Martes, Pebrero 14, 2023

February 14, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Natitipon tayo bilang sambayanan ng Diyos; dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Ama, panatag ang ating kalooban na tayo’y kanyang pagbibigyan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maibiging Ama, akayin Mo kami sa Iyong pamamaraan.

Ang ating mga pastol sa Simbahan nawa’y italaga nang buong-buo ang kanilang buhay sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang at guro nawa’y maging mga buhay na huwaran ng pananampalataya sa mga taong nasa kanilang pag-aaruga, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maibigay ang lahat ng ating makakaya para gawin ang nararapat at nawa ang Salita ng Diyos ang siyang magbigay sa atin ng lakas para sa anumang gagawin natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y magpakita ng malasakit sa mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng bagong buhay at kapahingahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, palalimin mo ang aming pananampalataya upang lumago kami sa iyong pag-ibig at laging maglingkod sa iyo nang may mapagbigy at malinis na puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 18, 2019 at 1:28 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay patuloy na isinasalaysay ang kwento ng ating kaligtasan. Naganap na ang Pagkahulog ng Tao, kaya hindi na kinaya ang pasensiya ng Diyos sa kasamaan ng sangkatauhan. Kaya winika niya na lilipulin niya ang lahat ng taong nilalang sa pamamagitan ng isang malaking baha. Ngunit biniyayaan ng Diyos ang pamilya at angkan ni Noe, kaya iniutos niya si Noe na gumawa ng baong at hindi lang ang kamag-anak at kapamilya nito ay isasakay. Isinakay din niya ang mga hayop, kahit mga malilinis (kosher) at di-malilinis (non-kosher). Sila’y ipinasok sa daong tig-dadalawa. Kaya dito’y nagsimula ang paglalakbay ni Noe sa Malawakang Baha sa loob ng 40 araw at 40 gabi, kasama ang kanyang pamilya, kamag-anak, at pati na ang lahat ng mga hayop. Ang Ebanghelyo ay isang babala ni Hesus tungkol sa lebandura ng mga Pariseo at eskriba. Ito ay dahil napansin ni Hesus na nakapokus ang mga alagad sa pagkawalan ng panustos ng tinapay. Hindi ito naunawaan agad ng mga alagad, kaya ipinaalala sa kanila ni Hesus ang dalawang himala ng pagpaparami sa tinapay na nagpakain ng 5000 tao sa Tabgha at 4000 tao sa may rehiyon ng Tiro at Sidon. Makikita dito ang paalala na ang Diyos na gumawa ng mga mabuting bagay. Ang lebandura ni Hesus ay siya mismo bilang Tinapay ng Buhay. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Eukaristiya, tinatanggap natin siya upang siya’y manahan sa ating puso’t isipan. At ito rin ay hamon sa atin na maging lebandura ng kabutihan at katuwiran para sa ibang tao, na palusugin natin ang hindi lang pisikal, kundi pati emosyonal at espirituwal na katauhan ng bawat isa.

Reply

Sherwin D. Yanoria February 16, 2021 at 6:43 am

Ang ating Panginoong Hesus ay patuloy na nagmamahal at hindi pinababayaan ang mga taong nagmamahal sa kanya, Siya ay hindi naninisi kung bakit hindi nagdala ng sapat na tinapay ang mga alagad. Bagus ay pinapalakas pa Niya ang loob sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw ng kwento tungkol sa pagpapakain sa limang libo at apat na libo.
Sa panahon natin ngayong pandemya, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Gumagamit Siya ng mga taong tutulong sa mga taong nangangailangan. Ganyan ang ating Diyos, naririrto kasama natin lalo’t higit sa panahon ng kagipitan.

Reply

Ma. Teeesa P.Tocayon February 5, 2023 at 11:20 am

Sa Ebanghelyo ngayong araw, nais ng Diyos na magtiwala tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Hesus. Anuman ang kulang sa ating buhay, maging pisikal at espiritwal pupunuan ito ni Hesus,umasa lamang tayo sa kanyang walang hanggang pag-ibig at awa. Sa bawat grasya na tinatanggap natin sa araw-araw pinalalakas ang ating katawan. Sa bawat pagtanggap natin ng katawan at dugo ni Hesus sa Banal na Misa o Banal na Eukaristiya ay pinalalakas naman ang ating espiritu.Sa pamamagitan nito patuloy nagiging malakas, malalim, at matatag ang ating pananamplalataya. Sa pagtanggap natin sa mga grasya ng Diyos sa iba’t-ibang paraan huwag nating kalimutan ang magpasalamat sa Kanya at ibahagi ang kagandahan at kabutihan loob ng Diyos sa ating kapwa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: