Huwebes, Nobyembre 16, 2023

November 16, 2023

Huwebes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kay Santa Margarita ng Escosia
o kaya Paggunita kay Santa Gertrudes, dalaga

Karunungan 7, 22 – 8, 1
Salmo 118, 89. 90. 91. 130. 135. 175

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Lucas 17, 20-25


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Margaret of Scotland, Queen (White)
or Optional Memorial of St. Gertrude, Virgin (White)

UNANG PAGBASA
Karunungan 7, 22 – 8, 1

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Ang diwa ng Karunungan ay matalino at banal.
Iisa ang kanyang kalikasan ngunit napagkikilala sa maraming paraan.
Siya’y dalisay at walang katawang materyal, at malayang magparoo’t parito;
malinis, nagtitiwala at di maaaring mapinsala;
maibigin sa mabuti, matalas at di malulupig.

Ang Karunungan ay mapagkawanggawa, mabait,
matatag, tiyak, hindi nababalisa,
makapangyarihan at nakikita ang lahat ng bagay.
Ang Karunungan ay laganap sa lahat ng diwang matalino, matalas at dalisay.

Pagkat ang Karunungan ay mas maliksi kaysa damdamin,
at dahil sa kanyang kadalisayan, siya’y laganap sa lahat ng bagay.
Siya ay tilamsik ng kapangyarihan ng Diyos,
maningning na silahis ng kanyang kaluwalhatian.
Kaya walang marumi na makalalapit sa kanya.

Siya ay sinag ng walang hanggang liwanag,
salaming kinababakasan ng mga gawa at kabutihan ng Diyos.
Bagamat nag-iisa ang Karunungan, magagawa niya ang lahat ng bagay,
at bagaman siya’y hindi nagbabago, nababago niya ang lahat ng bagay.
Sa lahat ng salinlahi, siya’y lumalagay sa mga banal,
at ang mga ito’y ginagawa niyang mga propeta at mga kaibigan ng Diyos.
Walang pinakamamahal ang Diyos nang higit pa sa mga taong nawiwili sa Karunungan.

Ang Karunungan ay mas maganda kaysa araw,
higit ang kagandahan kaysa mga bituin, at higit pa sa liwanag.
Sapagkat ang liwanag ay nahahalinhan ng dilim,
ngunit ang Karunungan ay di nalulupig ng masama kailanman.
Ang lakas niya’y abot sa lahat ng sulok ng daigdig.
At maayos na pinamamahalaan ang lahat ng bagay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 89. 90. 91. 130. 135. 175

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Ang salita mo, O Poon, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago,
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo’y naglilingkod.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Sa buhay ko’y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

Upang ako ay magpuri, ako’y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.

Walang hanggan, Poong Diyos,
Salita mong tumutubos.

ALELUYA
Juan 15, 5

Aleluya! Aleluya!
Ako’y puno, kayo’y sanga;
kapag ako ay kaisa,
kayo’y t’yak na mamumunga.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 17, 20-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, si Hesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan itatatag ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay walang makikitang palatandaan. At wala ring magsasabing nagsisimula na roon o rini. Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa kanya.”

At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahong hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo makikita iyon. At may magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narini siya!’ Huwag kayong pumunta upang siya’y hanapin. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao’y darating na parang kidlat. Ngunit kailangan munang magbata siya ng maraming hirap, at itakwil ng mga tao sa ngayon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 7, 2021 at 4:41 pm

PAGNINILAY: Malapit nang matapos ang Taong Panliturhiya ng ating Simbahan, at sa darating ng 2 Linggo, ipagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng ating Kristong Hari. Kaya tinanong ng mga Pariseo kay Hesus sa Ebanghelyo ngayon kung kailan itatatag ang Kaharian ng Diyos. Ang naging tugon ng Panginoon ay walang nakakalam kahit ng palatandaan kung kailan darating ang oras na iyon. Ngunit sinabi rin niya na ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay alam na ng mga nananalig sa kanya. Kaya nga nang magsimula si Hesus na mangaral sa Galilea, sinabi niya na dumating na ang Kaharian ng Diyos upang sila’y magsisi mula sa kanilang pagkakasala at maniwala sa Mabuting Balita.

Kaya bilang mga mananampalatayang Kristiyano, tayo’y inaanyahan ni Kristo na paghandaan ang pagpaparito ng Kaharian ng Diyos. Ang paghaharing ito ay nakilala natin sa ating pananampalataya sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos, pakikibahagi sa Katawan at Dugo ng kanyang Anak, at ang pakikipagkapwa sa ibang tao lalung-lalo ang mga nangangailangan. Huwag po tayong malinlang ng mga gustong makipagsabi na alam nila kung kailan tatapos ang mundo, kundi dapat may pananabik tayo na salubungin ang Panginoon sa bawat oras at yugto ng ating buhay ngayon at kailanman. Ipinapaalala sa atin ng Unang Pagbasa ay palagi nating sumpungan ang Karunungan ng Diyos na walang bahid ng karumihan at hindi materyal. Itong Karunungan ay maganda sapagkat ito ay may kakayahang ipagpaunawa sa tao ang kalooban ng Diyos.

Kaya sa ating buhay, nawa’y palagi nating hanapin at gamitin bilang gabay sa paglalakbay sa pananampalataya habang nanabik tayo sa pag-asang bigay ng Kaharian ng Diyos Ama. At ang Karunungang iyon ay ang kanyang Anak na si Hesukristo.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 11, 2021 at 9:29 am

Ang paghahari ng Diyos ay naganap na sa mga taong nananalig sa kanya.. ang mga taong nanalig sa kanya ay nag mga nagsisi sa mga nagawang kabaluktutan, mga taong humingi ng kapatawaran sa Diyos at sa mga taong nagsisikap ma tuluyan ng talikuran ang pagsuway sa sampung utos ng Diyos. Ngayon kung ang mga ito ay hindi mo pa din ginagawa hanggang ngayon ay hindi maghahari ang Panginoon sayo. Kapag naghari na ang Diyos sa iyong puso’t isipan ay hindi ka na mababalisa, ang lahat ng dumating na hirap o problema sa iyong buhay ay kakayanin mo sapagkat mayroon ka nag relasyon kay Hesus, ika nga nila eh mamaniin mo na lang ang darating na hampas ng buhay ng walang agam agam. Hilingin natin ito kay Hesus ang pagharian tayo at sundin natin ang kalooban nya, dito ka makakaramdam ng tunay na kaligayahan at peace of mind na hindi kyang bilihin ng gano man kalaking salapi.

Kaya nga kasama ito sa dasal na itinuro sa atin ni Hesus. “Mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob dito sa lupa para ng sa langit”.

Reply

Jess C. Gregorio November 13, 2023 at 3:39 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula na sa ating mga puso nang inialay ni Hesukristo ang buhay niya para tubusin tayo sa kasalanan. Nagwika siya na sasambahin natin siya kahit saan sa Espiritu at Katotohanan. Tayo ang Templo ng Banal na Espiritu. Pero minsan mas gusto pa natin siya sambahin sa mga templong naisip at ginawa lang natin na kung saan wala duon ang Panginoon. Naging balakid at hadlang tayo sa nais ng Espiritu. Kaya nagtatanong tayo, kailan itatatag ang Kaharian ng Diyos na parang baga tayong mga makabagong Pariseo. Hindi tayo nakikinig. Hindi tayo sumusunod. Matigas ang puso natin. Ma pride. Ang pagtatapos ng ating kuwento sa buhay ay magiging biglaan. Ang tanong ay sino ang makikita natin sa oras na iyun? Saan tayo magigising? Sa Kaharian ba ng Diyos o sa kahariang ginawa natin para sa ating sarili?

Reply

Mel Mendoza November 16, 2023 at 11:01 am

Habang papalapit ang pagtatapos ng Kalendaryo Panliturhiya ng ating Simbahan pinagtutuunan natin ang paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari sa huling Linggo ng Nobyembre para naman salubungin ang Panibagong Panahon ng Adbiyento sa ikalawang Linggo ng Disyembre. Kaya naman mararamdaman sa mga Pagbasa ang mga paghahanda ng ating mga sarili sa pagdating ng ating Manunubos na si Hesukristo.

Sa Mabuting Balita tinanong si Hesus ng Pariseo kung kailan itatatag ang kaharian ng Diyos. Ang parehong katanungan ay pwede ding ibato sa ating mga kristiyanong mananampalaya. Sa araw araw nating mga pagiral lagi nating kasa-kasama ang iba’t ibang uri ng pinagkakaabalahan na kadalasan nawawalan ng panahon para makipag-ugnayan sa Diyos. Natural lang na masasabi na lahat naman ay may kanya kanyang priority o gampanin para sa ikabubuhay masasabi na minsan nagiging routinary na ang mga ito. Pero maganda laging alalahanin na sa gitna nating lahat ay may Nagkaloob ng biyaya ng buhay na siyang dahilan kung bakit patuloy na nagpupursige’t pinapaganda natin ito para sa kaaya-ayang pamumuhay. Ang panukala ng tao ay hindi kapara ng panukala ng Diyos na ninanais para sa ating lahat. Mawawalan ng saysay ang lahat ng mga pagpupunyagi kung matutuun lamang sa materialismo na pangangailangan dapat maglaan ng sapat na panahon upang umunlad naman ang buhay na pang-espirituwal. Ang tanda na ang paghahari ng Diyos ay nasa isang tao na nga kung palagiang nakikinig sa kanyang mga aral na nakatala sa Banal na Aklat, sumusunod at naisasabuhay ito’t naipapamahagi sa kapwa, at pinahahalagahan sa tuwina at gawing pinaka-sentro ng buhay.

Huwag ng maghanap ng iba pang tanda tungkol sa paghahari ng Diyos. Pahalagahan at mahalin ang biyaya ng buhay, sa araw araw imbitahan ang presensya ng Banal na Espiritu at hayaan padaluyin sa puso’t isipan at mga gawa upang maging daluyan din ang sarili para iba lalo higit doon sa mga nangangailangan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: