Martes, Mayo 28, 2024

May 28, 2024

Martes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Pedro 1, 10-16
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Marcos 10, 28-31


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Eighth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Pedro 1, 10-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, tungkol sa kaligtasang ito, masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang humula sa kaloob na itong nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Kristo na sumasakanila nang paunang ipahayag sa kanila ang hirap na titiisin ni Kristo at ang parangal na tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila’y sa kapakinabangan ninyo – at hindi sa kanila. Ang mga katotohanang ito’y narinig ninyo ngayon sa mga tagapangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Nagsalita sila sa inyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santong sinugo sa kanila buhat sa langit. Ang mga katotohanang ito’y pinanabikang maunawaan ng mga anghel sa langit.

Kaya nga ihanda ninyo ang inyong mga isipan. Magpakatatag kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Hesukristo. Bilang mga anak, sundin ninyo ang Diyos at huwag ang masasamang hilig tulad ng ginagawa ninyo noong kayo’y wala pang tunay na pagkaunawa. Yamang ang Diyos na humirang sa inyo ay banal, dapat kayong magpakabanal anuman ang inyong ginagawa, ayon sa nasusulat: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
Ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 28-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nagsalita si Pedro kay Hesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 27, 2022 at 2:26 pm

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay papasok na bukas sa Panahon ng Kuwaresma, na kung saan alalahanin natin ang mga pinagdaanan ni Hesukristo para sa ating kaligtasan. Kaya ito ang panahong tumatawag sa atin na magbago, magsisi, magtiis, magsakripisyo, magpakumbaba, at maging malapit sa Diyos.

Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni San Pedro ukol sa pagkakamit ng kaligtasan para sa ating mga kaluluwa. Ang kaligtasang ito ay hinahanap ng mga propeta, at napuno sila ng Espiritu upang maging saksi sa mga mensahe ng Diyos. At sa pamamagitan ng pagtawag sa ministeryo ng Panginoon, hindi sila naglilingkod para sa kanilang mga sarili, kundi para sa bayan ng Diyos, na tayo rin ay kabilang sa isang Sambayanan. Kaya ang kanilang buhay na pagpapahayag ng mensahe ay maging halimbawa rin sa atin na mamuhay tayo nang nararapat sa Panginoon at maging banal tulad ng kabalanan ng kanyang mga hinirang. Ang kabanalan ay nakikita sa ating mabuting pagsasaksi sa kanya sa ating araw-araw na pamumuhay.

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay pagpapatuloy sa ating narinig na pagpapahayag ni Hesus tungkol sa pagiging mayaman na nakita natin sa anyo ng mayamang binata (Ebanghelyo kahapon). Nakita natin kahapon kung paanong nilapitan si Hesus ng binatang ito at tinanong kung ano ang dapat gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan. Tugon sa kanya ni Hesus na kung tinupad ng lalaki ang mga Sampung Utos, ipamigay niya ang kanyang mga ari-arian at sumunod sa Panginoon, kaya’t malungkot na umalis siya. At dahil dito, nagsalita si Hesus na mahirap pumasok ang isang mayayamang tao sa Kaharian ng Langit, ngunit mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom. Hindi po literal na makakapasok ang isang malalaking kamelyo sa maliit na butas ng karayom. Ito po ay tungkol sa paghahangad ng tao sa tunay na kaligayahan at kayamanang nakasalalay sa Kaharian ng Langit. Kaya’t ito’y panawagan sa pagsunod sa yapak ng Panginoon tungo sa buhay na walang hanggan. Ngunit ang magiging sakripisyo nito ay ang pagdaraan sa mga pagsubok ng buhay. At patuloy na nagsasalita si Hesus na kung sino man ang nag-iwan sa lupain, tahanan, at pati na mga kapamilya ay magkakamit ng kaligayahan sa kalangitan. Iyon nga ba ang gusto nating gantimpalaan kahit isasakrispiyo natin ang mga mahal natin sa buhay?

Makikita natin dito na mahirap sundin ang panawagan ni Hesus, subalit ang nais niyang ipahayag ay ang katatagan ng ating pananampalataya sa kanya at sa Diyos Ama. Hindi naman minasama ni Hesus ang ating mga pamilya at tahanan, subalit ang nais niya ay siya’y unang prioridad sa tawag ng pagsunod sa kanya. Hindi naman kinakailangang ibenta natin ang lahat ng mayroon tayo dahil alam ng Diyos na pinaghirapan natin ang mga ito sa edukasyon at trabaho, subalit dapat manatili tayong simple at mababa ang loob sa kabila ng mga kayamanan natin sa buhay. At matuto din tayong magbahagi ng iilang-ilang ari-arian at pagpapala sa ibang tao, lalung-lalo na ang ating mga buhay sa espirituwal na pangangailangan nila.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 1, 2022 at 9:20 am

Sinabi sa ebanghelyo na iwan natin lahat, ama, ina, kapatid, anak at ari ari-arian na kumakatawan sa ating mga pinanghahawakan at nagpapasaya sa atin. Ang mga bagay na hilig natin, kinahuhumalingan, mga bagay o posesyon na nagpapahiwalay sa atin sa Diyos, mga bagay na sa sobrang sarap ay nakakalimutan natin ang Diyos. Bukas ay ang umpisa ng kwaresma. Panawagan na pasanin natin ang krus karulad ni Kristo, magsakrispisyo bilang pakikidalamahati sa kanya. Mag-ayuno tayo at mangilin. Buong taon naman tayong nagpasasa sa kamunduhan at nagpaksaya. Ang kwaresma ay kwarenta diaz ng pagtitiis at pagkakabanal, na syang magiging umpisa ng tuloy tuloy nating pagababago at pgbabalik loob sa Panginoon.

Samanatalahin natin ang banal na panahon na ito mga kapatid, magsisis tayo sa mga gawang sala. Mangumpisal tayo, aminin ang mga kasalanan at ihingi ng kapatawaran. At magsikap na matalikuran na ang kasamaan.

Bukas ay sama sama tayong maglimos, manalangin ng mas madalas at magsakripisyo ng walang pinagsasabihang tao maging ang iyong matalik na kaibigan. Gantimpala ang naghihintay sa hulihan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: