Podcast: Download (Duration: 5:02 — 3.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tulad ng isang malaking puno na mayroong mayabong na mga sanga o tulad ng butil na matahimik na lumalaki, gayundin ang paglago ng Kaharian ng Langit. Sama-sama tayong manalangin bilang pakikibahagi natin sa mapagmahal na plano ng banal na kabutihan ng Diyos.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, gawin mo na makapagbigay-buhay ang aming buhay.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na umunlad sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbabahagi ng kaligtasan sa mga kultura at mga pinahahalagahan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nasa programa ng pagpapaunlad ng ekonomiya nawa’y bigyang suporta ang mga magsasaka at yaong mga nagpapaunlad ng lupa nawa’y alagaan at igalang ang likas na kalikasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pamilya, lalo na ang ating mga anak, nawa’y lumaki sa pamamaraan ng biyaya at umunlad na kawangis ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging matatag sa kanilang pananampalataya at mapalakas sa pamamagitan ng ating pag-aalaga at pagkalinga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y masiyahan sa kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming puso sa iyong Salita upang maging mabunga kami lagi. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Lunes, Oktubre 30, 2023
Miyerkules, Nobyembre 1, 2023 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay isang paalala ni San Pablo na sa kabila ng ating mga paghihirap at pagdurusa sa buhay, mayroong pag-asa pang kakamtan natin. Alam po natin na ang buhay sa daigdig ay pansamantala lamang, kaya ang lahat ng bagay sa lupa ay lilipas din. Subalit ang hindi lilipas ay ang Diyos sapagkat ang dala niya sa atin ay pag-asa ng buhay na walang hanggan. Kaya hinihikayat tayo na panabikin ang biyayang iyang makakamtan natin sa kalangitan.
Ang Ebanghelyo naman ay 2 parabula ni Hesus tungkol sa Paghahari ng Diyos: ang Butil na Mustasa at ang Lebandura. Sinasabi rito ng Panginoon na ang Paghahari ng Diyos ay katulad ng isang butil na mustasa na bagamat maliliit sa mga binhi ay kapag lumago ay ito’y nagiging pinakamalaking puno dahil may mapamumugaran ang mga ibon ng himpapawid sa kanyang mga sanga. Ang Kaharian ay katulad rin sa isang babaeng naghalo ng tatlong takal ng harina upang gumawa ng lebandura hanggang sa umalsa na ang masa nito. Ipinapahiwatig ng 2 parabula tungkol sa paglago ng Kaharian ng Diyos. Ito’y nagsimula rin sa mga maliliit na bagay hanggang ito’y lumaki at lumaganap. Higit pa ang Paghahari ng Diyos sa mga makamundong kaharian dahil dito’y matatagpuan ng tao ang pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.
Ang Kahariang ito ay nasa piling natin kung ang mga 3 values na iyan ay naroroon, ngunit ang buong pagpapakita nito ay mangyayari pa sa katapusan ng mundo. Tayo’y bilang mga Kristiyano ay hindi lamang mamamayan ng ating lipunan, kundi tayo’y higit pa mga mamamayan ng Diyos. Ang ating Simbahan ay gumagabay sa atin kung paano nating tatanggapin ang Paghahari ng Diyos sa ating buhay. Kung tayo’y magpapakumbaba at magiging masunurin sa dakilang kalooban ng Panginoon, tayo’y kanyang patuloy na pagpapalain. At huwag po nating kalimutang ibahagi ang ating mga natanggap na biyaya sa ibang tao dahil iyan po ang ating misyon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol ng Kaharian ng Panginoon.
Ano ang hamon at aral ng ating ebanghelyo para sa atin ngayon?
Nais ni Hesus na mabatid natin ang paghahari nya, at ipinaliwanag nya ito sa patalinhaga.
Ang tao na nagtanim ng butil ng mustasa ay ang Diyos, ang mga butil ng mustasa ay tayo, Tayo ay magiging malaking puno kung tayo sumusunod sa kalooban ng Diyos, kung tayo ay mapagmahal sa kapwa katulad ng pagmamahal natin sa ating sarili, kung pinapatawad natin ang ating mga kaaway, kung tayo handang magbahagi sa ating kapwa ng ating biyaya at ari-arian, kung tayo ay hindi ganid at hindi sarili lamang ang iniisip. Ang mga ibon na nagpugad sa mga sanga ng puno ay ang mga taong natulungan mo, minahal mo, pinatawad mo, binigyan mo ng iyong biyaya at lahat ng taong umasa sa iyo.