Podcast: Download (Duration: 7:58 — 5.7MB)
Lunes ng Ika-7 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Pedro Damian, obispo at pantas ng Simbahan
Santiago 3, 13-18
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Marcos 9, 14-29
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Peter Damian, Bishop, Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Santiago 3, 13-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga minamahal, sino sa inyo ang marunong at nakauunawa? Ipakita ninyo ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong pabulaanan ang katotohanan. Hindi galing sa Diyos ang ganyang karunungan, kundi sa diyablo – makasanlibutan at makalaman. Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay may malinis na pamumuhay. Siya’y maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, at masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. At namumunga ng katwiran ang binhi ng kapayapaang inihahasik ng taong maibigin sa kapayapaan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Nawa’y itong salita ko at ang aking kaisipan,
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan,
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 14-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, habang bumababa si Hesus sa bundok, kasama sina Pedro, Santiago at Juan, ay nakita nila ang napakaraming taong nakapaligid sa mga alagad na naiwan, at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa mga ito. Nagulat ang mga tao nang makita nila si Hesus. Sila’y patakbong lumapit sa kanya, at binati siya. Tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo at ng mga taong iyon?” Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya’y inaalihan ng masamang espiritu, at hindi makapagsalita. Tuwing aalihan siya nito, siya’y inilulugmok; bumubula ang kanyang bibig at nagngangalit ang kanyang ngipin, at siya’y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu, ngunit hindi nila napalayas ito!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” At dinala nga nila ito sa kanya. Nang si Hesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata, anupa’t napalugmok ito sa kanya, at gumugulong-gulong na bumubula ang bibig. “Kailan pa siya inalihan ng masamang espiritu?” tanong ni Hesus sa ama. “Mula pa po sa kanyang pagkabata!” tugon niya. “Madalas siyang ihagis nito sa apoy at sa tubig upang patayin. Kaya kung may magagawa kayo, mahabag po kayo sa amin at tulungan ninyo kami.” “Kung may magagawa!” ulit ni Hesus. “Mapangyayari ang lahat sa may pananalig.” Kaagad sumagot nang malakas ang ama ng bata, “Nananalig po ako! Tulungan ninyo ako bagamat ako’y nagkulang.”
Nang makita ni Hesus na dumaragsa ang mga tao, pinagsabihan niya ang masamang espiritu, “Ikaw, espiritung nagpapapipi at nagpapabingi – iniuutos ko sa iyo: lumabas ka sa bata! At huwag ka nang papasok sa kanya!” Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinapangisay ang bata, at saka lumabas. Naging mistulang bangkay ang bata, kaya’t ang sabi ng marami. “Patay na!” Subalit siya’y hinawakan ni Hesus sa kamay at ibinangon. At tumindig ang bata.
Nang pumasok na si Hesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang espiritu?” Sumagot si Hesus, “Ang ganitong uri ng espiritu ay hindi mapalalayas kundi sa pamamagitan ng panalangin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Pebrero 20, 2022
Huwebes, Pebrero 24, 2022 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang matapang na babala ni Apostol Santiago laban sa pag-aambisyon at pagmakasarili. Ipinahayag niya na ang dapat nating ipuno sa ating sarili ang karunungan at kababaang-loob dahil ang mga ito ay kaloob ng Diyos upang tayo ay mamuhay ayon sa dakilang kalooban. Kaya’t mayroon hangganan at limitasyon ng ating kaalaman at pag-unawa dahil hindi lahat ng matalino ay matino at mabuti.
Madalas ay inaabuso ang katalinuhan para sa kalokohan at kayabangan. Kaya ito ay madalas makikita sa mga taong makamundo na nag-aambisyon upang maging dakila, maimpluwensiya, makapangyarihan, at may mataas na antas sa lipunan. Ngunit para kay Santiago, ang tunay na naghahangad ng maging matalino ay dapat may karunungan na mula sa Diyos. Ang karunungang ito ang magsisilbing gabay upang magpasya ng mga desisyon at bagay na ituon palagi ang buhay sa Panginoon. At kinakailangan maging mapagkumbaba sa pagsisikap araw-araw upang tunay na magkamit ng Kristiyano ang kaligayahan at kaginhawaan na tanging Panginoong Diyos lang ang maipagkakaloob sa atin.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kasunod na pangyayari matapos magbagong-anyo si Hesus sa Bundok ng Tabor, at nakababa na siya kasama sina San Pedro, Santiago, at San Juan. Narinig natin sa Ebanghelyo ang salaysay ng isa na namang kababalaghan ni Kristo: ang pagpapagaling sa isang binatang may epilepsya dahil sa masasamang espiritu na sumasapi nito. Narinig natin ang pagsisikap ng isang ama upang lamang gumaling ang kanyang anak, ngunit ni isang doktor o kaya ang mga alagad ni Hesus ang nagpapagaling sa binata. Kaya nang ihiling niya ang paulit-ulit na kahilingan kay Hesus, dito napansin ang Panginoon ang liit ng kanyang pananampalataya. Takot ang lalaking ito na parang nahihirapan siyang maniwala, kaya’t nakita natin kung paano siyang kumapit at nagmakaawa kay Kristo na tulungan siya sa kanyang pag-aalinlangan. Dahil sa mapagkumbaba na hiling ng ama, pinalayas ni Hesus ang demonyo mula sa binata, at gumaling ang bata, at ibinigay nito ni Hesus sa kanyang ama. Mapapansin din dito ang tanong ng mga alagad kung bakit hindi nila mapalayas ang masasamang espiritu, na tugon naman ni Hesus na ang ganyang kakayahan ay magmumula lamang sa kapangyarihan ng panalangin.
Wala dapat ikapangamba kapag tayo’y kumakapit sa Panginoon nang may buong pananampalataya. Maraming pagsubok na tayong pinagdaanan, subalit ang mahalaga rito ay hindi tayo sumusuko. Kaya tayo rin nawa ay humingi ng gabay at tulong sa kanya na malampasan natin ang mga problema ng ating buhay at maiangat natin ang ating pag-aalinlangan tungo sa tunay at tapat na pananampalataya sa kanya.
Amen.
Amen
Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa katalinuhan o karunungan, pero hindi patungkol sa katalinuhan sa eskwela, sa trabaho, sa negosyo o anumang larangan. Ito ay karunungan sa mga aral at kautusan ng Diyos. Kaya’t nararapat na ugaliin natin ang pagbabasa ng Bibliya o mga ebanghelyo, dumalo sa misa sa simbahan man o sa online. Sapagkat sa mga paraang ito natin makakamit ang karunungan. Kapag tayo nman ay may katalinuhan na sapat na kaalaman patungkol sa mga Salita ng Diyos ay sya nating gagamitin sa pang araw araw na buhay. Sa ganitong paraan ay hindi tayo maliligaw ng landas. Katulad na lamang ng kubg pano natin dapat tratuhin ang atinh kapwa, kung pano tayo mag iingat sa mga lalabas sa ating mga bibig, kung pano tayo mananalangin, kung paano natin tatanggapin ang mga pagsubok at kung paano tayo kakapit at hindi bibitaw sa Panginoon.
Ang ebanghelyo ngayon ay mensahe sa atin na makpangyarihan ang panalangin. Sa buhay nating ito, maraming suliranin at pagsubok ang kinaharap natin kakaharapin pa, alalahanin nating palagi na naghihintay lamanh si Hesus na tayo ay tumawag sa kanya. Walang hindi mapangyayari ang Diyos, kailangan lamang na hindi tayo mag alinlangan, kailangan ay ibigay natin ang lubos na pananmpalataya sa kanya. Hindi napagaling ng mga apostol ang binatang maysakit sapagkat nagkulang sila pananampalataya at panalangin.