Podcast: Download (Duration: 7:25 — 9.2MB)
Martes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Januario (Jenaro), obispo at martir
1 Timoteo 3, 1-13
Salmo 100, 1-2ab. 2kd-3ab. 5. 6
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Lucas 7, 11-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Januarius, Bishop and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
1 Timoteo 3, 1-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal, totoo ang kasabihang ito: Ang nagnanais na maging tagapangasiwa sa simbahan ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya, kailangang wala siyang kapintasan, isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukas ang tahanan, at mabuting tagapagturo. Kailangan ding siya’y hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon at maibigin sa kapayapaan, hindi gahaman sa salapi. Kailangang siya’y mahusay mamahala sa sariling sambahayan, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Paano makapangangasiwa nang maayos sa simbahan ng Diyos ang isang tao kung ang sambahayan lang niya’y hindi kayang pamahalaan? Kailangang siya’y matagal nang nananampalataya; kung hindi, baka siya’y maging palalo at tuloy mahatulan gaya ng diyablo. Kailangan ding siya’y iginagalang ng mga taong hindi kaanib sa simbahan at nang di siya mapulaan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.
Kailangan namang ang mga magiging tagapaglingkod sa simbahan ay marangal, tapat mangusap, hindi sugapa sa alak at hindi sakim. Kailangang sila’y tapat sa pananampalataya na ating ipinahayag at walang dapat ikahiya. Kailangang subukin muna sila at makitang marapat bago gawing tagapaglingkod. Kailangang ang kanilang mga asawa ay matitino, at hindi mapanirang-puri kundi mabait, at tapat sa lahat ng bagay. Kailangan ding isa lang ang asawa ng isang tagapaglingkod sa simbahan, maayos siyang mamahala sa sariling sambahayan at mabuting magpasunod sa kanyang mga anak. Ang tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay igagalang ng lahat, at buong tapang nilang maipapahayag ang pananampalatayang napasaatin dahil sa ating pakikipagkaisa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 100, 1-2ab. 2kd-3ab. 5. 6
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Ang aking awitin ay ang pagtatapat at ang katarungan;
ako’y umaawit patungkol sa iyo, O Poon kong mahal;
ang aking susunding tumpak na ugali’y walang kapintasan,
kailan ka kaya darating sa aki’t ako’y lalapitan?
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
sa buhay kong ito ang gawang masama’y di ko tutulutan.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Siyang naninira ng kanyang kapwa’y aking wawasakin;
di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
sa aking palasyo ay papayagan ko na doon matira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
Malinis na pamumuhay
ang aking pagsisikapan.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta,
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 11-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Setyembre 18, 2023
Miyerkules, Setyembre 20, 2023 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Sa kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo, mababa ang paningin ng lipunan sa mga kababaihan. Sila’y itinuturing na mahihina at dapat dumedepende sa kanilang mga asawa’t anak mula sa kalalakihan. Kapag namatay ang asawa, ang isa mga anak na lalaki, lalung-lalo ang panganay, ang magmamana ng pagpapala ng pamilya. Basta may anak na lalaki ang nanay ay hindi siya mapapabaya. Kung siya’y nag-iisa lamang dahil wala nang asawa at anak na lalaki, siya’y isang biyuda na tinuturing na hindi maaring tulungan. Makikita natin sa Ebanghelyo na ang babaeng ito na taga-Nain ay nangungulila sa pagkamatay ng kanyang bintang anak, kaya’t siya ay balo na. Nakita ni Hesus at ng kanyang mga alagad ang prusisyon ng punerarya upang ilibing ang lalaki. Nalaman ng Panginoon ang sitwasyon ng babae, kaya’t siya’y nahabag at sinabi sa kanya na huwag siyang tumangis. At sa puntong iyon, binuhay ni Hesus ang binata at ito’y nakabangon. Hindi lang buhay ng lalaki ang ibinalik ni Kristo, kundi pati na rin ang kabuhay ng biyuda kasama ang kanyang kaisa-isang anak. Nakita ng mga tao ang isang dakilang gawain ng Panginoon, kaya’y ipinahayag nila na dumating ang Diyos sa kanyang bayan. Ang kababalaghang ito ay isang kilos ng habag at malasakit ng Panginoon kahit sa mga taong tinuturing na hindi mahahalaga sa lipunan katulad ng mga balo at ulila. At ang pinadakilang pangyayari tungkol sa awa ng Diyos ay ang Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo matapos ang kanyang Kamatayan sa Krus para sa kaligtasan natin. Siya’y nagtagumpay laban sa kamatayan at kasalanan, at binigyan niya tayo ng bagong pag-asa at buhay na pananampalataya. At ito’y hamon sa atin ni San Pablo sa Unang Pagbasa na mayroong tungkulin na maging makatao sa bawat pamayanan, katulad ng mga obispong namumuno sa bawat taong kanilang pinaglilingkuran. At isa na ring halimbawa ay ang pagiging maawain at mapagmalasakit sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Nawa’y ito’y ating tudpin habang tayo’y namumuhay sa mundong ito upang igawad ng Panginoon sa atin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.
o, Great is Your power, my Lord and my God! Ano pa ang hindi mo kayang gawin kung maging ang patay ay iyong binuhay? Kami pa kayang mga buhay ang di mo iingatan? Dakila ka, O Diyos na makapangyarihan sa lahat! And, it is my prayer to bring healing to those who afflicted with dreadful diseases. For you along lone, are their hope.
Thank you also my Lord for the message thru St. Paul to Timothy. This clearly states what is expected of your leaders and servants. And, I pray that you grant us the determination to be what we should be as you servant. Yet, fill us with your mercy in times of failures.
This I ask in the name of Jesus with the help of prayer of Mama Mary. Amen.
Si Jesus ang Diyos na naging tao nagpadama ng presensya ng Diyos at dahil sa habag ni Hesus tinugunan nya ang panganagilangan ng isang tao lalo na sa isang balo na namatayn ngisang anak na lalaki ang mensahe lang nito na patuloy na manalig sa Diyos dagdagan ang panalangin . kung tatangapin lang natin ang umiibig sa Diyos at tumutupad nito ay iibigin ng Ama at mananahan sa atin hindi nya tayo pababayaan . Yan ay biyaya maging matapang matatag dahil sumasaatin ang Diyos Ang biyaya ay hindi lamang materyal na magpapasaya sa ain ng panandalian ang biyaya ay hindi naawala ang biyaya ay hindi nauubos. ito ay lagi nating natatangap sa bawat sandali ng buhay ayaw ng Diyos na kapahamakan sa buhay mahal tayo ng Diyos