Mga Pagbasa – Lunes, Marso 30, 2020

March 30, 2020

PANALANGIN NG BAYAN

Naaalaala natin ang pagkahabag ni Jesus sa babaeng nakikiapid. Tumawag tayo sa kanya sa ating panalangin, nakatitiyak na tayo rin ay kanyang kahahabagan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, nagtitiwala kami sa iyo.

Ang mga napalayo sa Diyos dahil sa kasalanan nawa’y makaranas ng mapagmahal na habag ng Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang iawasan ang paghatol sa iba at sa halip ay tingnan ang ating sariling buhay sa mata ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may mabibigat na pasaning dala ng kahirapan at alalahanin nawa’y maunawaan na hindi sila iniiwan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa maling hatol nawa’y patatagin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kaligayahan at kapayapaan sa mga bisig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit,
tulungan mo kaming maging mapagpatawad sa mga taong hindi maganda ang pakikitungo sa amin. Maipakita nawa namin sa kanila ang habag na ipinakita ng iyong Anak na si Jesus sa babaeng nahuling nakikiapid. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.
Amen.

Pages: 1 2

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 30, 2020 at 12:16 am

Pagninilay: Ipinapahiwatig ngayon ng mga Pagbasa ang awa at katarungan ng Diyos. Ang mahabang salaysay ng Unang Pagbasa ay tungkol sa awa at katarungan ng Panginoong Diyos kay Susana, ang ama ni Hilkias at asawa ni Joakim. Si Susana ay inaakusahan ng dalawang matatandang hukom na nakikipaglandi sa isang lalaki sa loob ng hardin, subalit ang totoo ay silang dalawa ay may maruruming isip na pagnasain ang magandang babae habang nagliligo ito. Dahil naniwala ang taong bayan sa bintang kay Susana, una nilang hinatulang batuhan si Susana. Samantala siya’y matapat nananalangin para sa kanyang kawalan ng kasalanan. Kaya dininig ng Diyos ang kanyang panalangin at sinugo si Propeta Daniel upang kwestiyonin ang dalawang matatandang hukom na nagmamalinis habang nagbibintang sa dalaga. Isa sa kanila nagsabi na 2 magkaibang puno nakita nilang nakikipaglandi si Susana, subalit inilantad ni Daniel ang kasamaan ng 2 hukom na gusto nila lamang paglaruin ang katawan ni Susana. Kaya sila’y hinatulan ng kamatayan, samantala si Susana ay napatunayang walang sala at pinagpala dahil sa katatagan nito. Ang Ebanghelyo naman ay isa namang salaysay ng awa at katarungan ng Diyos. Dito makikita natin ang pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng nahuling “nakikiapid”. Marahil iniisip natin na ang babaeng ito ay si Sta. Maria Magdalena, subalit wala pong naibanggit dito sa Ebanghelyo ni hindi rin sa turo ng Simbahan na siya nga ang babaeng nahuling “nakikiapid”. Ang babaeng ito’y dinala ng mga Pariseo at eskriba sa paanan ni Hesus upang pagdesisyunan nito ng Panginoon ang hatol sa kanya. Ayon sa Batas ni Moises, kamatayan sa pamamagitan ng pagbato ang parusa sa mga taong nangangalunya. Subalit alam na ni Hesus ang kanilang intensyon upang tuksuin siya. Kapag sumang-ayon si Hesus na dapat batuihin ang babae, iisipin ng mga tao at kanyang mga tagasunod na sinasalungat niya ang kanyang turo ng pagmamahal at pagpapatawad. Ngunit kapag tumanggi si Hesus na hindi dapat batuhin ito, sasabihin nilalabag niya ang Kautusan ni Moises. Sa kabila ng banta ng mga pinuno ng Hudyo, batid na ni Hesus ang kanilang mga balak. Sa katunayan, kung nahuli nga nila ang babaeng nakikiapid, nasaan kaya ang lalaking nakasama niya? Kaya nagpatirapa ang Panginoon at nagsulat sa sahig. At siya’y tumindig nang hamunin ang mga tao na kung sino man ang walang kasalanan ay siya munang bumato. At siya’y nagtirapa sa sahig upang magsulat. Ayon sa mga eksperto ng Bibliya, marahil ang sinulat niya sa sahig ay ang mga kasalanan ng mga tao. Kaya sila’y isa-isang nagsialisan, na ang mga matatanda ang unang nagsialis. Makikita natin dito na ang Panginoon ay Diyos ng awa. Ngunit kasabay niyan, siya rin ay ang Panginoon ng katarungan. Nakita natin na ang babae ang naiwang kasama ni Hesus, kaya tinanong nito kung nasaan ang mga taong nambibintang. Tugon ng babae ay “wala” sapagkat hindi siya pinaparusahan ng Panginoon. Kaya ang hamon ni Hesus sa babae ay humayo at huwag nang magkasala. Bagamat napagbintangan ang babae na nakikiapid, batid ni Hesus ang pagkatao niya, katulad ng pagkaalam niya sa kasalanan ng mga tao, lalung-lalo na ng mga Pariseo at eskriba. Makikita natin ang ang ating Diyos ay kapwa mahabagin at makatarungan.

Mula sa dalawang pagbasa, dalawang aral ang maaari nating matutuntunan:
1.) Ang ating paninindigan para sa katotohanan ay isang gantimpala na hindi tayo’y ipapahamak ng kasamaan, kundi mananaig ang kabutihan dahil ang Diyos ay may awa sa inaapi at katarungan para sa tamang pamumuhay.
2.) Ang ating pagkukulang at pagkakasala sa buhay ay hindi dapat hanggang pag-amin na tayo’y “tao lamang”, kundi ito’y maging paraan upang hingin natin ang kanyang awa na patawarin tayo at ang kanyang katarungan mula sa ibang tao na itama ang bawat pagkakamali.

Reply

Barbara Silvia L. Manalo March 30, 2020 at 7:08 am

Panginoon ,marami pong salamat sa lahat ng iyong awa, tulong at pagmamalasakit sa aming mga anak mo. Lagi mo kaming patnubayan ,gabayan at iligtas sa ano pa mang sakuna at lahat ng uri ng karamdaman. AMEN

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: