21-22)
Ang sagot ni Hesus ay hindi lamang nakatuon sa muling pagkabuhay sa hinaharap, kundi sa pagbibigay ng bagong buhay ngayon pa lang sa mga nananalig sa Kanya. Ipinahayag Niya na Siya mismo ang Buhay—ang pinagmumulan ng pag-asa, paggaling, at kaligtasan.
Ang pananampalataya ni Marta ay isang huwaran para sa ating lahat. Sa kabila ng pagkamatay ng kanyang kapatid, nagpahayag siya ng tiwala:
“Oo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumating sa sanlibutan.” (v. 27) Isang simpleng babae, abala sa paglilingkod, ngunit may malalim na pananampalataya—isang paalala sa atin na ang tunay na paniniwala ay hindi lamang nasa salita kundi sa matatag na paninindigan kahit sa gitna ng dalamhati at kawalan.
Sa pagbubuod ng mga Pagbasa, sa Unang Pagbasa (1 Juan 4:7-16) ay nagsasabing ang umiibig ay nasa Diyos at ang Diyos ay sumasakanya. Ang Salmo 33 ay paanyaya na magtiwala sa kabutihan ng Panginoon. Sa Ebanghelyo (Juan 11:19-27), nakita natin ito kay Santa Marta—na sa kabila ng dalamhati ay nagpahayag ng pananampalataya at pag-ibig kay Hesus bilang Muling Pagkabuhay at Buhay.Pag-ibig, pagtitiwala, at pananampalataya—ito ang landas na tinatahak ng mga tunay na kaibigan ni Hesus.
Binhi ng Pananampalataya:
Sa ating mga pagdadalamhati, o sa mga panahong tila “huli na ang lahat”, pinapaalalahanan tayo ni Marta na magtiwala pa rin sa Diyos.
Sa ating paghihintay sa sagot ng Diyos, alalahanin natin na minsan ay ginagamit Niya ang pagkabalam upang ihanda ang mas malalim na himala. At sa ating pang-araw-araw na buhay, gaya ni Marta, maaari tayong maglingkod habang nananalig, hindi kailangang pumili sa pagitan ng gawa at pananampalataya—dahil ang tunay na pagmamahal kay Hesus ay parehong paglilingkod at paniniwala.
Panalangin: Panginoong Hesus, Ikaw ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay. Tulad ni Santa Marta, turuan Mo akong magtiwala kahit hindi ko lubos nauunawaan ang Iyong mga daan. Sa oras ng lungkot at pagkawala, itanim Mo sa puso ko ang pag-asang muling pagkabuhay. Nawa’y ang aking pananampalataya ay maging matatag, makapangyarihan, at mabunga. Hesus ako ay nananalig sa Iyo. Amen.