Huwebes, Oktubre 5, 2023

October 5, 2023

Huwebes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kay Santa Maria Faustina Kowalska

Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

Lucas 10, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Maria Faustina Kowalska, Virgin (White)

UNANG PAGBASA
Nehemias 8, 1-4a. 5-6. 7b-12

Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias

Noong mga araw na iyon, unang araw ng ikapitong buwan ng taon, nagkatipon ang lahat ng Israelita sa Jerusalem, sa liwasang bayang nasa harapan ng Pintuan patungo sa Tubig. Hiningi nila kay Ezra ang aklat ng Kautusan ni Moises na ipinatutupad ng Panginoon sa bayang Israel. Si Ezra ay isang saserdote at dalubhasa sa kautusan na sinugo ng Panginoon nang panahon ni Moises. Kinuha nga ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa umaga hanggang tanghali, binasa niya ang Kautusan sa harapan ng mga taong natitipon sa liwasang bayan. Ang lahat naman ay nakinig na mabuti.

Siya ay nakatayo sa isang entabladong kahoy na sadyang itinayo sa pagkakataong iyon.

Si Ezra ay nakikita ng lahat, sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin ang Panginoon, ang dakilang Diyos!” ang wika niya.

Ang lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Pagkatapos, nagpatirapa sila bilang paggalang sa Panginoon.

Binasa ni Ezra nang maliwanag ang batas na ito ng Diyos at ipinaliwanag na mabuti ang kahulugan.

Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban, anupat sila’y napaiyak. “Ang araw na ito ay dakila sa Panginoon na inyong Diyos,” wika nina Nehemias, at Ezra at mga Levita. Nakikinig ang mga tao at umiiyak nga kaya’t sinabi nila, “Huwag kayong umiyak.” Wika pa nila, “Umuwi na kayo at magdiwang! Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon. Ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”

Ang mga tao’y inaliw ng mga Levita, at pinatahimik ang mga ito. Wika sa kanila, “Walang dapat malungkot sa inyo, sapagkat ang araw na ito ay banal.” Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang, kumain sila at uminom at binahaginan naman ang wala. Silang lahat ay nagdiwang sapagkat naunawa nga nila ang ipinaliwanag sa kanila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.

Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.

ALELUYA
Marcos 1, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyong nalalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 28, 2021 at 4:01 pm

PAGNINILAY: Ang Panginoong Diyos ang nagbabalita ng kanyang mabubuting balita na dala ng galak at pagpapala. Ito ang paanyaya nina Esdras at Nehemias sa Unang Pagbasa sa mga Hudyo, na ang araw na ito ay ginawang banal ng Panginoon bilang paggunita sa kanyang paglilikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto at Babilonia, at paggunita rin sa tagumpay niya laban sa mga mababagsik na bansa. Ang lahat ay nayanig sa takot at naluha sa lungkot, ngunit inaanyayahan sila ng dalawa na huwag matakot at malungkot, sapagkat ang kabanalan ng araw ng Panginoon ay dapat magdala ng kagalakan, lakas, at pagpapala, na ang Diyos ay sumasakanila. Ito ay hawig sa propesiya ni Isaias sa ika-61 kabanata, na ang Espiritu Santo ang pumupuspos sa Lingkod ng Diyos (Mesiyas) na si Hesus, upang dalhin ang Mabuting Balita sa mga dukha, palayain ang mga nakabilanggo, hilumin ang mga maysakit, at ipahayag ang isang taon ng pagpapalang mula sa Diyos Ama. At sa sinagoga ng Nasaret ay sasabihin ni Hesus na natupad na ang propesiyang ito sa kanyang pagdating bilang Mesiyas at Anak ng Kataas-taasan.

Ang Panginoong Hesukristo ay tumatawag sa atin na tuparin ang misyong ibinilin niya sa bawat isa. Ang Ebanghelyo ay isang larawan ng pagsusugo niya sa 72 alagad upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila’y isinugo ng Panginoon sa mga nayon at bayan ng Israel upang iparangal ang Mabuting Balita at gumawa ng mga mabubuting kababalaghan katulad ng pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, atbp. Sila’y inutusan ni Hesus na huwag magdala ng kahit anumang bagay, sapagkat ang mga pangangailangan nila ay ibibigay sa bawat bahay na kanilang papasukin. At sa bawat pagpasok nila ay ibabasbas nila ang mga sambahayan ng kapayapaan. Ngunit ang mga hinding tatanggap sa kanila ay kanilang ipapagpag ng sariling paa bilang babala sa mga tumatangging tao.

Makikita rin dito yung bilang na “72” na sumisimbolo sa kaganapan o “perfection” sa wikang Ingles. Kaya nga sa unang pahayag sinabi ni Hesus na handa na ang ani, ngunit kaunti pa lang ang mga manghahasik. Kaya’t inituos niya na ipagdasal na sana’y magkaroon pa ng mga manghahasik sa bukirin ng Diyos. Kaya nga yung mismong pagpaparangal ng Mabuting Balita ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Nang bumaba ang Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, dito nagsimulang mabuo ang Simbahan na kung saan ang mga Apostol ay ang mga unang nagbigay-saksi tungkol kay Kristo. At itong misyon ay ipinatuloy ng kanilang mga disipulo, pati na rin ng mga Santo Papa, Obispo, Pari, at mga iba’t ibang relihiyoso’t relihiyosa. At itong misyon na kanilang ipinapangaral ay para rin sa atin bilang miyembro ng Laiko. Alam po natin na hindi lahat humahangad na maging pari o madre, ngunit tayong mga ordinaryong mamamayan ay tinatawag na ibahagi ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos at bigyang-saksi ito sa araw-araw na pamumuhay.

Reply

Winnie Hipolito September 30, 2021 at 6:00 am

Naway tumugon tayong mag pahayag ng kabutihan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kanyang kautusan.
Ang pagsugo sa atin na ipahayag ang kanyang mga utos ay sinisiguro Niya sa atin na kasama natin lagi ang Banal na Espirito na siyang pupukaw sa bawat damdamin ng tao. Salamat Panginoon sa Iyong Kabutihan!

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 30, 2021 at 9:28 am

Lahat tayo ay pari, wala man tayong posisyon sa simbahan ay may tungkulin tayong ipalaganap ang Mabuting Balita. Sa paraan na kaya natin, sa mga pagkakataon na pwede tayong magpatotoo tungkol kay Hesus. Ngayon, sa panahon ng makabagong teknolohiya, nariyan ang internet at social media. Maaari tayong magpahayag ng mga Salita ng Diyos sa ating fb, instagram, youtube at iba pa. Kung nakakatagal tayo ng maraming oras sa netflix o kahit anong libangan sa internet at maglaan tayo ng oras sa mga online mass, isang oras lang yun. Maari rin itong ishare sa mga kamag anak at kaibigan. Sa mga taong hihingi sayo ng payo, gamitin mo ang aral ng ebanghelyong nabasa o napanood mo, at hindi maliligaw ang taong papayuhan mo. Kung ikaw nman ay mahiyain sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, maging mabuting halimbawa ka sa ibang tao sa pamamagitan mg iyong kilos na sumusunod sa kalooban mg Diyos, sa ganitong paraan ay para ka na ring nakapagpalaganap ng Mabuting Balita.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: