Podcast: Download (Duration: 5:41 — 4.1MB)
Paggunita kay Santa Isabel ng Unggaria, namanata sa Diyos
Karunungan 13, 1-9
Salmo 18, 2-3. 4-5
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Lucas 17, 26-37
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Elizabeth of Hungary, Religious (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Karunungan 13, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Napakahangal ang mga taong hindi nakakikilala sa Diyos.
Nakikita nila ang mabubuting bagay sa daigdig,
ngunit hindi nila makita ang Diyos na buhay.
Pinag-aaralan nila ang kanyang mga nilalang,
ngunit hindi nila nakilala siya, na lumalang sa mga ito.
Sa halip, ang apoy, ang mabilis na hangin, ang unos,
ang mga bituing naglalayag sa karurukan,
ang rumragasang tubig at ang mga tala sa kalangitan,
ang kinikilala nilang mga diyos na namamahala sa daigdig.
Kung kinilala nilang diyos ang mga ito dahil sa kanilang angking kariktan,
dapat ay nalaman nilang higit na dakila ang lumalang sa lahat ng iyan, ang Panginoong Maykapal.
Siya ang pinagmulan ng lahat ng kagandahan, ang lumikha sa lahat ng mga ito.
Kung namangha sila sa kapangyarihan ng mga ito,
dapat nilang malaman na higit ang kapangyarihan ng lumikha sa mga ito.
Sapagkat sa pagmalas natin sa kalawakan at kagandahan ng sangnilkha,
makikilala natin ang Lumikha.
Baka naman hindi sila dapat sisihin nang lubos.
Maaaring nagsikap silang makilala ang Diyos,
ngunit naligaw lamang sa kanilang paghahanap.
Sa pag-aaral ng mga bagay na nasa paligid nila,
lubha silang naakit sa kagandahang kanilang nakita.
Hanggang sa naniwala silang diyos nga ang mga ito.
Ngunit wala silang tunay na maidadahilan sa kanilang pagkaligaw.
Kung nakayanan nilang pag-aralan ang sansinukob,
bakit di nila nakilala ang Panginoong maylikha sa lahat?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Ang langit ay nagdiriwang
sa Panginoong marangal.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 26-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa, hanggang sa araw na sumakay si Noe sa daong. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayun din noong panahon ni Lot. Ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, namimili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Gayun din sa pagdating ng Anak ng Tao.
“Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang kanyang mga ari-arian sa loob ng bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makapagliligtas nito. Sinasabi ko sa inyo: may dalawang lalaking natutulog sa isang higaan sa gabing iyon; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.” “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung saan naroon ang mga bangkay, doon naman nagkakatipon ang mga buwitre.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Nobyembre 16, 2023
Sabado, Nobyembre 18, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: 2 Linggo na lang ang natitira, at matatapos na ang Taong Panliturhiya ng ating Simbahan. Tatapos ang Kalendaryo sa pagdiriwang ng Pagkahari ni Kristo, tapos sisimula muli ang bagong taon sa pagpasok ng Panahon ng Adbiyento. At ang Adbiyento ay ang panahon ng paghahanda sa pagdating ni Hesus. Hindi lang ito tumutukoy sa pagdiriwang ng kanyang Pagsilang sa Kapaskuhan, bagkus ang Adbiyento ay isa ring paghahanda sa kanyang Muling Pagpaparito sa katapusan ng panahon.
Kaya ang turo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon ay kung gaanong katulad ng mga kapanahunan ni Noe at Lot ang pagdating niya bilang Anak ng Tao. Sinasabi dito na ang mga tao sa panahon ni Noe ay nasisikain, nagpapasaya na hindi akalain nila’y dumating ang malaking baha. Ganun rin sa panahon ni Lot na ang mga taga-Sodom at Gomorra ay nakikipagsaya, na hindi akaiaing nawawasak na ang kanilang mga lungsod na lubhang nagkasala sa Diyos. Tila nga ba’y parang natatakot tayo sa mga ganitong pangyayaring binabanggit ni Hesus, lalung-lalo ang panawagan na dapat mawalan ang isang buhay upang iligtas ito. Kaya kapag dalawang tao ay gumagawa ng bagay, sinasabi raw dito na isa lamang ang maiiwan, samantala isang tao naman ay kukunin mula sa lupa.
Sinabi ito ni Hesus hindi para tayo ay matakot, kundi tayo ay maghanda sa magiging hantungan ng bawat buhay natin. Hindi tayo maaring mag-angkin na may-ari ang sariling buhay, sapagkat lahat ng buhay ay galing sa Diyos. Tayo ay naparito upang alagaan ito at igalang ang dignidad sa paggawa ng tama at mabuti. At habang nanabik tayo sa Muling Pagpaparito ni Hesus, tayong lahat ay inaanyayahang na ipamalas ang ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa alinsunod sa dakilang kalooban.
Ganun rin ang ating disposisyon kung tayo ay dumadanas ng maraming pagsubok na mas patatagin natin ang pananampalataya sa Panginoon upang malagpasin natin ang mga pasan na ito sa patuloy na pag-iiral ang kagandang-loob niya.
Sa unang pagbasa ay patungkol sa mga taong pinag aaralan ang mga likha ng Diyos pero hindi nakikilala ang Panginoon. Isang halimbawa nito ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos sa halip ay sa siyensya nananalig. Kesyo ang tao ay nagmula aa unggoy, ang kalawakan ay nanggaling sa isang pagsabog nantinatawag nilang “Big bang theory”. Kalunos lunos ang kanilang hahantungan lalong lalo na ang mga taong sumasamba at ginawang Diyos ang kalikasan katulad ng araw at mga bituin.
Sa ating ebanghelyo naman na aral ay ang pagiging handa sa pagdating ng Panginoon. Kung ikaw sa mga oras na ito ay makasalanan at patuloy pa ding gumagawa ng mga ipinagbabawal ng Diyos…ay hindi pa huli ang lahat kapatid,, Magsisi ka na, banggitin sa Diyos ang lahat ng iyong nagawang labag sa kautusan nya at humingi ng kapatawaran, patatawarin tayo ng Diyos sapagkat sya ay mahabagin at kinalulugdan nya ang mga nagsisi. Pagkatapos ay sikapin na matalikuran na ang kadiliman, mahalin mo ang Diyos at ang iyong kapwa, sa gayon ay magiging handa tayo sa pagdating nya. Samantalahin natin ang parating na Adviento, ihanda natin ang ating mga puso at kaluluwa at ipagdiwang natin ang Pasko ng may bagong anyo, anyo na kinalulugdan ni Hesus.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Ang isang walang buhay na nilalang ay magnet ng demonyo at kasamaan. Mga buwitreng umaaligid sa paghahanap ng mga patay na kaluluwa. Madaling utuin. Madaling igupo. Sisiw na trabaho para sa kanila. Iba ang mga taong na kay Hesukristo. Buhay sila. Alam nila ang Katotohanan. Alam nila ang Daan. Si Hesus mismo ang nakaluklok sa kanyang Banal na Espiritu. Walang panama ang mga demonyo. Walang puwang ang kasamaan. Malakas sila at nakakakita ng laban at kaaway bago pa man gumalaw ang kalaban. Nanaisin ba natin ito sa ating sarili? Kung sang ayon ka, ikaw ang kukunin ng Panginoon upang iligtas. Kung hindi, ikaw ang maiiwanan. Dalawa lang ang magiging uri ng tao sa pagwawakas ng panahon. Pilit iwinawaksi ng kaaway ang maaring kahihinatnan sa pag iingay sa lahat ng uri ng media, pagkaloko sa mga vanities nito na walang katotohanan, malaking pera o kayaman, puwesto at katungkulan, katanyagan at pagkilala, at lahat ng pagkakataon para malimutan ng tao ang Diyos at kanyang mga babala. Sa gitna ng lahat ng mga maaring mangyari, puwede naman tayong tumulad kay Noe at Lot. Ang pagkakaiba lang ngayon, mas madali at sigurado, sundan lang natin si Kristo.
KNOW, LOVE AND SERVE THE LORD…
Mag-ingat sa mga mapanlinlang.
Magdasal
Magbasa ng Bibliya.
Magnilay.
Kilalanin, mahalin at maglingkod sa Panginoon.
Iwasang maging bangkay upang hindi masilo ng mga buwitre. @