Linggo, Mayo 14, 2023

May 14, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Patnubay sa Misa

Nagpapasalamat tayo sa Pangi- noon sa kanyang ipinangakong Banal na Espiritu at kanyang pagtitiyak na hindi niya tayo uulilahin. Taglay ang matibay na pananalig sa kanyang “Diyos sa atin,” idulog natin sa kanya ang ating mga kahilingan at manalanging:

Panginoon, ikaw ang aming pag-asa at lakas!

Na ang buong Simbahang Katolika, ang mag-anak ng Diyos sa lupa, ay manatiling kasama ni Hesus sa pakikipagkaisa sa Ama at pamamatnubay ng Espiritu, manalangin tayo!

Na patuloy tayong pukawin ng Santo Papa at lahat ng ating mga pinunong espirituwal sa kanilang mabuting halimbawa, palakasin tayo ng kanilang pagdarasal, at patnubayan tayo sa kapangyarihan ng Espiritu, manalangin tayo!

Na panaigin ng mga pinunong pambayan ang batas at ang kapa- kanan ng mga hamak na tao, tulad ng mga walang lupa, walang tirahan, o walang hanapbuhay, manalangin tayo!

Na ang mga taga-Israel at Palestina ay matutong mamuhay sa maayos na pakikipagtulungan sa lupang dumanas na ng labis na patayan at pagkamuhi, manalangin tayo!

Na dinggin nating lahat at sundin ang mga utos ng Diyos, sa udyok ng pag-ibig sa Kanya at paghahangad na maging kalugud-lugod sa Kanya, manalangin tayo!

Na ang mga ina nawa’y maging mapag-aruga, mahinahon, at mapag-pasensya sa kanilang mga anak tulad ni Maria kay Hesus. At nawa sila’y pagpalaing lubos sa pag-ibig na kanilang ipinakita, manalangin tayo!

Tahimik nating idulog ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ikaw ang bukal ng aming pag-asa at kaligtasan. Patuloy mong ihanda ang aming mga puso para sa pagtanggap ng iyong Espiritu ng Kabanalan, habang pinagsisikapan naming patunayan ang aming pag-ibig sa iyo sa pagtupad namin sa aming pang-araw-araw na tungkulin. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman! Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez May 16, 2020 at 9:00 am

Pagninilay: Ngayong linggong ito ay ang hudyat na malapit nang matapos ang Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa susunod na Linggo ay ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng ating Panginoong Hesukristo. At pagkatapos iyon ay ang katapusan ng panahong ito sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pentekostes. Kaya pinaghahandaan tayo ng ating liturhiyang Pampaskuwa tungkol sa pamamaalam ng Muling Nabuhay na Panginoon habang inihahanda natin ang pagdiriwang ng kanyang maluwalhating pag-akyat sa langit. Kaya ang Ebanghelyo ngayon ay naglalahad sa kanyang habilin ng pagmamahal. Sabi ni Hesus na ang sinumang nagmamahal sa kanya ay tutuparin ang kanyang mga utos. Napakasimple ang ating pagsang-ayon dito, ngunit sa totoong buhay ay parang mahirap sundin. Maraming mga pagsubok na dumadaan sa ating buhay, kaya minsan pinipili ang tao ang madali kahit alam nila na mali ito sa pamantayan ng Diyos. Ang nais ibahagi sa atin ni Kristo na ang pagsunod sa kanyang utos, na pagsasabuhay sa kanyang Mabuting Balita, ay ikakarangal ng Ama dahil sa pagtalima natin sa dakilang kalooban. Kahit alam natin na mahirap ang ating kinalalagyan ngayon, pangako niya na hindi niya tayo’y iiwanan bilang mga alila, kundi ipinasigurado niya na balang araw ay babalik siya upang iluwalhati tayo patungo sa buhay na walang hanggan. Kaya ang ating buhay ngayon sa daigdig ay kailangang may direksyon patungo sa kanya at sa Ama nating Diyos. At sa kanyang habilin ay ipinangako ni Hesus na isusugo niya ang Patnubay, ang Espiritu Santo, upang gabayan tayo tungo sa pagtalima sa dakilang kalooban ng ating Poong Maykapal. Ang Espiritu ang magsisilbing guro natin upang mas maunaawaan natin ang mga turo at gawain ni Hesus. Ganun nga ang nangyari sa mga Apostol noong araw na Pentekostes [na siyang ating ipagdiriwang 2 Linggo mula ngayon], nang pukawin sa kanila ang katapatan at lakas ng loob upang ipangaral ang Mabuting Balita at ipalaganap ang Simbahang itinitag ni Kristo. At narinig natin sa Unang Pagbasa kung paano naging matagumpay ang misyon ni Felipe sa mga taga-Samaria. Nang mabalitaan nito nina Pedro at Juan, sila’y nagsipunta roon upang patuloy na ipahayag si Hesus sa mga dating itinuring na kaaway ng mga Hudyo. Marahil itong Unang Pagbasa ngayon ay bahagi ng pang-uusig ni Saulo sa mga Kristiyano sa Jerusalem at pagsusunog sa kanilang mga simbahan, alam natin ang nangyari sa kanyang pagtatagpo sa Muling Nabuhay na Panginoon sa daan patungo Damasco. At siya’y nagbagong-loob at naging isang malakas na saksi ng ating Panginoon sa kapwa Hudyo at Hentil, na mas kilala ngayon bilang si San Pablo. Ganito naging matagumpay ang Diyos sa kanyang planong pangkaligtasan nang ang kanyang Anak ay mamatay sa Krus at mabuhay na mag-uli. Kaya tayo ay mga buhay na saksi sa pananampalataya upang ipahayag natin sa iba na buhay ang ating Panginoon sa bawat pusong tumatanggap sa kanya. Ito yung ating pagpapakita ng pagmamahal sa ating Diyos at pagtalima sa kanyang kalooban. Katulad ng pagmamahal natin si Hesus, nawa’y ibalik natin sa kanyang ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang mga atas. At bilang mga Kristiyano, nawa’y ipakita natin ang ating pagkakilanlan sa ating kapwa, ang ating pagmamahal.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: