Linggo, Nobyembre 5, 2023

November 5, 2023

Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Malakias 1, 14b – 2, 2b. 8-10
Salmo 130, 1. 2. 3

Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.

1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13
Mateo 23, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thirty-first Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Malakias 1, 14b – 2, 2b. 8-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias

Sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Ako’y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”

At ngayon, mga saserdote, narito ang utos ko sa inyo: Parangalan ninyo ang aking pangalan sa pamamagitan ng inyong mga gawa,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Pag hindi ninyo pinakinggan ang sinasabi ko, kayo’y aking susumpain.

“Subalit lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote. Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan,” sabi ng Makapangyarihang Panginoon. “Kaya, hahayaan kong kamuhian kayo ng mga Israelita sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking bilin at hindi pantay-pantay ang inyong pagtuturo.”

Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? Kung gayo’y bakit sumisira tayo sa pangako sa isa’t isa at bakit winawalang-kabuluhan natin ang kasunduan ng Diyos at ng ating mga magulang?

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3

Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.

O Panginoon ko, ang pagmamataas,
tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.

Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.

Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.

Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.

Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!

Sa iyong kapayapaan,
O D’yos, ako’y alagaan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Tesalonica

Mga kapatid, naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay ay ihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin. Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita.

Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupat ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 23, 9b, 10b

Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at Guro nati’y iisa:
Si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanang ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyo tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesiyas. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez October 31, 2023 at 8:18 pm

PAGNINILAY: Bawat tao ay kilala ng Diyos dahil sa nakikita niya kung anuman ang nasa loob ng isang tao, lalung-lalo na sa mga tao na tila pabago-bago ng pag-uugali kapag nakikitungo ang tao sa mga pinapaboran at kinamumuhiang grupo. Kaya’t maganda ang paalala sa atin ngayong Linggo na magkaroon tayo ng konsensiya tungkol sa ating tunay na intensyon ng pagiging matuwid, lalung-lalo na sa pagiging mga alagad ng Panginoon na naglilingkod sa kanya at ineensayo ang sarili sa mga gawaing debosyonal at liturhikal.

Ang Ebanghelyo natin ay mula sa ika-23 kabanata ni San Mateo, na kung saan ang buong kabanata ay nakasentro sa pangangaral ni Hesus laban sa mga eskriba at Pariseo. Matatandaan nitong mga nakaraang Linggo ay kausap niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga at buong karunungan sinagot din ang mga tanong nila dahil agad niyang nabisto ang kanilang balak laban sa kanya. Ngayon ay narinig natin ang isang babala mula kay Hesus na huwag tularan ang halimbawa ng mga itinuturing na mapagimbabaw, ngunit gawin pa rin ang mga matutuwid na bagay na kalugud-lugod sa Diyos. Makikita sa pamumuhay ng mga eskriba’t Pariseo ang mapagkunwaring may kalapitan sa Diyos, ngunit sa totoo ay mayroong itinitagong lihim na hakbang. Kaya nga ilang beses silang tinawag-pansin ni Hesus dahil tila nga ba’y nakamaskara ang kanilang tunay na pagkatao at ang habol lang nila ay ang papuri mula sa tao, at hindi nila talagang niluluwalhati ang Diyos sa kanilang ginagawa. Maski ang kapwa nilang mga Hudyo ay dinadagdagan pa nila ng iba’t ibang pasan, na hindi sila kikibo para tulungan sila. Kaya ang kritisismo ni Hesus sa kanila ay pagpapakilala sa kanilang tunay na anyo, upang maging panawagan tungo sa tunay na kabanalan na nag-uugat sa kababaang-loob at kadalisayan ng bawat tao.

Marahil marami tayong sinusuot na mga maskara upang itago natin ang tunay nating kalagayan at pagkatao sa buhay na ito. Subalit kahit ano pa ang ilihim natin mula sa ibang tao, ang Diyos lang ang nakakaalam kung sino talaga tayo sa kanyang paningin. Alam niya ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat isa, na siya mismo’y kumakatok na kumilos nang nararapat upang hindi pa lumala ang anumang sitwasyong ating nasimulan. Kahit pa tayo ay natatakot na mapahiya, mas nababatid ang kahihiyan natin tungo sa Diyos dahil alam niya na alam natin kung kailan tayo nagkakasala laban sa kanya at laban sa ating kapwa. Kaya ang paanyaya niya ay suriin natin ang ating mga sarili, at tanggalin ang anumang maskara na nagiging sagabal sa paglapit sa kanyang paanyaya na magsisi, magbago, at mamuhay nang kalugud-lugod at puno na kababaang-loob. Kung ang ating puso ay dalisay na may malinis na intensyon na ikaluwalhati ang Panginoon, lalo na sa paglilingkod sa kanya, mas mapapaanyaya pa natin ang ibang tao na tularan ang ating mabuting halimbawa para sila rin ay papurihan ang Panginoon sa kanilang mga magadang asal at mabubuting gawain.

Reply

Mel Mendoza November 2, 2023 at 4:23 pm

Ang mga pagbasa sa Linggong ito ay mga paanyaya, babala, at paalalala sa ating lahat na maging huwaran sa mga kilos at gawa at maging totoo sa lahat ng ating ipinakikita sa kapwa at lalo higit sa Diyos na nakakaalam ng ating mga kalooban. Ang konteksto ng mga pagbasa ay tungkol ito sa mga ipinangaral ng Panginoong Hesus na kaututasan sa Banal na Aklat. Ang paalala dapat isabuhay ang batas ng Diyos ng may pag-ibig at ang tunay na layunin ng mga Ito at ganun din na gawin ang pagsunod sa mga batas na naaayon sa katarungan at kapayapaan na naipapakita nito ang pagmamahal sa kapwa. Ang babala na huwag pamarisan ang mga Pariseo at mga eskriba na siyang mga nagpakadalubsa sa batas na ibinigay ng Diyos kay Moises pero hindi isinasabuhay ang mga ito bagkus lalo pa nila pinapabigat ang mga pasanin ng mga tao na hindi manlang makuha ni mag-angat ng daliri para tulungan sila. Sa madaling salita, ang mga gawa nila ay kaimpababawan. Sa ganitong pamamaraan na ipinapahayag ang pangangaral sa mga pagbasa. Maging totoo sa salita’t gawa, at maging tapat sa Diyos ang lahat ng mga tumatanggap sa Kanyang Kautusan.

Sinasabi ng marami ang Diyos ay sapat na, pero napaka-hirap gawin. Paano masasabi na sapat na ang Diyos kung wala naman kasamang gawa. Ang mga dapat na pwede pagnilayan sa mga pagbasa ay ang makinig sa mga aral, sumunod sa mga alituntunin ,at isabuhay ng buong puso’t, isipan at kalakasan ang ninanais ng Diyos sa ating lahat. Ang radikal ng pagpapanibago ng mga sarili magmula sa pagiging makasarili pagtawid patungo sa isang buhay na ganap na maka-Diyos ito ang dapat isagawa. Maaring hindi na kinakailangan pang alamin ang detalye ng mga Kautusan kung ang mga nilalaman naman ng mga ito ay isinasabuhay na sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa sa ikaluluwalhati ng Diyos maaring pwede na siguro na sabihin sapat na ang batas ng Diyos at maaring ang paghahari ng Diyos ay sumasaatin na nga.

Sa panghuli, pinaalalahan tayo ng mga pagbasa, na maging huwaran sa pagsunod sa utos ng Panginoon tulad ng sinabi ni propeta Malakias sa unang pagbasa. Bigyan ng kahalagahan ang Salita ng Diyos tulad ng sinabi ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica upang magkaroon ng buhay na maganda. Huwag hayaan na mabaliwala ang pinaghirapan itinurong pananampalataya ng marami nagbuwis ng buhay at panahon at lalo higit ang pagpapakasakit, at pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo at ang muli Niyang pagkabuhay na tanging nagbigay sa atin ng pag-asa. Panginoong Hesus iisa naming Guro, Ama at Diyos Ikaw lang sapat na. Amen ?

Reply

Alexander D. Pulumbarit November 3, 2023 at 8:44 am

Pagninilay sa mga Pagbasa:

Kung ating mapapansin sa mga pagbasa, mauunawaan natin ang ating pagsunod sa Kaniyang mga Kautusan ay dapat makita sa ating pang araw-araw na pamumuhay, na tunay na mahirap dahil sa maraming balakid na humahadlang sa atin.
Subalit anuman ang pumipigil sa atin ay ito ang nararapat at pinaka mabuti nating gawin dahil ito ang nais ng Panginoong Diyos sa atin.

Marahil ay dapat natin tingnan at suriin natin kung ang balakid na ito ay ating kontralado o hindi, lagi nating tandaan may impluwensiya tayo sa mga bagay na ating kontralado, tulad ng ating sarili.
Kung sa isang pagkakataon may kapatid kang nangangailangan na kahit di man magsabi sa iyo ay nakikita mo na tulong ang kaniyang inaasahan, ay magdadalawang isip ka pa ba? Magbubulag-bulagan ka pa ba? Tatawag ka pa ba ng iba upang siya’y tulungan o iaabot mo ang iyong kamay upang siya’y damayan? Ang ating mga kakayahan ay ipinagkaloob di upang pansarili lamang, ito’y biyayang maaaring gamitin sa kapakinabangan din ng ating kapuwa.

Anuman ang ating intensyon at gaano man ito kalinis o kabuti ay wala ding magiging katuturan kung hindi natin ito maisasagawa.
Hungkag ang pananampalatayang walang gawa…

Reply

Bro. NSP November 3, 2023 at 3:15 pm

HUWAD O HUWARAN?

Susundin mo ba ang mga taong hindi naman isinasabuhay ang kanilang itinuturo? Susundin mo ba ang mga taong magaling mag advice subalit hindi naman inaapply sa kanilang sarili?

Nakakatawa sigurong pakinggan ang isang taong nangangaral tungkol sa pagmamahal, subalit siya’y hindi naman nagmamahal. Nakakatawa sigurong pakinggan ang isang taong nangangaral tungkol sa pagbibigay, gayong siya’y hindi naman nagbibigay. Nakakatawa sigurong pakinggan ang isang taong nangangaral tungkol sa kabutihan, pero siya mismo ay hindi gumagawa ng kabutihan.

Sabi ni Hesus sa ebanghelyo, GAWIN NINYO ANG KANILANG ITINUTURO AT HUWAG ANG KANILANG INIUUTOS at HUWAG TULARAN ANG KANILANG MGA GAWA. Hindi na tayo mga bata para hindi makaunawa, batid na natin kung ano ang TAMA sa MALI. Ang mali ay dapat isantabi, ang mali ay mananatiling mali, at ang mali ay di dapat tularan ng isa pang pagkakamali. Pulutin natin palagi yung tama, tularan natin yung tama, at gumawa tayo ng mga tama sa buhay natin.

Ayon sa mga matatanda, ang pinakamagandang guro daw ay ang mga mabubuting halimbawa na ating nakikita. Ang mga gawa at ipinakikitang kilos ng mga eskriba at pariseo ay gawang hindi dapat matularan. Si Hesus na nagtuturo sa salita at gawa, ang mga banal na itinanghal ng simbahan, at ang mahal na Birheng Maria ay silang mga huwaran ng kabanalan, huwaran na dapat tularan.

Sikapin nawa nating tumulad sa mga taong makapagdudulot sa atin ng mabuti at maghahatid sa atin sa Diyos, sa langit, at sa isa’t-isa.

(Pagninilay sa ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 23, 1-12)

Reply

Jess C. Gregorio November 5, 2023 at 10:01 am

Pagnininilay ni Jess C. Gregorio:

Maraming naiisip na pamamaraan ang tao. Mapa pananampalataya man o serbisyong publiko, iba’t-ibang klase ang gimik at programa. Pero minsan isa lang ang patutunguhan. Pinapasimple ni Hesukristo ang pamamaraan upang hindi kumuha ng masyadong oras at panahon sa talagang kinakailangan. Ang pagpapabigat ng gawain sa pamamagitan ng napakaraming uri ng tungkulin ay kumukuha ng focus na sana ay sa mga mahalaga lang na dapat pinagtutuunan. Sa dami ng ating ginagawa tayo ay nawawala o minsan ay nagwawala. Ang kabi-kabilaang tungkulin, serbisyo, o gawain, kung hindi naman kaya ng panahon at kalakasan, ay malimit pakitang tao lang. Karaniwang katanyagan o popularidad, pansin, boto, o di kaya ay pagkilala ang sa likod ng lahat ng ito. Isa lang raw ang Guro. Bakit ang dami nating ginagawang guro. Isa lang raw ang Ama pero pinadadami natin ang iba’t-ibang ama. Hindi ito literal bagkus nagsasaad siya ng isang metaphorical statement na sana maintindihan natin. Sa simpleng paliwanag, ito ay para lang magkapatid na Maria at Marta. Ang isa ay tahimik at simpleng naka masid kay Hesus. Ang isa ay kumplikado at maingay, na sa kabila ng gulo at pagod sa kusina ay napa angal pa. Alam natin na mas pinanigan ni Hesus si Maria. Kaya kung masyado na tayong stressed sa buhay, siguradong puro modernong pariseo at eskriba lang ang nakakausap at napapakinggan natin. Pinabibigat tayo. Simple lang ang Buhay Kristiyano. Simple lang si Kristo. Magaan. Cool. Matuto tayo sa ating Inang Maria. Isa lang advice niya, “Sundin ninyo lahat ng sasabihin niya.” Hayun, eh di bumaha ang napakasarap na alak mula sa tubig. Libre. Walang gastos. Walang delivery charge. Walang fixer na lalagyan ng lagay. Walang padulas. Walang masyadong ingay. Walang pasikot-sikot. Walang malakas na backer. Tumbok agad. Ganun pala iyun. Si Kristo lang sapat na.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: