Martes, Abril 25, 2023

April 25, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Abril 25
San Marcos, Ebanghelista

Ipinahayag ni San Marcos ang Mabuting Balita ng tunay na Mesiyas, si Jesus na Kristo. Hilingin natin sa Ama na dinggin ang ating mga kahilingan para sa isang mundong nangangailangan ng pag-asang hatid ng Ebanghelyo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maranasan nawa namin ang kabutihan Mo, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y maging isang buhay na tanda ng tunay na malasakit at tapat na pangangalaga sa mga itinatakwil ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga lumihis sa matuwid na landas nawa’y marinig ang tinig ni Kristo, ang Mabuting Pastol, na tumatawag sa kanila para magbalik sa kanyang kawan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig ng Panginoon na nananawagan sa kanila sa pagbabalik-loob at sa isang buhay na nakatalaga sa paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng nagdurusa o may karamdaman nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga at pansin na ibinibigay natin sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa at magdiwang na kasama ng pastol at gabay ng kanilang mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos, sa tulong ng mga panalangin ni San Marcos, tapat na ebanghelista, inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez April 20, 2020 at 5:32 am

Pagninilay: Ngayon ay ang Kapistahan ng Ebanghelistang si San Marcos. Sa 4 na mga manunulat ng Mabuting Balita, si San Marcos ang pinakaikli at ang pinakaunang sumulat tungkol sa talambuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Tinatapos niya ang kanyang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-atas ni Hesukristo sa mga Apostol na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita sa bawat nilalang. Lahat ng ipinangaral at ginawa ni Hesus ay kanilang ipapatuloy mula sa Jerusalem hanggang sa pinakadulong bahagi ng daigdig. At isa na rito na nakibahagi sa misyon ng mga Apostol ay si San Marcos. Naging malapit siya at ang kanyang pamilya kay San Pedro, at isa siya sa mga disipulong nanalangin upang mapalaya ang Apostol mula sa bilangguan at banta ng kamatayan ng hari. Naging kasamahan din siya ni San Pablo sa paglalakbay nito upang ipangaral ang Mabuting Balita, kasama ang kanyang pinsang si San Bernabe. Nang siya’y nasa Roma, siya’y naging kalihim ni San Pedro. Taong 66 A.D. nang isinulat ni San Marcos ang kanyang Ebanghelyo kahit may pang-uusig na ipinautos si Emperador Nero laban sa mga Kristiyano sa siyudad. Ang pokus ng ebanghelista sa kanyang panunulat ay ang pagkilala ng mga tao kay Panginoong Hesus bilang isang maawaing Tagapagligtas. Kaya ang simbolo ni San Marcos ay isang leon sapagkat siya’y nagkaroon ng lakas na isalaysay ang mga itinuro at ginawa ng mahabaging Panginoon sa kabila ng banta ng pag-uusig ni Nero. Nawa katulad ni San Marcos ay magkaroon tayo ng lakas at pananampalatayang ibahagi ang ating Panginoong Hesukristo sa lahat ng nilalang ng Diyos Ama.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: