Podcast: Download (Duration: 7:05 — 8.9MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Patnubay sa Misa
Bilang pasasalamat sa tiwala at pagkabukas-palad ng Panginoon sa atin, idulog natin ang ating mga kahilingan para sa lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan, ng Simbahan, at ng bawat isa sa atin. Maging tugon natin ay:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng iba pang pinunong espiritwal: Nawa maging inspirasyon natin sila sa pagpapahalaga at paggamit sa mga kaloob ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa mga pinagkalooban ng mga pambihirang talino: Nawa gamitin nila ang mga kaloob na ito sa pagtulong at pagpapasigla sa mahihinang kasama sa pamayanan. Manalangin tayo!
Para sa mga di gasinong pinagpala: Nawa alalahanin nilang sila’y hahatulan di sa dami ng kanilang tinanggap na mga biyaya kundi sa kung paano nila ito ginamit. Manalangin tayo!
Para sa kabataan: Nawa maibuhos nila’t gamitin ang kanilang sigla’t lakas sa ikapagtatatag ng lalong mabuting daigdig, sa halip na sayangin ang mga ito sa pag- hahangad ng mga materyal na kasiyahan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan at mga mag-anak: Nawa ituring natin ang ibang mga kaanib bilang biyaya ng Diyos sa atin at tayo naman bilang Kanyang biyaya sa kanila, at sa gayo’y mamuhay sa diwa ng pagtutulungan. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, bigyan Mo kami ng ibayong sigla para higit naming pakinabangan ang mga kaloob Mong pagkakataon para sa kagalingan ng aming sarili, ng Simbahan, at ng sangkatauhan. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Nobyembre 18, 2023
Lunes, Nobyembre 20, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Malapit na tayo sa katapusan ng Taong Panliturhiya ng Simbahan. Ito ang huling Linggo bago ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari sa susunod na Linggo. At papasok naman tayo sa Bagong Taon sa pagsisimula ng Panahon ng Pagdating (Adbiyento). Kaya ang bilang ng Linggo ngayon ay ika-33, na sumisimbolo sa edad ni Kristo nang siya ay mamatay sa Krus, muling mabuhay, at umakyat sa langit. Isinasaad ng pagtatapos ng Kalendaryo ng Simbahan ang pagwakas ng lahat ng makamundong bagay, na si Kristo ay ang ating simula (Alpha) at katapusan (Omega). At ang mga Ebanghelyo nitong darating na araw ay isang paanyaya ni Kristo na paghandaan natin ang kanyang muling pagpaparito at/o kaya pati na rin ang katapusan ng buhay na hindi natin alam kung kailan.
At bilang paghahanda sa kanyang pagdating, dapat natin ipayaman ang ating misyon at ang ating mga talento mula sa Ebanghelyo natin ngayon. Hindi sinusukat ng Diyos sa pagpapareho ng paghahati ng kanyang mga pamanana sa atin dahil kahit ano mang bilang ng mga buto na ibinigay niya sa atin, pwede pa rin mag-ani ng sagana sa mundo, ang ani ng kabutihan. Kahit ang pinakamaliit na bagay ay makakamtan ang isang malaking diperensya. Kahit anong gagawin nating mabuti, kahit malaki o maliit, makaparehong sukat ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Kaya huwag natin ibaon sa lupa ang ating mga pamana, kundi isabuhay ito sa pag-aani ng sangkatauhan. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y gamitin natin ang ating mga talento para ipayaman ang ating bansa at ang buong mundo.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Magaling ka ba? Matalino? Nakagawa ng mga bagay sa buhay na hindi basta-basta magagawa ninuman? Kilala ka ba? Tanyag? Mayaman? Makapangyarihan? Mahusay? Kung gayon marami kang talento na ibinigay lang sa iyo ng Lumikha, ng Diyos, na kung saan nanggagaling ang lahat ng iyong kakayahan. Ipinagkatiwala sa iyo ang kanyang ari-arian. Ang kanyang imahen at hininga ng buhay. Ang pinagkatiwalang kaluluwa na galing sa kanya. Kung sakaling mag accounting ang Diyos at tinanong ka sa katapusan ng buhay mo… ang kaluluwa mo ba ay nagbigay ng tubo ng iba pang kaluluwa para sa Panginoon? O ibinaon mo lang sa lupa, tinabunan, kinalimutan, habang nagpakasasa ka sa pansariling kamunduhang biyaya, at sa pagtatapos ng buhay mo ay ibabalik mo sa may-ari na mag isa at walang kasama? Walang tinubong kapwa kaluluwa na maibabalik sa Diyos. Ikaw ba sa araw ng pagmumuni-muni na ito ay magiging magaling, mabuti at tapat na alipin na magkakaroon pa ng malaking bahagi sa kaharian o masama at tamad na alipin na ang lahat na tinatamasa sa buhay na ito ay mawawala at ang kaunti mong maititira ay babawaiin pa sa habang panahon? Hindi pa huli ang lahat. May oras pa. Gamitin natin anumang mayroon tayo ngayon at ipuhunan sa paghahanap ng mga nawawalang kaluluwa na maaaring ibalik sa Diyos.
NAGTIWALA AKO SA’YO
Naranasan mo na bang magtiwala at pagkatapos ay niloko ka lang? Minsan ka na bang umasa sa taong pinagkatiwalaan mo? Masyado ka bang nag expect sa mga taong pinagbigyan mo?
Muling gumamit si Hesus ng talinhaga upang maihalintulad sa paghahari ng Diyos. Tayong lahat ay inilalarawan sa ebanghelyo bilang mga alipin, pinagkatiwala sa atin ng Diyos ang kanyang mga ari-arian at lahat tayo ay binigyan ng salapi, mayroong limang libo, dalawang libo, at isang libo.
Ang mga ari-arian at salapi na pinagkatiwala sa atin ng Diyos ay napakalawak kung ating pag-iisipan ng mainam. Maaring ang kayamanang ito ay ang mundo, kalikasan, at ang mga bagay na nakapaligid rito. Paano ba natin pinangangalagaan ang kalikasan? Paano ba natin pinagyayaman ang mga bagay na ating napakikinabangan? Paano ba natin minamahal ang mundo ng walang halong pag-iimbot at kasakiman? May tinubo ba ang pangangalaga mo sa mundo, o pilit mong sinisira ang kalikasan, sinasaktan ang mga hayop, at wala kang pakialam sa iyong kapaligiran?
Maari rin na ang ari-arian at salaping ipinagkatiwala sa atin ay sumasalamin sa ating kapwa. Paano ba natin minamahal ang ating kapwa? Nagagampanan ba natin ang ating pananagutan sa isa’t isa? O pilit nating nasasaktan ang damdamin at tinatapakan ang dignidad ng ating kapwa-tao? May tinubo ba ang pagiging huwaran mo sa iba, lalong higit sa iyong mga kaibigan at pamilya?
Napakalawak ng talinhaga ni Hesus kung saan maari rin itong pumapatungkol sa ating sarili. Pinangangalagaan mo ba ang buhay na kaloob nya sayo o ito ay ibinababad mo sa mga makamundong bagay? Pinagyayaman mo ba ang mga talentong pinagkatiwala sayo ng Diyos, o ibinaon mo na lamang ito dahil sa kahihiyan at kawalan ng paniniwala sa sarili? May itinubo ba ang iyong sarili mula sa pagkalugmok, pagluha, sakit at mga pagsubok na iyong pinagdaanan, o nanatili ka na lamang nakalugmok, umiiyak, nagdurusa at nagrereklamo? Wala ka bang planong bumangon at magsumikap na patubuin ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos habang may panahon pa?
KUMILOS KA! Dahil NAGTIWALA ang Diyos sa’yo! UMAASA ang Diyos sa’yo! At NAG EEXPECT ang Diyos mula sa’yo!
Sa wakas ng buhay na ito, magsusulit tayo kay Kristo. Nasaan ang mga ipinagkatiwala ko sa’yo? Nasaan ang itinubo ng mga ito?
Handa ka na bang sa kanya’y humarap? Anong mukhang iyong ihaharap?
(Pagninilay sa ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 25, 14-30)
Ang “Talinghaga ng mga Talento” ay isang ilustrasyon na hindi lahat ay pinagkalooban ng pantay-pantay, ang mahalagang katanungan sa Mabuting Balita na dapat pagtuunan ng pansin ay kung gaano ang pagpapahalaga ng mga tumanggap sa mga talentong ito malaki man ito o pinaka-maliit. Alam ng Panginoon ang kanya kanyang mga kakayahan. Sa kwento ng talinghaga walang pinagdamutan na mga alipin kundi pinagkatiwalaan ang lahat at ang kaakibikat ng pagtitiwalang ito ay mga pagsusulit sa panahon ng muling pagdating ng kanilang panginoon. Ang bunga ng mga ipinagkatiwala ay ang siyang mahalaga.
Sa buhay nating mga kristiyano nasasalamin ba sa pamumuhay natin kung paano ba natin pinahalagahan ang biyaya ng buhay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Katulad ng bawat talento ay tumataas ang halaga nito at naka-depende kung paano pa ito nilinang, pinapanibago, at pinataas ang antas ng level. Ang isyu ay hindi doon nagtatapos sa kung gaano katagumpay, kalayo, at kataas ang naabot ng isang tao sa buhay kundi kung paano ginamit ang biyaya ng buhay na pinagkatiwala ng Panginoon sa bawat isa sa atin. Una na siguro, naging daluyan ba ang talentong ito upang makilala ang Diyos ng iba? Walang maliit na mabuting bagay na ginawa sa buhay at sa kapwa sa ikaluluwalhati sa ngalan Diyos na maituturing maliit. Sa katunayan marami ang may malalaking talento katulad ng sa pamumuno, sa sining, sa oras, sa talino atbpang mga talento na nagiging dahilan ng mga pagkalunod dahil ginamit nila ang mga ito sa mga pansariling interes at mga pagpapasasa. Ito ay halimbawa ng pagiging hindi tapat na alipin sa ipinagkatiwala sa kanila dahilan na itinago at inangkin lamang para sa sariling kapakanan.
Sa paglalalagum, dapat makita sa mga katiwala ang mga sumusunod na katangian: Una ang pagpapahalaga, kung paano tayo pinagkatiwalaan kaakibat nito ang pagpapahalaga na dapat hindi sayangin. Ikalawa, dapat hindi tumitigil sa paglilinang nito sa pamamagitan ng pagiging malikhain hahanap at hahanap ng paraan kung saan dapat mas mapapakinabangan ang talento ng kapwa at ng sambayanan ng Diyos. Pangatlo, sa lahat ng panahon makikitaan dapat ng kababaang loob sa paglingap ng kapwa tao lalo higit sa mas nangangailangan. Pang-apat, nakikita sa sarili na nangunguna sa pamamahagi ng kaayusan at kapayapaan sa kumonidad na kinabibilangan. At panghuli, lahat ng talento ay ginagawa para sa kapurihan ng nagkaloob na walang iba kundi ang Diyos na may lalang ng lahat para sa pagdating ng takdang panahon ay makapagsulit ng mga ginawang kabutihan na ang tubo nito ay ang walang hanggang buhay sa langit. Amen ?