Lunes, Nobyembre 27, 2023

November 27, 2023

Lunes ng Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Daniel 1, 1-6. 8-20
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Lucas 21, 1-4


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Daniel 1, 1-6. 8-20

Ang simula ng aklat ni propeta Daniel

Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Joaquim sa Juda, ang Jerusalem ay nasakop ni Haring Nabucodonosor. Pinabayaan ng Panginoon na bihagin niya si Haring Joaquim at samsamin ang ilang kasangkapan sa templo ng Diyos. Lahat ng ito ay dinala ni Nabucodonosor sa templo ng kanyang diyus-diyusan sa Babilonia at inilagay sa silid na taguan ng kanyang kayaman.

Iniutos ng hari kay Aspenaz, pinuno ng kanyang mga tauhan, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. Ang pipiliin nila ay yaong kabataan, walang kapansanan, makisig, matalino, madaling turuan, may kaalaman sa lahat ng sangay ng karunungan upang maging karapat-dapat na lingkod sa palasyo. Ang mga ito ay tuturuan ng salitang Caldeo. Iniutos ng hari na sila’y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang tuturuan bago maglingkod sa hari. Kabilang sa mga ito sina Daniel, Ananias, Misael, at Azarias na pawang kabilang sa lipi ni Juda.

Ngunit ipinasiya ni Daniel na huwag tikman man lamang ang pagkain at alak na bigay ng hari upang hindi siya makakain ng mga bagay na marumi ayon sa Kautusan. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakanin niyon. Niloob naman ng Diyos na siya’y makalugdan at pagbigyan nito. Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa ibang kasinggulang ninyo. Tiyak na ako’y papupugutan niya pagkat siya mismo ang naglaan ng pagkain ninyo araw-araw.”

Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na nangangalaga sa kanila. Sinabi niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lamang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. Pagkatapos, pagparisin ninyo kami ng mga kasinggulang naming pinakakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at tingnan ninyo ang magiging resulta.”

At sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. Nang sila’y pagparisin pagkaraan ng sampung araw, nakitang mas maayos sila at malusog kaysa mga kasinggulang nilang pinakain ng pagkain ng hari. Kaya, gulay at tubig na lamang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inumin ng hari.

Niloob ng Diyos na silang apat ay matuto ng lahat ng uri ng kaalaman. Bukod dito, si Daniel ay binigyan pa ng kaalaman tungkol sa pangitain at panaginip. Pagkaraan ng tatlong taong itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nabucodonosor. Isa-isa silang kinausap ng hari, ngunit nakita niyang nakahihigit sina Daniel, Ananias, Misael at Azarias. Kaya, sila ang napili ng hari upang maglingkod sa palasyo. Sa lahat ng bagay na isangguni sa kanila, nakita ng hari na higit na di hamak ang kaalaman nila kaysa mga salamangkero at engkantador ng kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Purihin ka na nakaluklok sa maringal mong trono.
Karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.

ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44

Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 21, 1-4

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nang tumingin si Hesus, nakita niya ang mayayamang naghuhulog ng kanilang kaloob sa lalagyan nito sa templo. Nakita rin niya ang isang dukhang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing. Ang wika ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat bahagi lang ng di na nila kailangan ang kanilang ipinagkaloob, ngunit ibinigay ng balong iyon na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 20, 2021 at 4:24 pm

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ay katulad ng Ebanghelyo ng nakaraang Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (Nobyembre 7, 2021). Ito’y tungkol sa babaeng balo na naghandog ng 2 kusing sa lalagyan ng kayamanan sa Templo. Mababa ang pagtingin noon ng mga Hudyo sa mga balo, sapagkat itinuturing sila noong mga panahong iyon na walang kadala-dala. Subalit makikita natin sa Ebanghelyo na ang itinuturing daw na walang kwenta ay siya pang bida at magandang asal. Ang biyuda ay nag-alay ng 2 kusing, samantala ang iba ay napakalaking salapi ang inihulog. Kaya ang papuri ni Hesus ay napunta sa babaeng balo sa pag-aalay ng higit pa sa lahat.

Makikita dito sa tauhan niya na binigay niya nang buong puso kahit 2 kusing lang ang nagbubuhay sa kanya mula sa karukhaan. Makikita dito na ang pagbibigay ay hindi dapat ipinapagmalaki, kundi dapat ito’y gawin nang mula sa puso. Ang ibang sekta ay mayroon tinatawag na tithing system, sapagkat may tala sila ng mga miyembro ng kasapi nila na kailangan magbigay ng bawat isa na halagang 10 porsiyento. Subalit dito sa atin, nagbibigay tayo ng kahit anong halaga at kahit kailan sapagkat hindi tayo pinipilit na magbigay, basta ito’y nanggagaling mula sa puso. At ang pagbabahagi ng mga biyaya sa ibang tao ay may pagpapalang ibibigay na hindi nating inaasahan, at ito ay siksik, liglig, at umaapaw. Kaya sa pagtatapos ng Kalendaryo ng Simbahan, nawa patuloy tayo na gumawa ng mga mabubuting bagay katulad ng pagbibigay at pagbabahagi na galing sa puso.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 22, 2021 at 8:55 am

Sa usaping pagtulong, ano ang nagawa mo na nasa palagay mo ay may malaking impact sa iyong kapwa, komunidad o sa kalikasan? Ang mga biyaya mo bang natanggap ay sinolo mo lang at hindi nagpamahagi sa walang wala? Kung tumulong ka man, ito ay barya lamang at labis lamang sa iyong kayamanan? Maigsi lamang ang buhay ng tao, ang lahat ng mayroon ka ay mawawala din. Hindi masama ang mag impok pero masama ang magdamot. At sinabi din ni Hesus na nag maghahangad ng marami ay syang nawawalan.
Kapatid, kung ano man ang iyong tinatamasa ngayon maging karangyaan, kasikatan, kapangyarihan, posisyon, kayamanan, ari arian, maraming salapi.. ay kaloob lahat ng Diyos at sa isang iglap lamang kung nanaisin ay kaya nyang bawiin lahat maging ang buhay mo. Hindi mo masusuklian ang Diyos ng materyal na bagay na meron ka, pero masususklian mo sya sa pagsunod sa kalooban nya at isa dito ang pagtulong sa nangangailangan. Be generous qnd the Lord will be generous.

Reply

Rowena B. Tonogbanua November 22, 2021 at 12:28 pm

Ang pag-gawa ng kabutihan at pagbibigay ng buong buo sa kung ano ang meron tayo, ito ang simula ng karunungan na mula sa Diyos at ang
walang kapantay na kasiyahan.

Reply

Jess C. Gregorio November 23, 2023 at 12:58 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Bakit nga ba tayo nagpapakitang tao lamang? Kahit sa pagtulong, anduon ang ugat ng pagdamay pero karamihan dito ay palabas lamang at pagpapanggap. O kaya may kalakip na tubo o kapalit na inaasahan. Papuri ng mga nakakakita sa ating mistulang kabaitan? Sa panahon ng Social Media ngayon, likes and followers, na magbibigay pa ng mas malaking balik na pera sa Peysbuk at Yutub? Pansin na nagpapalaki ng ulo natin? O kaya ay pampalubag loob lang para di na tayo gambalain ng humihingi ng tulong? Minsan sa dami at laki ng yaman natin, barya-barya lang ibinibigay natin sa takot na mawalan, o sinadyang hindi magbigay ng sapat sa kadahilanang pinaghirapan natin ang lahat, kahit na ang maliit na maitutulong sa ating naipundar, at bagama’t mayroon at itinabi ay may pasabi pang, “sensya na hindi na ako makakatulong,” at nasa likod ng isip ang kaisipan na panlalait, “Hoy, magsumikap ka nang umasenso ka, tularan mo ako, napakatamad mo!” Ang lupit natin ano? Para bagang atin ang grasyang tinatamasa natin. Hindi natin alam kaya pinasosobrahan ang biyaya ay para sa iba at hindi lahat ay para sa atin. May kapalit na dilubyo ang pagiging sakim, kung hindi sa buhay natin, sa buhay ng mga magiging anak natin, at mga anak nila. Kasi ang itinago nating talento, ginto, at ari-arian ay hindi naman talaga atin. May nagmamay ari na sa pagtatapos ng buhay natin ay mag aaccounting ng Kanyang yaman. Ang hindi bumalik ay pabigat na matitira sa lahat ng hindi pinagkalooban nito. Sa kamalasang palad, hindi na tayo ang mga iyun, kakainin sila ng layaw, pag iimbot, kasakiman, kalupitan, at pagmamataas sa kanilang kaniya-kaniyang buhay. Sila ay ang mga magmamana ng itinabing sobrang yaman na hindi naibalik sa Maykapal. Ang nagbibigay ng sobra sa kanilang pangangailangan ay patuloy na magiging mayaman na walang dilubyo na naka abang sa kanilang buhay. May aral na malalim ang Mabuting Balita sa araw na ito para sa extreme consumerism at materialistic times na mayroon tayo ngayon.

Reply

Malou Castaneda November 27, 2023 at 7:08 am

PAGNINILAY
Tinitingnan ng Diyos ang puso. Minsan maaari nating ipagmalaki ang ating pagiging bukas-palad, ngunit nagbibigay ba tayo ng tahimik mula sa ating puso o ng may pagmamalaki, kung ano ang mas gugustuhin nating itago, o mula sa ating sobra lamang? Nakamamangha kung paano napansin ng Diyos ang mahirap na balo na naglalagay ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman. Gayunpaman, walang nakatakas sa Kanya, wala. Hindi nakatakas sa Kanya ang mabuti o masama, ngunit mas gusto Niyang pansinin ang pinakamaliit na kaloob na dinadala natin sa Kanya anuman ang ating edad, talino, o talento. Ito ang hinihiling sa atin ng pag-ibig: magmahal ng buong puso, ng buong sarili. Gaano man kaliit at kawalang-halaga ang nadarama natin sa ating pag-aalay, kapag inilagay natin ito sa harap ng Diyos, ang Diyos ay makakagawa ng higit pa rito. Alisin nawa ng Panginoon sa ating puso ang lahat ng hindi Niya kinalulugdan upang tayo ay maging sobrang mapagbigay sa ating pagmamahal.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging mapagbigay ng aming mga ari-arian sa lupa. Amen.
***

Reply

Lynn Obero November 27, 2023 at 6:23 pm

Panginoon, kung ano man ang ipinagkaloob mo na mga bagay -bagay sa amin dito sa lupa, tulungan nyo po kami maibalik namin ito sa inyo na bukal sa aming kalooban sa pamamagitan ng pagtulong namin sa aming kapwa. Ito’y akong dasal sa pamamagitan ng Iyong bugtong Anak na si Jesukristo, amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: