Podcast: Download (Duration: 6:37 — 4.7MB)
Lunes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 6, 8-15
Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Juan 6, 22-29
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Third Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 8-15
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinuspos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu. Kaya’t lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magsabi ng ganito: “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” Sa gayo’y naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang matatanda ng bayan at ang mga eskriba. Siya’y sinunggaban nila at iniharap sa Sanedrin. At nagharap sila ng mga bulaang saksi laban kay Esteban. “Ang taong ito,” wika nila, “ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. Narinig naming sinasabi niya na ang Templo’y gigibain nitong Hesus na taga-Nazaret na ito, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” Tinitigan si Esteban ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha’y parang mukha ng anghel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
o kaya: Aleluya!
Kahit ako ay usigi’t labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo’y mag-aaral.
Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Pinatawad mo ang aking mga gawang kamalian,
ituro mo sa lingkod mo ang tuntunin mo at aral.
Ang lingkod ay turuang masunod ang kautusan,
sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 22-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa ibayo ng lawa na naroon pa ang isang bangka. Alam nilang si Hesus ay hindi kasama ng mga alagad, sapagkat ang mga ito lamang ang sumakay sa bangka at umalis. Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at sumadsad sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat sa Panginoon. Nang makita ng mga tao na wala na roon si Hesus, ni ang kanyang mga alagad, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta rin sa Capernaum upang hanapin si Hesus.
Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Abril 17, 2021
Miyerkules, Abril 21, 2021 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, matutunghayan natin ang isang telenovela tungkol sa Juan 6, o mas kilala bilang “Diskurso ukol sa Tinapay ng Buhay”. Ang “Tinapay ng Buhay” ay isa sa mga 7 “Ako ang” pahayag ni Hesus na isinalaysay ni San Juan. Noong nakaraang Biyernes, narinig natin kung paanong pinarami ni Hesus ang tinapay at isda upang maipakain ang napakaraming tao. Subalit nais ng mga tao na pilitin siyang maging hari, kaya si Hesus ay pinauna ang kanyang mga alagad na maglakbay sa ibayo ng dagat, habang siya’y mananalangin sa taas ng bundok.
At sinabi nga sa simula ng ating Ebanghelyo ngayon ay nakita siya ng kanyang mga Apostol na lumalakad sa ibabaw ng katubigan kahit may malalakas na bagyo’t hanging humahampas sa kanilang bangka. Ngayon ay ang mga taong naiwan sa bundok ay nagpasyang lumayag sa Capernaum upang hanapin si Hesus o kahit ang kanyang mga Apostol. At nang natagpuan nila ang grupo ng Panginoon kasama si Hesus, tinanong nila siya kung kailan siya’y dumating sa Capernaum. At ang naging analisis ng Panginoon na ang paghahanap ng tao ay dahil sa tinapay na kanilang kinain at sila’y nabusog. Kaya binigyan niya sila ng isang hamon, ang pagsisikap sa pagkaing nagbibigay-buhay, hindi yung pagkaing nakakamatay. At nang tanungin siya’y kung ano ang dapat nilang gawin, ang simpleng sagot ni Hesus ay ang sumampalataya sila sa isinugo ng Diyos Ama, na tumutukoy sa kanya mismo. Kaya itong unang bahagi ng ating “Tinapay ng Buhay teleserye” ay isang pagbabalik-tanaw at mahalang aral tungkol sa kababalaghang ating narinig noong nakaraang Biyernes. Sa ating buhay-Kristiyano, pinapaalala sa atin na ang ating buhay ay dapat nakasentro sa Diyos. Subalit sa kabila ng mga umuunlad na bagay katulad ng teknolohiya, kadamitan, siyensiya, at ilang mga mamahaling bagay na mataas ang pagkakailangan, hindi dapat mawala sa atin ang ating pananampalataya sa Panginoon.
At ito yung nais ipahiwatig ni San Esteban sa Unang Pagbasa na huwag nating hayaang ang ating mga ambisyon tungo sa kabantugan at mga makamundong bagay ay maging hadlang upang mas kilalanin pa natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Kristo. Subalit hindi ito pinaniwala ng Sanhedrin dahil sarado ang kanilang mga puso’t isipan. Kaya makikita natin na si San Esteban ay magiging isang saksi para kay Kristo, kahit ito’y umabot sa pagdanak ng kanyang dugo, na mamayang makikilala natin bilang kauna-unahang Kristiyanong martir. Subalit sa kabila ng kanyang paghihirap, siya’y pinagpala ng Diyos dahil sa kanyang katapatan sa dakilang kalooban.
At ito rin ang nais ni Hesus na sa ating pagsasampalataya sa kanya, nawa’y isaalaala natin ang pagiging masunurin sa plano ng Diyos para sa bawat isa. At ito’y ating magagampanan kung tayo’y nakapokus sa mga mahahalagang bagay, at hindi lang mga makamundong bagay.
Sa mga pangyayari sa ating buhay, nararamdaman ba natin ang Diyos? Sa mga unos, problema at mga pagsubok nandiyan ba ang Diyos? Kadalasang mga pagkakataong hinahanap natin ang Diyos. Ngunit sa panahong masaya, payapa at masagana hinahanap ba natin Siya. Ang Diyos ay Diyos sa masaya man tayo o hindi. Lagi Siyang nakasubaybay sa ating mga kinikilos at mga desisyon sa buhay. Kaya nga ang sinasabi sa banal na kasulatan ay manalig tayo kay Kristo ang Anak ng Diyos. Ang salita Niya ay katotohanan, kaginhawahan at pag-asa para sa lahat. Kaya naway maipahiwatig ang presensiya ng Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng pananalita at pagsasagawa.
Manalig kayo sa sinugo ng Diyos! Yan ang mismo ang sinagot ni Hesus ng tanungin sya kung pano nila magaganap ang kalooban ng Diyos. Ano ang ibig sabihin? Paniwalaan natin ang lahat nasusulat tungkol sa buhay ni Hesus magmula nung syay isilang hanggang sa patayin at muling mabuhay. Gawin nating inspirasyon araw araw ang ebanghelyo na parang pagkaing essential. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay pagsunod sa sampung utos. Anga katakawan sa laman, pagiging bantog, material na bagay at iba pang kamunduhan ay panadaliang kasiyahan lamang at anang oras at kayang bawiin ng Diyos kung nanaisin nya. Ngunit kung ikaw ay iwawaksi ang kasamaan at magkakaroon ng relasyon kay Hesus hindi mo na kakailanganin ang mga ito para sumaya. Magkakaron ka ng satisfaction at payapang buhay.