Biyernes, Pebrero 3, 2023

February 3, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Magiging matagumpay lamang ang ating pakikipaglaban sa pwersa ng kasamaan kung magsasama-sama tayo sa panalangin. Manalangin tayo sa Diyos ng katotohanan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, lumakad nawa kami lagi sa katotohanan.

Tulad ni San Juan, ang mga namumuno ng Simbahan nawa’y maging matapang na mga tagapagpahayag ng Ebanghelyo ng katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y tumulong ng buong puso sa pakikipaglaban ng Simbahan sa mga madidilim na pwersa na siyang umaalipin sa tao upang mabuyo sa karahasan at krimen, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong mga Kristiyano nawa’y maging hayag sa pagsasalita sa ating mga alalahanin laban sa mga taong nagsasamantala at sa mga sinasamantala sa pamamagitan ng pulitikal na panggigipit at bulok na pamamaraan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga biktima ng opresyon nawa’y magtamo ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdusa at namatay sa pananampalataya nawa’y makatagpo ng makalangit na pabuya, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, hindi nagbabago o kumukupas ang iyong pag-ibig sa amin. Bigyan mo kami ng katapangan na manahan sa iyong presensya sa lahat ng araw ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis February 8, 2019 at 5:20 am

Sa gospel ngahon bagsmat s Herodes ay humahsnga kay Juzn ay nagawa niyangbpapugutan ito ng ulo dahil lamang sa nasabi niya sa anak na babae ni Herodias na kahit anuman ang hilingin nito ay papaunlakan niya. At pinapugutan nga niya ng ulo si Jyan. May kasabihan na ang utos ng hari ay hindi mababali at ganito nga ang nangyari na kahit siya ay himahanga kay Juan ay pinapugatan pa niya ito ng ulo.

Ang Panginoong Diyos ay may mga pangako sa atin at ito ay kanyang tutupdin kung tayo ay magtitiwala sa Kanya. Maraming turo ang Panginoon na kung ating isasabuhay ay hindi tayo mahihiwalay sa Kanya. Ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa ay bagay na ikinalulugod ng Panginoon, at sa panahon ng pangangailangan ay hindi niya tayo pababayan. Amen

Reply

Reynald Perez February 4, 2021 at 3:08 pm

Pagninilay: Ang katarungan ng Panginoon ay hindi tulad ng katarungan ng isang karaniwang tao. Ganun rin ang kanyang katapatan. Alam niya ang kilos at galaw ng bawat isa. Siya ang nagbibigay ng sapat na kalooban sa kanyang pinagpala.

Sa ating Unang Pagbasa (Hebreo 13:1-8), ipinaalala ng manunulat na dapat tayo’y magmahalan bilang magkapatid, at palaging makipagkasundo. Kahit anumang relasyon natin sa buhay bilang magkapamilya, magkapatid, mag-asawa, magkaibigan, o kaya magkakilala lang, lahat tayo ay tinatawag na isabuhay ang diwa ng pagmamahal ng Diyos sa isa’t isa. Sapagkat ang pagmamahal ng Diyos ay nagpapatunay ng kanyang walang hanggang paghahari.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 6:14-29), narinig natin kung paanong pinatay ang pinsan ng ating Panginoong Hesukristo, si San Juan Bautista, sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Kung naalala natin, si San Juan Bautista ay hinirang ng Panginoong Diyos na maghanda ng matuwid na daan para sa Pagdating ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng mundo. Kaya sa Ilog Jordan, bininyagan niya ang lahat ng mga tao, at ipinangaral ang pagpapahalaga ng paglikas mula sa kasalanan at pagkakaroon ng panibagong buhay. At sa nakatakdang araw na iyon, dumating si Hesus sa ilog para binyagan siya ng kanyang pinsan, bilang pagtupad sa kalooban ng Ama. At dito rin bumaba ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng isang kalapati, at ibinunyag ng Diyos na siya ang ikinalulugod na Anak. Matapos ang ilang araw, hinuli ng mga kawal ni Haring Herodes Antipas si Juan, at dinakip sa kulungan ng palasyo. Ito ay hiniling ng kanyang ikalawang asawa, na si Reynang Herodias, dahil pinagsabihan silang dalawa ni Juan ang kanilang pakikiapid sa isa’t isa. Bagaman namangha ang hari sa pagtuturo niya tungkol kay Kristo, gusto naman ng reyna na hamakin siya. Kaya sa araw ng kaarawan ni Herodes, nagtanghal ng sayaw ang anak ni Herodias, na si Salome. Pagkatapos, ipinagkaloob ng hari sa kanya na ihiling kung anong gusto niyang matupad. Dahil sa kautusan ng ina, hiniling niya ang ulo ni San Juan Bautista sa isang pinggan. Bagaman nalungkot si Herodes sa narinig, hindi niya pwedeng suwayin ang kanyang pangako. Kaya iniutos niya ang isang bantay na pugutan ang ulo ng Mangangaral, at pag pagkatapos, iniligay sa plato at ibinigay niya sa dalaga, at sa huli ay ibinigay sa ina. Inilibing ng mga alagad ni Juan ang katawan, at ibinalita ang mga pangyayaring ito kay Hesus.

Sa mata ng pamahalaan ni Herodes at Herodias, tingin nila kay San Juan Bautista bilang kapahamakan sa kanilang pamumuno. Ngunit sa mata ng Diyos, siya ay isang dakilang propeta na nag-alay ng kanyang buhay para sa karapatan ng katarungan. Ang Pagkamatay ng Mangagaral ay hudyat na paghahanda sa isang dakilang pangyayari sa ating kasaysayan, ang Misteryong Paskwal, o kaya ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa pag-aalay ni Hesus, ang katarungan at katapatan ng Diyos ay naghari dahil iniligtas niya ang lahat ng mga pinagpala. At ang mga pinagpalang tinubos ay naging isang komunidad ng mga mananampalataya, na tawag din sa kanila ay mga Kristiyano.

Bilang mga Kristiyano, dapat alam natin ang katarungan at katapatan ng Diyos. Gumawa tayo ng mabuti sa ating mga kapwa, at itama ang ating mga maling kasalanan. Sa huling banda, tayo’y ihahatol batay sa ating ginawa sa lupa noong tayo pa’y nabubuhay sa daigdig. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang kalooban ng Panginoon, at maging kanyang mga mabubuting tagasunod.

Reply

Gideon Torres February 5, 2021 at 7:41 am

Sa ating mabuting balita ipinapaalala sa ating lahat ang kahalagahan ng pag aasawa pinapayuhan ni San Juan Bautista si Herodes na hindi katanggap tanggap sa mata ng Diyos ang pakikiapid. Sa kasalukuyan nating kalagayan marami pa rin ang mamumuhay sa kadalanan makikiapid na parang normal lang ang mga ito,ipinapaalala sa atin ng Panginoon ang kasagraduhan ng kasal nawa ito’y magbukas sa ating mga isipan na tutulan natin ang isinusulong batas patungkol sa divorce sapagkat alam natin na ito ang syang sisira sa pundasyon ng mga pamilya, pamilyang bumubuo sa bayan ng Diyos. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: