Podcast: Download (Duration: 8:11 — 9.9MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa pagpapakain ng limanlibong tao, ipinakita ng ating Panginoon na ang Diyos Ama ang siyang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng biyayang ipagkakaloob niya sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, paapawin Mo sa amin ang iyong pagmamahal.
Ang ating mga pastol, lalo na ang Santo Papa at mga obispo, nawa’y patuloy tayong bigyan ng mga tamang katuruan sa pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may tungkulin upang labanan ang taggutom nawa’y maging matagumpay sa kanilang pagsusumikap na mapakain ang mga milyun-milyong nagugutom na tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagugutom kay Kristo nawa’y matagpuan ang iisang Panginoon, iisang pananampalataya, at iisang binyag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga may kapansanan nawa’y makatagpo ng kalinga, suporta, at kasiyahan mula sa kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa walang hanggang kasiyahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, binigyan mo kami ng tinapay buhat sa Langit upang maging pagkain namin sa aming paglalakbay. Gabayan mo ang bawat hakbang namin sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Pebrero 9, 2024
Linggo, Pebrero 11, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang patuloy na pagrerebelde ng Kaharian ng Israel (Hilaga) laban sa Kaharian ng Juda (Timog). Dahil sa katamaran ni Jeroboam na dapat pumunta sa Jerusalem, lalo na sa templo, kung saan dapat sumamba sa Panginoong Diyos, nagtatag siya ng lugar pagsamba sa Dan at Betel upang doon daw ay maaaring sumamba ang mga Israelita, at itinatag din niya ang mga sariling kapistahan. Kaya ito ang naging kaugalian na ng mga tao sa Hilagang Kaharian,dahil sa utos ng hari na akalaing makakasamba sila sa Diyos. Subalit hindi natuwa ang Panginoon sa ganitong uri ng pagsamba, kaya nagtapos ang pagbasa sa pagsabi na hindi na nagtagal ang pamumuhay ni Jeroboam dahil sa labis na pagkakasala nito laban sa kanya.
Sa paghahati ng dalawang kaharian ng dating pinag-isang Israel ni Haring David, umusbong din ang mga masasamang hari na hindi ikinalulugod ng Diyos, lalo na sa Kaharian ng Israel na kung saan namuhay sila sa mga paganong ritwual at pag-uugali. Bagamat may mga mabubuting hari na namuno sa Juda at ikinatutuwa ng Panginoon, karamihan sa mga hari ay masama rin. Kaya nga ang dalawang kaharian ay bumagsak sa kamay ng mga mababagsik na mananakop: Israel sa mga taga-Assiria at Juda sa mga taga-Babilonia. Ngunit makikita natin sa mga panahong ito ang paghirang ng Diyos sa mga propeta ng Lumang Tipan upang ituwid ang mga pamumuhay ng mga hari, pati na ng mga tao. Kahit sinakop na ang dalawang kaharian, isinugo pa rin ang mga propetang ito upang ipahayag ang mensahe ng Diyos tungkol sa tunay na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos na ito na patuloy na nag-uukit ng kanyang tipan para manumbalik ang tao at mamuhay sila ayon sa kanyang mga utos.
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay may pagkakahintulad sa Pagpaparami ng Panginoong Hesus ng limang tinapay at dalawang isda upang pakainin ang limang-libong tao, at sa huli ay nakadampot ang mga Apostol ng 12 bakol na tira. Subalit nakita natin na ito namang salaysay ay ang pagpaparami sa pitong tinapay upang pakainin naman ang apat na libong tao, at sa huli ay nakadampot sila ng 7 bakol na tira. Ngunit makikita natin sa 2 kababalaghang ito ang katauhan ni Hesus bilang maawaing pastol at ang Panginoong nagbibigay kaganapan ng buhay. Sa simula ng Ebanghelyo, natanaw niya ang napakaraming tao, kaya siya’y nagturo at naglinkod sa kanilang mga pangangailangan, lalung-lalo na sa pagpapagaling (bagamat hindi ito’y nabanggit sa pagpapakain sa 4000). At nakita niya na dahil sa dami ng tao at patakip-silim na ang araw, inutusan niya ang mga alagad na pakinin ang mga tao.
At nang maidala nila ang 7 tinapay sa Panginoon, dito sinasabi ng ating mga ninuno at dalubhasa sa pananampalataya ang pagbibigyang-halaga ni Kristo sa kanyang gawaing pang-Eukaristiya: kinuha ang tinapay, nagpasalamat sa Ama, pinaghati-hati ang tinapay, at ibinigay sa mga alagad upang ibahagi ang mga ito sa mga tao. Kaya ang 2 kababalaghang ito ay nagpapatunay na ang Panginoon ay nagbibigay ng kaganapan ng buhay. Kaya ang Sakramento ng Eukaristiya ay ang ating paglalasap tungo sa kaganapang iyon, na siyang ating makakamit sa huling araw daigdig patungo sa kanyang kaluwalhatian sa kalangitan. Patuloy niya tayong pinapabusog sa pamamagitan ng kanyang Salita at Katawan sa bawat Misa. Ang hamon sa atin ngayon ay kung paano tayo tutugon na makibahagi sa kanyang buhay, upang ibahagi rin natin siya sa bawat tao. Sinasabi ng ilang iskolar ng Bibliya na may malaking tiyansang nagbahagi rin ang mga taong nakinig at dumanas ng pag-ibig ni Hesus. Kaya nawa’y ibahagi natin din sa iba ang ating mga biyaya sa buhay, at kahit anumang mayroon tayo (maliit man o malaki, basta ito’y nagmumula sa ating mga puso).
Simple lamang ngunit malaman ang ating mga pagbasa ngayon na madaling maunawaan at magamit natin sa pang araw araw na buhay.
Ang mensahe ng Unang Pagbasa ay kapahamakan ang dulot ng pagsuway sa kautusan ng Maykapal. Binanggit dito ang sinapit ni Haring Jeroboam sa paggawa nya ng mga hakbang na hindi kalugod lugod sa Panginoon. Gumawa ka ng kasalanan, may parusa, Gumawa ka ng kabutihan, may biyaya at gantimpala. Ganun kasimple.
Sa ating ebanghelyo naman na aral at hamon ay walang imposible kay Hesus, 4,000 katao = pitong tinapay. Ang Panginoon ay mahabagin katulad ng nabasa natin sa Mabuting Balita ngayon. Ang mga taong ito ay kinakitaan ni Hesus ng lubos na pananampalataya sa kanya, kaya’t ipinakita nya din ang kanyang habag at biyaya.
Gumawa ng mabuti at sumampalataya ng lubos kay Hesus, ikaw ay kahahabagan at bibiyayaan. Ganun kasimple.
PAGNINILAY
Mahabaging pinakain ni Hesus ang libu-libong tao na napadpad at nagugutom. Nakialam Siya sa isang hindi maayos na kalagayan ng tao na walang magawa at nangangailangan. Ang Kanyang interbensyon ay nagpapakita ng Kanyang pangangalaga at pagmamalasakit sa mga tao, hindi lamang sa kanilang mga kahinaan o espirituwal na pagkauhaw kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pisikal na pangangailangan tulad ng gutom. Binigyan Niya sila ng pagkain hanggang sa kanilang kasiyahan at may mga natira, na tinipon at hindi itinapon. Sinasabi nito sa atin na kapag ang Diyos ay naglalaan para sa atin, Siya ay naglalaan ng sobrang kasaganaan. Sa himalang ito, si Hesus ang nagkusa. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin, ngunit dapat tayong maging malapit sa Kanya, para Siya ay magmalasakit sa atin. Mas alam Niya ang ating mga alalahanin kaysa sa atin. Maging malapit lang tayo sa Kanya at magtiwala na ibibigay Niya ang ating mga pangangailangan.
Panginoong Hesus, tipunin Mo ang lahat upang magpasalamat at magpuri sa Iyong hapag na sagana.? Amen.
***
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Bago pa man tayo makaramdam ng gutom. Bago pa man tayo mangailangan. Nalalaman ng Diyos ang ating kakulangan. Kung tayo ay sumusunod kay Hesus, nakikinig sa kanyang mga Salita, saan man ang lugar, anuman ang sitwasyon, nag iisip na siya ng kaukulang kasagutan. Iba’t-iba ang maaring mangyari pero sa Ebanghelyo sa araw na ito sinasabing walang kulang at walang salat pagkat maliit o kapiraso kaya niyang palaguin ang grasyang higit pa sa inaasahan. Karaniwang hindi natin alam na gumagalaw na ang Diyos kaya minsan ay hindi tayo naaantig kahit na sa isang himala tayo na ay nakatitig. Wala lang ika nga. Kumakain na pala tayo ng mga biyaya sa atin ay kanyang naihain. Pero pansinin nyo at pagkatandaan, ang tanging mga taong binibigyan ng kakaibang pansin ng Diyos ay ang mga sumusunod at nakikinig. Siksik liglig at umaapaw pa. Gusto rin ba natin ito’y tamasahin? Madali lang. Magbawas ng kasalanan sa parating Pangungumpisal. Tanggapin si Jesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Madalas na pagsamba at pakikipag tagpo kay Hesus sa Blessed Sacrament ng Adoration Chapel ng ating simbahan. Pag naging ugali natin ang mga ito, may sagot agad ang ating magiging mga panalangin bago pa man natin maisip at sambitin mga ito. Naunahan na tayo ni Kristo.
1 Hari 12, 26-32; 13, 33-34
Salmo 105, 6-7a. 19-20. 21-22
Marcos 8, 1-10
Gahaman ang tao and for his own convenience, gagawa siya ng paraan lagi to keep his wealth, possesions and power. Isang malaking kalapastangang gumawa ng diyos-diyosan katapat ng nagiisang Diyos ng sanlibutan. Matalino naman ang tao, naloloko pa rin sila ng kaaway. Bakit? Dahil nawawalan sila ng koneksyon sa totoong Diyos. Ang mga Israelita noong mga panahong ito ay nahiwalay sa kaharian ng Juda. Pero sa halip na sila’y sumamba sa Diyos na nagligtas sa kanila sa Egypt, parang nagkalimutan na, and for their own convenience sinamba na lang kung ano ang meron sila at the moment. Tayo ba? Madali ba tayo makalimot sa Diyos? Yung pinagaling ka Niya sa sakit, pero bumalik ka na naman sa dati mong bisyo? Yung nabuo na muli ang pamilya mo, pero ikaw naman ngayon ang nangaliwa sa misis mo? Mga kapatid, habang may buhay ay inaanyayahan tayong bumalik sa Panginoon.
Makikita natin na ang Diyos mismo ang maglilead sa atin papunta sa Kanya na parang pastol sa Kanyang tupa. Papaano iyon? Sa pamamagitan ni Hesus. Sa ating Ebanghelyo, Bakit nagstay ng pagkatagal-tagal (like 3 days) ang mga tao para lang mapakinggan Siya? Dahil mayroong something kay Hesus na nakakapag-attract sa atin sa Kanya. Ang Kanyang mga pagpapagaling, pagproprovide at ang Kanyang karunungang hindi katulad ng mga eskriba. Bukod doon, ang Kanyang habag! Ang number 1 na dahilan kung bakit naparito si Hesus ay dahil sa Kanyang habag at pag-ibig sa atin! Noong nagstay ang mga tao for 3 days para Siya ay mpakinggan at makasama, Siya’y nahabag dahil wala na silang makain. So ano ang ginawa Niya? Nagpaparty (^^,)V Siya ng libo-libong tinapay at isda! With God, nothing is impossible!
Tatlong aspeto ang makikita natin dito kung paano naglead towards extraordinary provision.
The first one is a heart that seeks the Lord. Tagpuin natin ang Panginoon sa ilang na lugar. Pag hindi available ay iseek natin ang Panginoon in the privacy of our hearts. Magkaroong tayo ng disconnection sa mundong ito upang tunay na mahanap natin si Kristo. Umattend tayo ng Sunday mass service para makatagpo Siya.
The second one is a heart that listens to the Lord. In the quietness of our hearts and minds, let us learn to listen to God through His Holy Spirit. Maaaring ito’y mula sa pagbabasa ng Bibliya, o di naman kaya’y pakikinig sa Misa at pakikinig sa mga religious podcast. Sa ating pakikinig, ipaparealize sa atin ng Diyos
Third one is the love and mercy of God. This one, wala tayong control. Ngunit ito ang katotohanan: ang awa at pag-ibig ng Diyos ay hindi naglalaho. He is the same yesterday, today and forever. Kaya tayo ay makakaasa na ibibigay Niya ang ating mga hiling. Ngayon, an equal reality is this: kung hindi man Niya ibigay iyon ay hindi ito para sa atin. Posibleng ito’y makasama sa atin, o posibleng may mas mabuti pa Siyang nakalaan para sa atin.
Pero higit na importante sa process na ito ay: tinatagpo natin ang Panginoon at tayo’y paulit-ulit na nakikinig sa Kanya. Ang Kanyang Presensya ang pinakamabuti at pinakadakilang regalo Niya para sa atin. At ito ay available sa atin araw-araw kung tayo lamang ay may pusong kinakatagpo at nakikinig sa Kanya. Amen.