Lunes, Nobyembre 13, 2023

November 13, 2023

Lunes Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Karunungan 1, 1-7
Salmo 138, 1-3. 4-6. 7-8. 9-10

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Lucas 17, 1-6


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Karunungan 1, 1-7

Ang simula ng aklat ng Karunungan

Kayong mga namamahala at may kapangyarihan sa daigdig, mahalin ninyo ang katarungan,
mataimtim ninyong isipin ang Panginoon, at taos-pusong hanapin siya.
Matatagpuan siya ng mga hindi nag-aalinlangan sa kanya.
Magpapakita siya sa mga nagtitiwala sa kanya nang lubos.

Ang mga baluktot ang isipan ay di makalalapit sa Diyos;
ang sinumang baliw na mangahas subukin siya
ay bibiguin ng kanyang walang hanggang kapangyarihan.
Ang Karunungan ay di papasok sa may masamang kalooban,
at di mananahan sa pusong alipin ng kasalanan.
Ang tunay na nagpapakabanal ay umiiwas sa mga manlilinlang;
lumalayo siya sa lahat ng nagpapahayag ng kahibangan,
at di niya matitiis ang anumang pang-aapi o paghamak sa katarungan.
Ang Karunungan ay diwang magaan ang loob sa lahat,
ngunit hindi niya mapapayagang lapastanganin ang Diyos;
sapagkat alam ng Diyos ang ating mga damdamin at isipan
at nadirinig niya ang bawat salita natin.
Ang diwa ng Panginoon ay laganap sa buong sanlibutan at siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay,
kaya, alam niya ang bawat katagang namumutawi sa labi ng bawat nilalang.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 4-6. 7-8. 9-10

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi’y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika’y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki’y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili’t alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.

Poon, ako ay samahan
sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a

Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat,
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 17, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi mawawala kahit kailan ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan nito! Mabuti pa sa kanya ang bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito. Kaya’t mag-ingat kayo!

“Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo, at kung siya’y magsisi, patawarin mo. Kung makapito siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at makapito ring lumapit sa iyo at magsabing, ‘Nagsisisi ako,’ patawarin mo.”

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim sa dagat!’ at tatalima ito sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 11, 2019 at 12:35 am

REFLECTION: The Gospel invites us to strenghten our faith before the Lord. The Apostles requested Jesus to increase their faith, and Christ told them to have faith as small as a mustard seed, so that it can move mountains. This means the growth of faith starts from humble beginnings whenever we do the ordinary and encounter the extraordinary things in life. It doesn’t always have to be a big deal when we encounter problems and trials that can burden us, but such faith in the Lord can help us overcome them little by little in our life journey. While we endure these problems peserveringly, we also have to do good and avoid evil especially towards other people. That is why Christ exhorts us to avoid things that lead us to commit sin. To throw ourselves into the sin is a hyperbole for resiting the temptations that may appear beautiful and attractive, but when subjected into such, they produce the fruits of wickedness. Likewise he wants us to reconcile with our erring brothers and sisters through fraternal correction and forgiveness. The author of the Book of Wisdom, probably King Solomon, reminds us the power and lordship of our God. It is by doing good and becoming faithful to him that we can inherit his wisdom, and not in committing sin in thoughts, words, and deeds. So there is the presence of the Holy Spirit to guide us in discerning the divine will and become serene to it. Therefore if we have faith in the Lord, then it should lead us to always live and manifest that faithfulness especially in our relationship towards other people.

Reply

Reynald Perez November 7, 2021 at 4:23 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang simula ng Aklat ng Karunungan, na pinaniniwalaang si Haring Solomon ang may akda nito. Ang aklat na ito ay matatagpuan lamangg sa mga Katolikong bersyon ng Bibliya, sapagkat kinikilala ng Simbahan ang inspirasyon ng Espiritu Santo na pumuspos kay Solomon na maging marunong at matalino na kilalanin ang Panginoong Diyos. At ito rin ang pagtatanggol ng Simbahan sa misteryo ng pagka-Diyos ni Kristo, ang Karunungan ng Diyos, na naging tao upang mamuhay sa atin bilang ating kalakbay at gurong nagpapaalala sa atin ng tunay na pamamaraan ng Ama.

Nagsisimula ang Aklat ng Karunungan sa pagpapaalala ng may-akda tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kaloob na karunungan ng DIyos. Ang tunay na marunong ay mahusay at matalino sa mabuting paggamit ng mga biyayang ibinigay niya sa atin, na ang hangarin natin sa buhay ay mabuting kapakanan at kagandahang-loob ng bawat isa. Ngunit may mga pagkakataong inaabuso ang pagiging matalino at marunong sa paggawa ng kasamaan at pamumuhay sa huwad na paraan. Madalas itong nangyayari sa mga taong nasa mataas na antas ng isang grupo. Kaya ang matinding paalala sa atin na hayaan natin ang Karunungan ng Diyos na pumukaw sa ating mga puso’t isipan upang manahan siya sa ating buhay at siya ang maging batayan ng ating mga desisyon, isip, at kilos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang paalala ni Hesus ukol sa pananampalataya. Dito ikinumpara niya ang pananampalataya bilang isang butil na mustasa, na bagamat itinuturing na pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ay mapapautos mo ang isang sikamoro na mabunot at malipat sa dagat. Sa ibang pagkakataon sinabi rin ni Hesus na ang pananampalatayang katulad ng butil ng mustasa ay mapapausog ng mga bundok. Kaya itong pananampalataya sa Panginoon ay ang ating pagkilala sa Diyos na naghahari sa atin, at itong Kaharian ay inihambing din ni Hesus sa isang butil na mustasa na nagiging pinakamalaking punungkahoy na nagbibigay ng kanlungan sa mga ibon. Ang pananampalataya sa Diyos ay panawagang patatagin ito sa habang panahon, upang makagawa tayo ng mga bagay dahil sa Diyos na gumagabay sa atin.

Subalit sa ating pagkilala ng Diyos at pagsampalataya sa kanya, inaanyayahan tayo ni Hesus na mag-ingat sa mga bagay na makakatukso sa atin para maging daan sa pagkakasala. Ang pagkasangkot sa iskandalo ay may malalang epekto sapagkat nasisira ang imahen at reputasyon ng tao, lalung-lalo na sa relasyon ng tao sa Panginoon. Kaya ang panawagan ni Hesus na putulin ang anumang bahagi ng katawan kapag nagkasala o naging sanhi na hinigpit ang kapwa na magkasala. Ngunit ang nais ipunto ni Kristo ay ang pag-iiwas at pag-iingat sa mga senyales na tumutungo sa pagkakasala. Hindi masama ang tukso sapagkat ipinapakita ito sa atin na maganda para akitin tayo na gawin. Ngunit kung tayo’y bibigay sa tukso, diyan tayo nagkasala laban sa Diyos at sa kapwa.

Nawa’y maging mas bukas pa tayo sa Panginoon sa paghingi ng kanyang Karunungan upang magkaroon tayo ng biyaya ng pananampalataya, at ihiling natin sa kanya ang lakas na labanan ang bawat tukso sa buhay at patuloy na gumawa ng kabutihan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 8, 2021 at 9:29 am

Ano ang hamon at aral ng ebanghelyo ngayon?
Binigyang diin ni Hesus na kakila-kilabot ang sasapitin ng taong nagugung dahilan ng pagkakasal ng iba at sinabi pang mas mabuti pang talian sya nag malaking gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat.
Sa ating pangkasalukuyang panahon maraming bagay na hindi natin alam na tayo pala ay nagiging sanhi ng pagkakasala ng iba. Tulad halimbawa ng kapag may napanuod tayong makamundo o may ipinasa sa ating kabastusan ay ipinapasa pa natin ito o shinishare sa mga group chat, sa gayong gawi ay naging dahilan ka pa ng pagkakasala ng iba kapg sila ay nagnasa sa mga poronograpiyang pinadala mo. Isa pang halimbawa ay kung may kaibigan kang naghinga ng sama ng loob nya sa isang tao, sa halip na payuhan mo na patawarin o pagbatiin ay ginagatungan mo pa ito na lalong magalit sa taong yun. Kung may tao nmang matuwid ay wag na nating tuksuhin na gumawa ng masama, wag tayong maging hadlang sa kanyang pagpapakabanal. Ilan lamang yan sa mga halimbawa, kaya’t sa ating bawat sasabihin at gagawin ay isipin munang mabuti kung tayo ay magiging dahilan ng kanyang pagkakasala upang hindi mayin sapitin ang kakila-kilabot na parusa ng Diyos.

Reply

Jess C. Gregorio November 12, 2023 at 1:22 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio

Ang tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Malinis at dalisay na imahe ng Kumatha. Walang kasalanan at hindi maaaring pagmulan ng kasalanan. Namantsahan lang tayo ng orihinal na kasalanan sa pagsuway ni Eva at Adan sa hardin ng Eden. Bagama’t tinubos na tayo ni Hesukristo sa kasalanang ito, ang mundo ay nasa kapangyarihan pa rin ni Lucifer. Pilit niya tayo tinutukso at pinapaniwala ng kasinungalingan. At dahil sa ating kahinaan at pinaniniwalaang kasinungalingan nadadala ang iba sa kanilang kapahamakan. Kaya kung wala tayong kasi at kapangyarihan ng Banal na Espiritu, malamang nagpapati anod lang tayo sa mga maling pinaniniwalaan ng mundo. Ang Eukaristiya o ang Blessed Sacrament ang matibay na saksi ng katotohanan ng Diyos. Kung malayo tayo sa Banal na Presensiya, mawawala tayo, manghihina, madaling mauto, at malamang magdamay pa ng iba sa paniniwala nating mali. Malaking kasalanan ito. Mas higit pa ang kaparusahan sa isang taong nag sabit ng isang malaking gilingang bato sa leeg at nagpatilapon sa dagat.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: