Sabado, Nobyembre 4, 2023

November 4, 2023

Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo

Roma 11, 1-2a. 11-12. 25-29
Salmo 93, 12-13a, 14-15. 17-18

Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.

Lucas 14, 1. 7-11


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Charles Borromeo, Bishop (White)

Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Roma 11, 1-2a. 11-12. 25-29

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, ito ngayon ang tanong ko: itinakwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Hindi! Ako’y isang Israelita – mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayang sa simula pa’y hinirang na niya.

Ibig bang sabihin ngayo’t natisod ang Israel ay tuluyan na siyang nabuwal? Hindi! Ngunit dahil sa pagkatisod ng mga Israelita – dahil sa katigasan ng kanilang ulo – umabot sa mga Hentil ang kaligtasan, nang sa gayo’y mangimbulo sa mga ito ang Israel. Ngayon, kung ang paglabag ng mga ito ay naging isang pagpapala sa sanlibutan at ang kanilang pagkabigo ay nakabuti sa mga Hentil, gaano pa kaya ang pagbabalik-loob nilang lahat!

Mga kapatid, may isang hiwaga na ibig kong malaman ninyo para hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng bansang Israel ay pansamantala, hindi panghabang panahon. Ito’y tatagal lamang hanggang sa makalapit sa Diyos ang kabuuang-bilang ng mga Hentil. Sa gayun, maliligtas ang buong Israel, ayon sa nasusulat,

“Magbubuhat sa Sion ang Tagapaglitas,
papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
At ito ang magiging tipan ko sa kanila
pag inalis ko na ang kanilang mga kasalanan.”

Sa ikalalaganap ng Mabuting Balita, sila’y naging kaaway ng Diyos upang magkaroon kayong mga Hentil ng pagkakataon. Ngunit ayon sa paghirang, sila’y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. Sapagkat ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 12-13a, 14-15. 17-18

Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.

Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa ’yo’y tumatanggap ng turo sa kautusan.
Pagkat sila’y magdaranas ng saglit na ginhawa,
hanggang yaong masasama’y mahulog sa hukay nila.

Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.

Ang lingkod ng Panginoo’y hindi niya iiwanan,
yaong mga hirang niya’y hindi niya tatalikdan;
mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.

Ano kayang mangyayari, kundi ako natulungan
nitong aking Panginoon? Marahil ang aking buhay
tahimik nang malilibing kasama ng mga patay.
Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko’y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Diyos, ako’y tumatatag.

Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.

ALELUYA
Mateo 11, 29ab

Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 14, 1. 7-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.

Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 28, 2021 at 12:01 pm

PAGNINILAY: Sa kasalukuyang panahon, ang tao ay madalas nais hanapin ang pinakamadaling paraan tungo sa mga sitwasyong kanyang hinaharap. Kaya makikita natin ang bawat tao ay nais umasenso o umangat sa buhay. At pati na rin sa larangan ng mga organisasyon, trabaho, gobyerno, at iba pang larangang may posisyon, madalas ang mga itinuturing na “boss” ay dapat sundan at dapat kilalanin ng bawat miyembro. Ngunit sa ating Ebaghelyo (Lucas 14:1, 7-11), nagbigay ng paalala si Hesus tungkol sa pagiging mapagkumbaba. Inihatulad niya ang kababaang-loob sa isang anyaya sa piging na hindi ka uupo sa pinakamataas na lugar, bagkus ay dapat umupo ka sa mababang lugar. Kaya madalas kapag may VIP sa bawat handaan, sinehan, o anumang kaganapan, sila ang may prioridad sa mga nakalaang lugar. Ngayon, sinasabi sa atin ni Kristo na tayong lahat ay maging mapagkumbaba upang tayo ay iangat. At sa bawat Misa, ang piging ng Diyos, huwag tayong maging mapagmataas na parang mas karapat-dapat tayo dahil tayo ay madalas magsimba. Kundi itrato natin ang bawat mananampalataya kahit sila ay makasalanan o banal.

Reply

Cora Galang Orense October 30, 2021 at 7:57 am

Sa ating pong nabasang mabuting balita ngayon, ay ipinahihiwatig Ng ating Panginoon Jesus,na Tayo po ay matutong magpakumbaba, sapagkat ang pagpapakumbaba ay nangangahulugan Ng ating pagsasailalim Ng ating MGA sarili sa kapangyarihan Ng Diyos.ito Rin po ay pagpapadama Ng ating pagibig sa Diyos at sa kapwa.at Kung lubos Lang po nating maunawaan ang katotohan na makapaloob sa paguugaling Ito ay Di po magiging mahirap para sa atin na tingnan din ang ating kapwa at Di lamang ang ating sarili. Sa nangyayari po sa ating kapaligiran ngayon Tayo po ay tinatawag Ng Diyos na magpakumbaba sa kanya at amining wala tayong nagagawa Kung wala Siya,tinatawag nya Rin po Tayo na ilagay ang sarili sa katayuan Ng bawat isa.sapagkat Kung ang iisipin lamang natin ay ang ating sarili, magiging mahirap para sa atin ang tumulong at magbigay sa kapwang nahihirapan .Mahal na Mahal po Tayo Ng Diyos, Kaya’t inialay nya ang kanyang sarili para sa kaligtasan nating lahat,hilingin po natin sa kanya sa panalangin na tulungan tayong magpakumbaba, magpasailalim sa kapangyarihan nya at higit sa lahat Islay ang ating sarili sa kanya sa pamamagitan Ng ating pagibig at pagtulong sa kapwa Ng sa gayun ay maging katapat dapat Tayo sa buhay na ibinuhos nya para atin.Ang papuri ay sa Iyo Panginoon! Maghanda at mapagpalang araw po sa inyong lahat MGA kapatid! ???

Reply

Ferdy Baetiong Parino October 30, 2021 at 10:21 am

Maraming ebanghelyo si Hesus na ang tema ay ninanais nya tayong magpakumbaba, magpakababa o huwag maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya’t kung iyong pagninilayan ay maiisip mong napakahlaga nito bilang isang tao at kinalulugdan ni Hesus ang taong nagpapakababa. Sapagkat sya mismo na hinirang at alam nyang Anak sya ng Diyos ay pinili nyang magpakababa. Ano ang aral nito sa atin? Humility! Piliin mo ang wag maging mapagmataas sapagkat ang lahat ng nasayo ngayon, ari arian, karangyaan, kasikatan, posisyon at kapangyarihan ay nagmula sa Diyos, karapat dapat na suklian mo ito ng kabutihan ng kalooban sapagkat kung gugustuhin ng Diyos ay kaya nya itong bawiin lahat sa isang iglap at mababaliktad ang mundo sayo ag ikaw ay pagtatawanan sa pagbagsak mo kayat manatili sa baba, wag lumipad at tuluyang lamunin ng pagmamataas ang iyong sistema. Itapak ang paa sa lupa at pairalin ang pagiging makatao, pagiging maawain at mapagmahal sa kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili at pamilya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: