Podcast: Download (Duration: 7:50 — 9.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Para sa mga Kristiyano, wala nang iba pang batas maliban sa batas ng pag-ibig. Manalangin tayo para sa ating katapatan sa batas na ito at walang pag-aalinlangang pagsasabuhay ng ating relihiyon.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, dalisayin Mo ang aming mga puso.
Ang ating Simbahan nawa’y laging mapanibago at dalisayin ng salita ng Ebanghelyo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magdulot ng pag-asa sa mga nanghihina ang kalooban sa pamamagitan ng ating pagmamahal kaysa pawang mga pampalubog na loob na salita lamang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y mapuno ng tapat na pagnanais na mabuhay para sa bawat isa upang sumamba tayong lahat sa espiritu at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at naghihingalo nawa’y makatagpo ng kaginhawahan ng pag-ibig at habag ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong mahal sa buhay nawa’y makasama sa kalipunan ng tunay na pagsamba sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, gawin mong dalisay ang aming mga puso upang hindi kami mawalay sa aming mithiing mahalin ka nang higit sa lahat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Martes, Pebrero 6, 2024
Huwebes, Pebrero 8, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Isinalaysay ng Unang Pagbasa ang kapangyarihan ng karunungan ni Haring Solomon. Lahat ng mga desisyon at pagpapasya niya para sa Israel ay nagmumula sa Diyos na Maykapal. Dahil sa kanyang karunungan, namangha ang reyna ng Seba at nagpuri sa Panginoon sa biyayang ipinagkaloob na iyon kay Solomon.
Itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ang tunay na nagpaparumi at nagpapalinis sa tao. Ito’y matapos niyang pagsabihan ang mga eskriba at Pariseo na kumakapit at ginagawa lamang ang utos at tradisyon ng tao, at walang pagpapahalaga sa Utos ng Panginoong Diyos. Ayon sa batas ng mga Hudyo, bawal daw kainin ang mga pagkaing marumi at madugo sapagkat ito’y isang kasalanan, at sagrado ang dugo. Ganun rin ang turing ng ibang mga denominasyon ng Kristiyanismo dahil ito’y iniutos ng Panginoon ito kina Moises at ng mga Israelita. Kung baga dito sa atin, hindi lahat ng Pilipino ay kumakain ng dinuguan. Ngunit para kay Hesus, direkta niyang idineklara na ang pagpaparumi sa tao ay hindi mga maruming pagkain o anumang bagay.
Ang tunay na nagpaparumi ay ang masasamang bagay dulot ng kasalanan. Kung mali ang ating mga isip, salita, at gawa, nawawala sa atin ang kaloob na grasya ng Panginoon. Kaya kailangan natin na espirituwal na paglilinis sa sarili upang maging karapat-dapat tayong kamtan ang biyaya ng Diyos. Kaya kung nais nating matanggap ang biyaya ng Diyos, dapat maging tapat tayo sa Panginoon sa paggawa ng mabuti at magiging mabubuting ehemplo para sa ibang tao.
PAGNINILAY
Lahat tayo, sa isang pagkakataon o iba, ay maaaring dumungis o
nagpasama ng imahe o reputasyon ng ibang tao. Maaaring hindi natin ito nagawa sa pampublikong paraan, tulad ng pagsusulat ng mensahe sa Facebook tungkol sa kanila. Marahil, maaari tayong gumawa ng isang mapanuksong komento o tumahimik at hinayaan ang ating katahimikan na magsalita para sa atin. Ano ang nasa loob natin na may potensyal na “dumungis”? Galit, Sakit, Inggit, Pagmamalaki? Madaling magsabi ng mga salita ngunit kapag nasabi na, hindi na natin ito maibabalik! Hindi rin maibabalik ang ating mga iniisip. Gayunpaman, maaari nating subaybayan ang direksyon ng ating mga iniisip at piliin na baguhin ang direksyon. Nawa’y ingatan natin ang ating puso at dila! Bago tayo magsalita, nawa’y huminto tayo sandali at tanungin ang ating sarili: ano ang sasabihin o gagawin ni Hesus sa ganitong sitwasyon?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makilala ang lahat ng aming kapwa sa kabila ng anumang pagkakaiba na tila naghihiwalay sa amin. Amen.
***
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ang lahat ng masama na maaaring magawa natin ay nanggagaling sa ating puso. Ito ay hindi lamang makakasakit sa atin kundi pati na rin sa mga tao sa paligid natin. Walang masama sa mga nakikita o naririnig natin kung hindi natin ito ilalagay sa puso natin na siyang namang magdudulot ng masamang isipan, na sa huli ay bibigyan ng katuparan sa mga maaaring gawin natin. Tahasang sinabi ni Hesus ang mga ito: makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Hindi pa huli ang lahat. Habang may buhay puwede pa magpakukumba, magsisi, at humingi ng kapatawaran sa lahat ng maling nagawa. Itutuwid tayo ni Hesus kung gugustuhin natin at susunod sa lahat ng kanyang pag uutos para sa kabutihan natin.
Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Buong Katotohanan, at Totoong Buhay. Parati tayo mangumpisal. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.
Marcos 7, 14-23
Create in me a clean heart O God, and renew a right spirit within me! (Psalm 51:10)
O Diyos ko! Ako po’y nagkasala sa Iyo at sa aking kapwa. Patawarin mo po ako Panginoon at nawa ay patawarin din ako ng aking kapwa. Linisin nyo po ako at ibangon muli sa pagkakasadlak ko sa kasalanan. Gawan mo po ako ng daan upang mapanumbalik o di naman kaya’y mapanibago ang aming kapatiran na winasak ng kasalanan. Ito ang aking samo at dalangin sa ngalan ni Hesus na aking Panginoon. Amen.
Kanina lang ay naghugas ako ng mga pinggan na pinagkainan sa bahay. Dahil mahina ang tubig, ay minabuti ko na magstore ng tubig sa mga water jar na may gripo sa bandang ibaba. Binuksan ko ang gripo nito at nakitang madumi ang tubig na lumalabas mula doon. Pagkatapos ay binuksan ko ang jar at nakitang madumi pala ang bottom part nito. Kung hindi ako nagcheck, magiging madumi ang tubig na manggagaling sa jar na ito. Tanong: tayo ba’y nakapag-check na ng ating puso’t isipan? O perfect na tayo?
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay malinaw na inexplain ng ating Panginoon. Self-explanatory at wala na akong maidadagdag pa. Ang pumapasok sa tao ay hindi nagpapadumi sa kanya, pero ang lumalabas sa tao ay ang nag-iindicate ng karumihan niya. With regards to this, dalawang bagay lang ang gusto kong maging practice simula ngayon.
Una ay ang araw-araw examination of conscience. Aba, kung gusto natin alamin na may mali tayo, kailangan natin pagnilayan ang bawat araw. Kung may masama ba tayong nasabi, kung may nasaktan ba tayo, kung may umiiwas sa atin dahil masungit tayo, kung nakapagisip ba tayo ng mali sa kapwa, etc. At para makita natin na may mali tayo, dalawang bagay ang kailangan natin. Ang humility o pagpapakumbaba, at ang Espiritu Santo na maggagabay sa ating konsensya. Hindi kase pwedeng mageexamine tayo ng conscience pero ang approach natin ay “wala ako kasalanan dyan”. Yung tipong tayo pa ang nagliligtas o nageexempt sa sarili natin na wala tayong kasalanan. At hindi matin malalaman na may kasalanan tayo kung hindi iuudyok ng Espiritu Santo, madalas ay sa konsensya natin, at mula sa Salita ng Diyos Niya ito ipinapamalas sa atin.
Pangalawang magandang ipractice ay ang paglilinis ng ating puso at isipan. Sasabihin ko na hindi natin ito kayang gawin on our own. Sa Bibliya mismo nanggaling, sa mismong salmo na binanggit kanina, “I was brought forth in iniquity, and in sin did my mother conceive me.” (Psalm 51:5) kung tayo lang, hindi natin maiaaalis sa sarili natin ang kasalanan pero salamat sa Diyos sa ating Panginoong Hesus na naglinis ng kasalanan ng mundo sa pamamagitan ng kanyang sariling laman at dugo! Kaya naman, matapos natin magexamine ng conscience, hilingin natin sa Diyos na tayo’y patawarin, at linisin, at maging malinis continually sa grasya ng Espirit Santo hanggang sa time na tayo’y katatagpuin ng Diyos.
Panginoon, maraming salamat po sa Iyong salita na nagreremind sa amin upang alalahanin ang mga nagawa naming mali, at magsikap na linisin ang aming mga sarili. Hindi po namin ito magagawa ng wala ang iyong grasya at kapatawaran, kaya kami po ay lumalapit sa Iyo ng buong pagpapakumbaba, exposing to you our sins and weaknesses. Patawarin mo po kami at bigyan ng pusong malinis mula ngayon hanggang sa wakas ng panahon. Sa ngalan ni Hesus ito ang aming dalangin. Amen.
PAGNINILAY
Ang mga Salita ni Kristo ay TAHASAN:
“Hindi ba ninyo alam na
hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya,
sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso,
kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.”
SA PAGSASABI NITO’Y PARA NANG IPINAHAYAG NI HESUS
NA MAAARING KANIN ANG LAHAT NG PAGKAIN.
“Ang lumalabas mula sa tao
ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos.
Sapagkat sa loob – sa puso ng tao
– nagmumula ang masasamang isipang
nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay,
mangalunya, mag-imbot,
at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
Sa ating paghingi ng kapatawaran
mayroon ba tayong ginawa
nagpaparumi sa atin sa mata ng Diyos?