Podcast: Download (Duration: 10:11 — 11.7MB)
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A)
Ezekiel 34, 11-12. 15-17
Salmo 22, 1-2a. 2b-3. 5-6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
1 Corinto 15, 20-26. 28
Mateo 25, 31-46
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
The Solemnity of Our Lord Jesus Christ, King of the Universe (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 34, 11-12. 15-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang ipinasasabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.
“Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ko na inyong Diyos na Panginoon: Ako ang magiging hukom ninyo. Pagbubukurin ko ang mabubuti’t masasama, ang mga tupa at ang mga kambing.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-2a. 2b-3. 5-6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 20-26. 28
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayon din naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayon din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon: si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Kristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Marcos 11, 9. 10
Aleluya! Aleluya!
Pagpalain dumarating
sa ngalan ng Poon natin,
paghahari’y kanyang angkin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 31-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’
“At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Nobyembre 25, 2023
Lunes, Nobyembre 27, 2023 »
{ 7 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang ngayon ng buong Simbahan ang huling Linggo ng Taong Pangliturhiya sa Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo sa Sanlibutan. Ito’y itinatag ni Papa Pio XI noong 1925 bilang tugon sa mga umuusbong na ideolohiya katulad ng sekularismo, kapitalismo, komunismo, sosyalismo, atbp. Ito’y pagpapahayag na sa kabila ng mga naghahari-harian sa pulitika, ekonomiya, at iba pang mga komunidad, si Hesus ay mananatiling tunay na Hari na ang kanyang kaharian, ang Kaharian ng Diyos Ama, ay mabubuhay kailanman. Dati ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ni Kristong Hari tuwing huling Linggo ng Oktubre. Subalit nang sumapit ang Ikalawang Konseho ng Vatikano, inilipat ang pagdiriwang sa huling Linggo ng Kalendaryo ng Simbahan bilang pagpaparangal kay Kristo na Hari matapos pagnilayan ang kanyang buhay mula Adbiyento hanggang Karaniwang Panahon. Kaya makikita natin sa liturhiya ngayon ang paghahari ng ating Panginoong Hesukristo na ibinigay sa kanya ng Ama dahil sa kanyang pagiging masunurin sa dakilang kalooban.
Ang Unang Pagbasa ay nagpapahayag tungkol sa Paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapastol. Nakita ng Panginoong Diyos ang katiwalian at katusuhan ng mga hari, prinsipe, at mga saserdote ng Israel, na punung-puno na siya sa kanilang pagsusuway at pagtalikod sa kanya. Kaya sinabi niya sa pamamagitan kay Propeta Ezekiel na siya ang mag-aalaga pa sa mga tupa nang tama at mas matatag pa ang pananampalataya at katapatan sa kanya. Hindi niya pababayaan ang kanyang mga kawan, sapagkat nais niya ang mga ito ay alagaan at itaguyod tungo sa kabutihang-loob. Kaya ang kanyang Anak na si Hesukristo ay ang Mabuting Pastol na patuloy na gumagabay sa atin tungo sa buhay na walang hanggan.
