Martes, Abril 27, 2021

April 27, 2021

Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 11, 19-26
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7

Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.

Juan 10, 22-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Fourth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 19-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Saan man sila makarating, ipinangangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang taga-Chipre at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral naman sa mga Griego ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Sumakanila ang kapangyarihan ng Panginoon at maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.

Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.

Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7

Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.

Sa bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya’t iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lungsod ng Diyos.

Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.

“Pag itinala ko
yaong mga bansang sa iyo’y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.
“At tungkol sa Sion,
yaong sasabihi’y, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”

Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.

Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.

Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 10, 22-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Taglamig na noon. Kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng templo. Naglalakad si Hesus sa templo, sa Portiko ni Solomon. Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na nang tiyakan.” Sumagot si Hesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 22, 2021 at 7:32 pm

PAGNINILAY: Patuloy natin pinagninilayan ang pagdeklara ni Hesus sa kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Narinig natin kung paanong inilarawan ang kanyang sarili bilang pintuan para pangalagaan ang mga tupa sa loob ng kulungan. Siya ang Mabuting Pastol na iniaalay rin ang kanyang buhay upang ang mga kawan ay mabigyan ng buhay, at siya ang may karapatang bawiin ito sa hantungan ng buhay ng tao.

Ngayon sa ating Ebanghelyo (Juan 10:22-30), pumunta si Hesus sa Templo para sa Pista ng pagkakatalaga nito. Umupo siya sa may Portiko ni Solomon, at maraming Hudyong lumapit sa kanya upang itanong kung siya nga ba ang Kristo, o dapat silang maghintay umaasa sa ibang tao. Kaya sinagot ni Hesus ang tanong nila na matagal na niyang pinanindigan ito, subalit ayaw nilang maniwala. Maraming beses nang sinabi niya na ang kanyang mga gawain ay galing sa Ama, na siya namang sumusunod sa dakilang kalooban. Kaya ang tugon sa mga magandang ginawa ni Hesus ay pakikinig at pagsunod. Ito ang larawan ng mga tupang kilala ang tinig ng Mabuting Pastol, at sila’y susunod sa kanya upang ipagkaloob niya sa kanila ang buhay na walang hanggan. At ang patotoo ni Hesus na siya at ang Ama ay iisa.

Ang pistang ito ng mga Hudyo ay katumbas sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ng Pagsilang tuwing ika-25 araw ng Disyembre. Kaya pala ang ating masayang pagdiriwang ng Pasko ay isang pagdiriwang ng pagdating ng Diyos sa ating abang kalagayan sa pamamagitan ng katauhan ni Hesus. At ngayong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, patuloy nating sinasariwa ang diwa ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, na tunay na Diyos na nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Kaya ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos ay may kaakibat na makabuluhang gawain.

At ang paggawa ng kabutihan at katuwiran sa buhay, lalung-lalo na tungo sa kapwa, ay ang ating paraan upang pakinggan natin ang tinig ng Mabuting Pastol at sumunod sa landas niya. Kahit tayo ay nagdurusa at naghaharap sa maraming pagsubok, sikapin pa rin natin na maging mabuti at matatag upang sa bandang huli ng ating buhay, makakamtan natin ang kaligayan ng buhay na walang hanggan.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 27, 2021 at 6:23 am

Ikaw ba ay kabilang sa kawan ng Diyos? Sila ay sumusunod sa utos ng Diyos. Ang salita ng Diyos, ay pag-asa at nagbibigay buhay sa kanilang pagsubok. Ginagawa nila kung ano ang nakalulugod sa Diyos. Napakasaya ng mga taong kabilang sa kawan ng Diyos. Ngunit kaakibat nito ay iba’t ibang pagsubok. Mga sitwasyong susubok sa pananampalataya ng mga tao. Ngunit nandiyan ang Diyos upang patatagin sa oras ng kagipitan. Kailanman ay hindi sila iiwan upang mapagtagumpayan ito. Kaya nga nawa’y nasa tamang kawan sana, boses sana ng ating Panginoong Hesus ang ating naririnig,

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 27, 2021 at 9:19 am

Hindi madali ang sumunod sa kalooban ng Diyos, sa dami ng tukso sa paligid at pagsubok na darating. Pero sinubukan mo na ba? Subukan mo at gawin kapatid, nagiging mahirap lamang dahil hindi mo na gagawin ang masasarap na bawal, pero masarap sumunod sa Diyos lalo na pag nananalo ka sa paglaban sa tukso, lalo na pag ikaw ay may natulungan, lalo na kung handa ka sa mangyayari sa bawat araw at tanggap mo ang ibibigay ng Panginoon sa araw na yon. Masarap na ang kinakausap mo lagi ay si Hesus sa masaya man o malungkot na pangyayari. Masarap lalo pag binigay na ni Hesus ang gantimpala.

Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan At kailanmay hindi sila mapapahamak- Hesus

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: