Sabado, Abril 17, 2021

April 17, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado

Taglay ang panibagong tiwala sa pag-ibig ng Diyos na laging nakahandang tumulong, ilapit natin sa kanya nang may pagpapakumbaba ang ating mga kahilingan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ikaw ang aming kapanatagan, O Panginoon.

Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y patnubayan ng Espiritu sa kanilang pag-akay sa kawan ng Diyos lalo na sa mga krisis na hinaharap ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y pagkalooban ng Diyos ng masaganang biyaya ng pananampalataya upang magkaroon tayo ng tapang na harapin ang mga pagsubok sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagpapatangay na lamang sa maunos na agos ng buhay nawa’y matagpuan ang Simbahan bilang isang payapang kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga maysakit nawa’y maihatid ang habag ni Kristo sa pamamagitan natin bilang tagapaghatid ng kanyang mapagmahal na pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong tapat sa Diyos nawa’y magtamasa ng kapahingahan sa Langit sa presenya ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, dagdagan mo ang aming pananampalataya upang ganap kaming makasalo sa buhay ng Simbahan upang matupad namin ang iyong banal na kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 13, 2021 at 10:27 pm

PAGNINILAY: Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdudulot sa atin ng pag-asang sumampalataya pa sa Panginoong buhay, upang malampasan natin ang bawat takot at pangamba sa ating buhay.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kasunod ng pangyayari mula sa Ebanghelyo kahapon. Kung matatandaan natin, may ilan sa 5000 katao ang nais gawing Hari si Hesus, kaya’t inutos niya sa kanyang mga alagad na tumawid sa ibayo ng dagat papuntang Capernaum, habang siya naman ay aakyat ng bundok upang manalangin. At sa kanilang paglalakbay, naransan nila ang takot at pangamba nang magkaroon ng isang unos na ang kanilang bangka ay nasa punto na lulubog dahil sa lakas ng hangin at matataas na alon. At tila nga ba’y nadagdagan pa ang kanilang takot nang makita nila ang isang lalaking lumalakad sa ibabaw ng tubig, na inakala nila ito’y isang espiritu o multo. Ngunit nang magpahayag ang tao na huwag sila mangamba sapagkat siya ito, nakilala agad nila na ang Panginoong Hesukristo ang lumalakad patungo sa kanila. Kaya’t pinasakay nila si Hesus sa bangka, at nagpatuloy sila ang Capernaum.

Ang kababalaghang ito ng Paglakad ni Hesus sa Tubig at ang kanyang pagpahayag na ‘Ako Nga Ito’ ay nagpapaalala sa mga alagad ng kwento ng paglilikas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Nang magpakilala ang Diyos kay Moises sa pamamagitan ng punungkahoy na nagliliyab ng apoy, ang pangalan na ibinigay ng Panginoon ay ‘Ako Nga’. At ang isang tanyag na pangyayari sa paglilikas ng bayan ng Diyos ay ang pagtawid nila sa Dagat Pula, na nagpatunay sa tagumpay ng Diyos na naggabay at nagligtas sa kanyang bayan. Higit pa dito, ang katuparan ng plano ng Diyos Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay ang Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, upang tayo ay matubos mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Kaya ang kababalaghan ng Ebanghelyo ngayon ay nagsisilbing paaala na si Kristo ay hindi kailanma’y pinababayaan ang kanyang Simbahan, ang daong ng kaligtasan. Sa kabila ng mga hamon na hinaharap ng mga pinuno at laiko ng Simbahan, patuloy na namamalagi ang pag-ibig ng Diyos na hindi kailanma’y pababayaan ng Mabuting Pastol ang buong kawan, kahit ang isa sa kanila ay sumuway/nagkasala.

Nawa’y patuloy tayong lumapit sa ating Panginoong Muling Nabuhay sa gitna ng mga krisis, kapighatian, at paghihirap sa ating buhay na parang katulad ng unos, na patuloy tayong kumapit sa kanya, upang madaanan natin ang bawat hamon sa ating buhay nang may pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 17, 2021 at 7:20 am

Ang sumasampalataya. Nakakatuwang isipin kung naniniwala ang tao sa Diyos. Tiyak masaya ang buhay at punong-puno ng pag-ibig. Ang mga taong naniniwala sa Diyos ay hindi nagugutom, ang kanilang kakulangan ay napupuno ng pagtulong mula sa ibang tao. Hindi nagpapabaya ang Diyos sa mga taong nagmamahal sa kanya. At tulad ng Diyos, nagkakaroon ng biyaya mula sa Espirito Santo ang mga taong sumusunod sa Diyos. Nakikita ito sa kanilang pamumuhay. Kaya nga manalig tayo sa Diyos, at sumunod tayo sa Kanyang salita.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 17, 2021 at 12:12 pm

Kapag ikaw ay gumagawa ng kasalanan lalong lalo na ang mga mabibigat na kasalanan ibig sabihin ay ikaw ay walang takot sa Diyos na may likha ng lahat ng bagay sa mundo. Aba’y sino tayo para banggain ang Diyos!!!?? San tayo pupulitin!?? Ano kahahantungan ng ating buhay!?? Sasaya ka ba!? Magkakaroon ka ba ng katahimikan at kapayapaan ng damdamin!? Wag mong sayangin ang kaisa isang buhay na ipinagkaloob sayo ni Hesus dahil lamang sa mga panadaliang sarap dulot ng kasalanan at kamunduhan. Gawin nating makabuluhan ang buhay natin sa lupa at kahit hindi marangya ay makakaramdaman tayo ng tunay na kaligayahan.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtataggutom sila’y binubuhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: