Podcast: Download (Duration: 10:22 — 11.9MB)
Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
1 Corinto 15, 45-49
Lucas 6, 27-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Seventh Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, lumakad si Saul, kasama ang tatlunlibong piling kawal na Israelita, upang hulihin si David.
Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napaliligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatarak sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung ibig mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Kapag nasaksak kong minsan iyan, hindi na kakailanganing ulitin.”
Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan ang magbuhat ng kamay sa hinirang ng Panginoon.” Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan ng inumin nito, at sila’y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising pagkat pinahimbing sila ng Panginoon. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.
Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. Sinabi ni David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. Ang taong tapat at matuwid ay gagantimpalaan ng Panginoon. Sa araw na ito’y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang hinirang ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 45-49
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ganito ang sinasabi sa Kasulatan: “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha sa alabok; mula sa langit ang pangalawang Adan. Ang mga katawang panlupa ay tulad ng nagmula sa lupa; ang mga katawang panlangit ay tulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo’y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa sa anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Pebrero 19, 2022
Lunes, Pebrero 21, 2022 »
{ 9 comments… read them below or add one }
Ipinakikita sa atin ng Diyos na kung ang lahat ng hindi magandang bagay na ginagawa sa atin ng ating kapwa ay mapapatawad natin, may nakalaan Siyang pagpapala para sa atin. Mahirap ang magpatawad pero ito ang Kanyang iniuutos ss atin, isipin na lang natin ang ibang kabutihan ng taong nagkasala sa atin para magawa natin ang pagpapatawad. God bless everyone!
PAGNINILAY: Ang tawag sa atin ay mga “Kristiyano”. Ibig sabihin nito ay “Without CHRIST, I Am Nothing.” At nanalig tayo na si Hesus ay ang “Kristo” dahil siya’y hinirang ng Diyos Ama upang ipadala ang Mabuting Balita ng kaligtasan. At ang mensahe nito ay ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano, ang pag-ibig. Bago pa man siya lumisan, ibinilin niya sa atin na magmahalan tayo katulad ng pagmamahal niya sa atin ang ng dakilang pagmamahal ng Diyos. Subalit sa punto na nakapiling niya ang napakalaking pagtitipon sa kapatagan, ayon sa Ebanghelyo ngayon, dito itinuro niya sa atin ang isa sa mga realidad ng buhay bagamat mahirap. At iyan ay ang pagmamahal sa ating mga kaaway. Siguro ito ay isa sa mga mahihirap na hangaring hindi nating alam kung paanong tuparin ito, ngunit ito talaga ang realidad ng buhay. Ang basehan ng pagkasabi nito ng Panginoon ay dahil sa umiiral noon na batas na “lex tallionis”. Ibig sabihin nito ay batay sa Kodigo ni Hamurabi: “Mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ang paniniwala noon ay kung ang tao ay gumawa sa iyo ng masama, maaari mong iputol ang anumang bahagi ng katawan. Subalit ibang tunguhin ang ipinakita ni Hesus. Makikita natin ang pagkasalungat sa pahayag ng Panginoon doon sa umiiral na paniniwala noon. Pero kahit sinabi na ito ni Hesus, bakit ganyan pa rin ang pag-uugali ng iilang tao at lipunan sa mundo? Siguro parang kutob natin na dahil sa napakaraming pagkakasala ng ating mga kaaway sa atin, paano kaya tayo’y makikipagtagpo sa kanila? Ngunit ipinapakita sa atin ni Kristo ang realidad na tayo’y mga nilalang sa larawan at kaanyuan ng Ama ay may tungkuling kilalanin ang bawat isa bilang anak ng Diyos.
Kaya kung tayo ay nagiging mabuti at mabait sa ating mga kaibigan at mahals a buhay, paano pa kaya sa ating mga kaaway? Minsan naiinis po tayo kung ang ibang tao ay nandadaya at/o kaya nang-aagaw sa atin. Kaya ang turo ng Panginoon ay huwag nang pigilin sila. Hindi ito’y ibig sabihin na sang-ayon si Hesus sa ginagawa nilang masasama, kundi upang gawin natin ang Krisityanong paraan ng pagmamahal at pagtatama ng mali ng ating kapwa tao. Kaya ang pinakabuod ng Ebanghelyo ngayon ay ang Gintuang Aral na gawin natin ang mga magandang bagay na siya namang ibabalik sa atin ng ibang tao. Kaya ang buhay-Kristiyano ay ang pag-uugnay ng ating sarili kay Kristo. Ang hangarin natin ay tularan siya sa pagiging “maawain katulad ng Diyos Ama”.
Ang pagmamahal natin sa isa’t isa ay dapat bukas kahit sa ating mga kaaway upang dumaloy pa ang mas maraming grasya sa lahat, at ang mga ito ay siksik, liglig, at umaapaw.
Kailangan ng Tao magpakabanal “Huwag humatol, Magpatawad at magbigay Sapagkat may gantimpala ang Diyos sa bawat sumusunod sa kanyang salita. Amen
Sa linggo ito nais paalalahanan tayo ni Hesus na ang mga tunay na alagad Niya at sumusunod sa kalooban ng Diyos Ama, ay may katangian ng pag-ibig tulad sa Diyos. Ipinakita at pinaramdam ni Hesus sa kanila ang pagmamahal nang tawagin sila maging alagad, Dito ay ipinadadama na ni Hesus ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa kanila, na kahit gumawa sila ng paglabag sa Diyos ay inibig pa rin sila at binigyan ng pagkakataon na mabagong buhay. Ang pagmamahal ng Diyos ay hinidi nagdudulot ng galit sa halip ay paghilom. hindi ng makinabang na personal sa halip ay tunay na makapaglingkod para makilala ang Diyos na mapagmahal. Kaya dapat tumatak sa mga alagad ang pag-ibig ng Diyos sa puso natin bilang alagad at anak ng Diyos. Dahil kung iibigin mo laman ang umiibig sa iyo, bakit ang Diyos inibig ka kahit makasalanan ka, Dahil ang pag-ibig ng Diyos ay nagbibigay ng panibagong buhay at pagkataon.
Panginoon buong kababaang loob nawa namin yakapin ang krus ng buhay bilang pagpapahalaga sa Pag-ibig namin sa iyo. Maging biyaya nawa sa mga makasalanan naming kapwa marunong magpatawad sa kanilang kapwa. Amen.
Nakaka inspired Ang mga nababasa ko sa mga pag ninilay,infact ibinabahagi ko po sa mga friend ko , God bless you po ?
Very inspiring po ang pagninilay at naibabahagi ko po ito sa mga nagpapadasal sa akin, God Bless po sa inyo?
Sa Unang Pagbasa mapupulot ang aral ng katapatan sa Diyos. Katulad ni David, may mga pagkakataong maari nating magawa ang isang bagay na inaasam natin ngunit hindi sa tamang paraan. Katukso tukso ito sapagkat abot kamay na natin ang ating minimithi. Pero tularan natin si David na nanatiling tapat sa Diyos. Isa pang aral nito ay ang pagkakaroob ng takot sa Diyos. Makakamit natin ang ating minimithi maging ito ay materyal, kaligayahan o kapayapaan sa mabuting paraan basta’t wag lang tayong bibitiw at ituloy lamang ang pananampalataya.
Ang ebanghelyo ngayon ay maliwanag pa sa sikat ng araw, hindi sta talinghaga kaya’t madali nating mauunawaan at magagamit natin sa pang araw araw na buhay. Simple lamang ngunit malaman. Kung paano mo trinato ang iyong kapwa ay ganoon ka rin tatratuhin. Magpatawad ka upang mapatawad. Magamahal ka ng kapwa upang mahalin. Tumulong ka ng walang kapalit upang tulungan ka din ng walanv kapalit. Magbigay ka upang mabigyan.
Pagsikapan natin na magpakumbaba, matiisin at tapat sa Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Maging matatag tayo at ipakita natin ang pagmamahal ng lubusan sa Diyos. Ibigin natin ang ating kapwa maging masama o mabuti, mahirap o mayaman, o kahit duha, sila rin ay anak ng Diyos.