Ang Ikalawang Pagbasa ay nagpapahayag ng Paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng Pagkabuhay na mag-uli. Kaya ang Kapistahang ito ang nagpapahayag na sa huli, lahat ng bagay ay lilipas. Subalit ang hindi lilipas ay ang Diyos na buhay: ayon kay San Pablo, ang Diyos na nagbuhay sa ating Panginoong Hesus, at ibubuhay rin tayo sa huling araw tungo sa buhay na walang hanggan. At mangyayari ito ayon sa Apostol kapag ang lahat ng masamang hakbang ay malupig ni Kristong Hari, at ang huli-huling wawasakin ay kamatayan. Ang ating Panginoon at Hari ay hindi patay, kundi buhay na buhay, upang tayong lahat ay makamit ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapakita ng Paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod. Kung ang Unang Pagbasa ay ang pangangalaga ng Diyos bilang pastol, at ang Ikalawang Pagbasa ay ang pagbubuhay niya sa atin patungong langit, itong ating Ebanghelyo ay nagpapakita ng ating tungkulin dahil sa kanyang Paghahari. Matapos hinikayat ang mga alagad na maging handa katulad ng limang dalagang may langis at ilawan & katulad ng 2 lingkod na ginamit ang kabuuang 7 talento at umusbong ng 14 pa, dito ipinapakita ng Panginoong Hesukristo ang Huling Paghuhukom, nang siya ay dumating upang ihiwalay ang mga tao na katulad ng paghihiwalay sa mga tupa at kambing: ang mga tupa sa kanan na sumasagisag sa mga mabubuti, samantala ang mga kambing sa kaliwa, na sumisimbolo sa mga masasama. Kaya maraming Santo at Santo Papa ay nagsasabi na sa huling araw, hahatulan tayo ni Kristo ayon sa pagmamahal na ipinakita natin sa ating kapwa. Ang paglilingkod sa kanya ay paggawa ng kabutihan at katuwiran sa ating kapwa, kaya mayroon tayong 14 na Gawa ng Awa (7 Corporal, 7 Espirituwal). At isang patotoo ay ang pahayag ng Hari na anumang gawin natin sa ibang tao, ginagawa rin natin ang mga bagay na ito sa kanya. Dito makikita natin ang hayag na mukha ni Kristo sa ating kapwa at sa iba pang nilalang ng Diyos. Nasa atin na kung paano tayo tutugon sa tawag ng pagmamahal at paglilingkod na naayon sa kalooban ng Diyos Ama.
Mga kapatid, ang Dakilang Kapistahang ito ay nagtuturo sa atin kilalanin at tanggain ang ating Hari na nagpapastol, nagbubuhay, at naglilingkod. Sa kahuli-huliang sandali ng ating buhay, siya pa rin ang ating Hari, at sa kanya tayo tutungo. Kaya habang tayo nabubuhay sa daigdig na ito, gawin nating makabuluhan ang ating buhay sa pamamagitan ng pagmamahal at pagmamalas ng awa at malasakit sa ibang tao.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Ang hari ang kinikilalang namumuno sa lahat. May pagkakaiba ang Kaharian ng Langit at anumang kaharian sa mundo. Ginagalang at pinaglilingkuran ng mga tao ang makamundong hari sa pamamagitan ng pagkilala, pagbibigay pitagan at pag aalay ng buwis sa kanikaniyang kinikita. Pangsariling kapanibangan ito para sa mga naturingang hari ng mundo. Ang hindi sumunod sa hari ay ikukulong, paparusahan, o ipapapatay ng mismong hari. Walang paki alam sa kung anumang kasasapitan ng kanyang tagapagsunod. Ang Hari ng Langit ay naiiba. Nakikinabang ang mga taong tagapagsunod sa kanilang alay, pagkilala, kagandahang loob, pagkalinga, at pagmamahal sa Hari na nasa lahat. Nararamdaman ng Hari ang bawat damdamin, saya man o lungkot, ng kanyang taga pagsunod. Madaling ipaliwanag dahil ang Hari ay siya ring may likha ng kanyang kaharian. Isang Hari. Isang Kaharian. Isang damdamin. Isang puso. Siya ay nasasa atin. Ang sinumang sumira ng batas ng Kahariang ito ay nagpapalayo sa kanyang sarili sa Kaharian sa bisa ng “free will” na isang kakaibang katangiang ibinigay sa lahat ng nilikha na kawangis niya. At ang haring mag paparusa sa lahat ng mga hindi umayon at gumawa ng kabaliktaran sa pinag-uutos ay ang mismong Espiritu ng Hari ng Kalangitan na nasa atin hindi dahil tayo ay nagkasala kundi dahil pilit nating iwinawaksi ang Trono at Kaharian ng Langit sa atin. Ito ay ang pinaka masakit at pinaka malupit na sitwasyon sa pagtatapos ng panahon. Ito ang tinatawag na impiyerno- ang lugar na walang Hari o Diyos. Walang saya. Walang tulong. Walang pag asa. Ang lugar na puno ng hinagpis at kasakitan.
Ang pagmamataas at pagwawalang bahala natin sa mabuti at mainam sa buhay ang siya ring hahatol sa atin. Tayo ang naturingang Templo o Kaharian ng Diyos. Nasaan na baga tayo sa pag iingat ng Kaharian na iyan sa atin? Hihintayin pa ba natin ang ating mga huling sandali para malaman?
MAIKLI LANG ANG BUHAY…
Madalas siguro nating marinig yung kasabihang “MAIKLI LANG ANG BUHAY.” Maikli lang ang buhay, mag-enjoy ka. Maikli lang ang buhay, piliin mong magpakasaya! Maikli lang ang buhay, huwag mong gawing boring. Maikli lang ang buhay, huwag mong sayangin sa walang kwentang mga tao, at marami pang iba.
Pero may narinig na kaya tayong “Maikli ang buhay, subalit WALANG HANGGAN ang kabilang buhay”. Hindi ba’t dalawa lang naman ang kahahantungan nating lahat sa wakas? Ang buhay na walang hanggan o ang walang hanggang kaparusahan.
Nakalulungkot o nakatatakot ang dumating sa dulo at sumapit sa wakas. May mga pagkakataon nga siguro sa ating buhay na natatakot tayong magsimula sapagkat kapag tayo’y nagsimula, tatakbo rin ang oras patungo sa dulo, patungo sa wakas. Napagtanto ko rin sa aking pagninilay na masyado tayong nagpapahalaga sa oras, sa haba o ikli ng buhay ng isang tao, pero bakit hindi natin pahalagahan ang lahat habang may oras pa? Bakit hindi natin iparamdam sa kanila ng pagmamahal habang may oras pa? Bakit hindi natin gawing makabuluhan ang ating buhay habang may oras pa?
Maari naman pala nating baguhin ang mga nakasanayan nating kasabihan tungkol sa “MAIKLI LAMANG ANG BUHAY.” Maikli lang ang buhay, piliin mong magmahal. Maikli lang ang buhay, piliin mong magpahalaga. Maikli lang ang buhay, piliin mong maging dahilan ng pagngiti ng iba. Maikli lang ang buhay, piliin mong tumulong. Maikli lang ang buhay, gumawa ka ng mabubuting bagay. Sadyang maikli lamang ang buhay kaya’t sana’y piliin nating gamitin ito para sa lahat at hindi lamang para sa sarili.
Walang hanggang kaparusahan ang tatamuhin ng mga taong makasarili. Sikapin nawa nating makita at matulungan ang mga kapwang dapat pagmalasakitan upang pagharap natin kay KRISTONG HARI, matulad tayo sa salaring ipinakong kasama niya sa bundok ng kalbaryo, at makamtan rin natin ang paraiso.
Sama-sama nating sambahin si Kristong Hari. Lumuhod tayo hindi lamang dahil may komportableng luhuran, lumuhod tayo dahil may haring dapat parangalan, SI KRISTONG HARI NG SANLIBUTAN!
(Pagninilay sa Dakilang Kapistahan ng Paghahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan | Taon A – Mateo 25, 31-46)
Karaniwan na sa atin ang mapili sa maraming bagay, maging sa trabaho o mga gawain. Gusto natin ang maganda, madali, magaan, maayos, at marami pang iba. Malimit ay nais natin ang palaging may balik o pakinabang. Maging sa pag-aabot ng tulong, madalas ay doon tayo sa mga alam nating makapagbibigay sa atin ng magandang pabor o tatanaw ng utang-na loob, kumbaga ginagawa natin itong investment ang ating pagtulong.
Nakakalimutan natin ang mga taong mas higit ang pangangailangan, na karaniwan at nasa paligid lang natin.
Kung talagang ang iiral sa atin ay ang Pag-ibig ng Panginoong DIYOS, ay di tayo mamimili ng mga taong tutulungan bagkus ay magiging bukas tayo sa sinuman. Tulad ng inihahayag ng mga Pagbasa. Malinaw na ipinakikita na lahat tayo ay itinalaga upang makasama at makasalo ng Panginoong DIYOS sa Kaniyang piging, sa Kaniyang Kaharian. Lahat tayo ay Kaniyang hinahanap at ginagamot mula sa sugat ng ating mga kasalanan ay pilit naman tayong lumalayo at inililigaw ang ating mga sarili sa pamamagitan ng maling pamumuhay.
Kung tayo’y Kaniyang tinawag mula sa luma nating buhay ay marapat lamang na pagsumikapan nating magpatuloy sa landas pabalik sa Kaniya, gawin nating investment ang paglingap sa ating kapwa anuman ang estado nito sa buhay na walang inaasahang sukli o kapalit, walang pipiliin at itatangi. Dahil sa pamamagitan nito ay maipadarama at maipakikita natin na tayo’y na Kay KristoHesus at Siya’y sumasaatin, tulad ng mga tupang Kaniyang pinili.
PAGNINILAY
Malinaw na ipinahayag ni Hesus na mayroon langit at ang mga karapat-dapat na namuhay sa lupa ay pupunta doon. At pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng pagbangon mula sa mga patay at pag-akyat sa langit. Ano pa ang magagawa ng Diyos para kumbinsihin tayo? Ang langit ay kasing totoo ng sahig na ating kinatatayuan. Ngunit ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay isang ganap na naiibang kaharian. Malayo pa ito sa atin. Tiyak na hindi ito magiging katulad ng mundong ito. Gayunpaman, kung namumuhay tayo sa isang mapagmahal at buong pusong paraan, kung palagi tayong nagsusumikap na mahalin at tanggapin ang isa’t isa, hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa kung ano ang naghihintay sa atin sa “kabilang panig”. Nawa’y itigil na natin ang pagiging malungkot, natatakot na mga Kristiyano at hayaan ang ating buhay na maging isang masaya, mapagmahal, walang takot na patotoo – sa sakit o sa kalusugan, para sa mas mayaman o mahirap, sa trabaho at sa paglalaro – na ang langit ay umiiral at ang Diyos ay mabuti, ngayon at magpakailanman .
Panginoong Hesus, dalangin namin na balang araw kami at ang aming mga mahal sa buhay ay makasama Mo sa buhay na walang hanggan. Amen.
***
PAGNINILAY
Ang ating huling pagsusulit ay ang huling paghuhukom. Ang Tagasuri o Hukom ay si Hesus Mismo. Lahat tayo ay kailangang humarap para sa pagsusulit na ito. Hindi na natin mauulit. At ang resulta ay magdedepende sa ating buong kawalang-hanggan. Ngunit pinadali ni Hesus ang mga bagay para sa atin! Naibunyag Niya ang mga tanong ilang siglo nang maaga 🙂 At ang lahat ng mga tanong ay maaaring ilagay sa isang tanong lamang: Gaano o gaano kaliit tayo nagmahal? Balang araw ay tatayo tayo sa harap ng hukuman ng Diyos. Ang mahalaga kung gayon ay hindi ang mga libro o mga pagninilay na ating isinulat, ang mga gusaling itinayo natin, ang balanse sa bangko na mayron tayo, ang katayuan sa lipunan na ating tinatamasa, ang impluwensyang ginamit natin. Ang mahalaga lang sa araw na iyon ay: Gaano karami o kakonti ang ating minahal? Ang lahat ng iba pa nating tagumpay ay magiging basura at huwad na ningning. Napakalakas at simple, sa gabi ng ating buhay, sa pag-ibig lamang tayo hahatulan.
Panginoong Hesus, nawa’y paglingkuran Ka namin, parangalan, at sundin sa aming pang-araw-araw na buhay. Amen.
***
In Matthew 25:31-46, Jesus describes a scene where all the nations are gathered before him, and he separates people into two groups like a shepherd separates sheep from goats. The sheep represent the righteous, while the goats represent the unrighteous.
To the righteous (the sheep), Jesus says that they are blessed by his Father and are invited to inherit the kingdom because they showed kindness to him in practical ways. They fed him when he was hungry, gave him drink when he was thirsty, welcomed him as a stranger, clothed him when he was naked, cared for him when he was sick, and visited him in prison.
Perplexed, the righteous ask when they did these things for him, as they do not remember helping Jesus in such a direct way. Jesus responds that whenever they did these acts of kindness to the least of his brothers and sisters, they did it to him.
On the other hand, to the unrighteous (the goats), Jesus declares that they are cursed and are destined for eternal punishment. This is because they did not show kindness to Jesus in those practical ways when they had the opportunity.
Again, confused, the unrighteous ask when they failed to help Jesus, and Jesus responds that whenever they neglected to do these acts of kindness to the least of his brothers and sisters, they neglected to do it to him.
The key message of this passage is the importance of active love and compassion towards others, especially those in need. Jesus identifies himself with the marginalized and emphasizes that how we treat others reflects our relationship with him. This passage underscores the significance of practical acts of kindness, mercy, and justice in the Christian life. It encourages believers to live out their faith through love and service to others.