Podcast: Download (Duration: 8:59 — 10.6MB)
Sabado ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Santiago 3, 1-10
Salmo 11, 2-3. 4-5. 7-8
Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.
Marcos 9, 2-13
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Santiago 3, 1-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba. Tayong lahat ay malimit magkamali. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap, at marunong magpigil sa sarili. Kapag nilagyan ng bokado ang bibig ng kabayo, ito’y napasusunod at napapupunta saan man natin ibig. Gayun din ang barko. Bagamat ito’y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao. Kay liit-liit na bahagi ng katawan ngunit malaki ang nalilikhang kayabangan.
Isipin na lamang ninyo! Napalalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay isa ngang apoy, isang daigdig ng kasamaang nakakahawa sa ating buong katawan. Mula sa impiyerno ang apoy nito at pinapag-aapoy ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang o nakatira sa tubig ay kayang supilin at talagang nasusupil ng tao. Ngunit walang makasupil sa dila. Ito’y napakasama at walang tigil, puno ng kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri’t pag-alimura. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 11, 2-3. 4-5. 7-8
Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.
Ako, O Poon iligtas mo sana!
Mabubuting tao ngayon ay wala na,
wala nang matapat ngayong makikita;
Pawang sinungaling sa isa’t isa,
pakunwaring lahat ang salita nila.
Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.
Patigilin mo madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magwika;
yaong palagi nang ang sinasalita’y,
“kami’y magsasabi niyong aming nasa’t
sinong mag-uutos sa amin, sino nga?”
Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.
Pangako mo, Poon, ay maaasahan,
ang nakakatulad ay pilak na lantay;
tinunaw sa hurno, matapos mahukay
pitong beses ito na pinadalisay.
Kami, O Poon, lagi mong ingatan,
sa ganitong lahi huwag pabayaan.
Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.
ALELUYA
Marcos 9, 6
Aleluya! Aleluya!
Nagsalita ang D’yos Ama:
“Ang Anak kong sinisinta
ay narito, dinggin n’yo s’ya!”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Hesus, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Tumugon siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Kung gayo’y bakit sinasabi ng Kasulatan na ang Anak ng Tao’y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang gusto nila, ayon sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Pebrero 18, 2022
Linggo, Pebrero 20, 2022 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ating Ebanghelyo ay ang maluwalhating salaysay ng Pagbabangong-Anyo ng ating Panginoong Hesukristo sa Bundok na Tabor (Transfiguration event). Ang salitang “transfiguration” ay nagmula sa wikang Latino na salita ‘transfigurare,’ na nangangahulugang “lumampas pa sa orihinal na anyo”. Isinasalaysay nga ng Ebanghelyo kung paanong si Hesus sa tuktok ng Bundok na Tabor ay nagliwanag ng damit na parang busilak ng puti at nagningning ang kanyang mukha na parang sikat na araw. At nagpakita sina Moises at Elias na nangungusap sa kanya, at bilang napalibot ang isang alapaap sa lugar na iyon habang nagpapahayag ang tinig ng Diyos Ama sa kanyang Bugtong na Anak na dapat pakinggan. Ang nakasaksi sa pangyayaring ito ay ang tatlong malapit na Apostol ni Kristo na sina San Pedro, Santiago, at San Juan, na pinagbilinan na huwag munang ipahayag ang pangyayaring iyon sapagkat hindi pa muling mabubuhay muli ang Anak na Tao mula sa kamatayan. Hindi nila maunawaan ang ibig sabihin nito, maski si Pedro na nagplano sana na magtayo ng tatlong tolda sa kinaroroonan nila (mga toldang para kina Hesus, Moises, at Elias).
Sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ipinahayag dito ang pagiging Anak ng Diyos at Anak ng Tao ni Hesukristo. Bilang Anak ng Tao, naparito siya upang tuparin ang kalooban ng Ama. Kaya ang papel nina Elias at Moises sa pangyayaring ito ay upang ipahayag na si Hesus ang kaganapan sa Kasulatan at ng mga Propeta, na siya ay mas nakahandang tumungo ng Jerusalem upang pagdaananan ang kanyang paparating na Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus. Subalit dahil napagdaanan niya ito nang may kababang-loob, siya’y nabuhay na muli bilang pagpapatunay na siya ang Anak ng Kataas-taasang Diyos at nang iakyat sa langit makalipas ang 40 araw, ipinamahala sa kanya ang Kaharian ng Langit. Ito’y sapagkat nakahanda na ang langit para sa atin, at ang hamon na Ama ay makinig tayo sa Anak niya at katulad ni Kristo ay dumaan din tayo sa tunay na pagbabago.
Ang Unang Pagbasa ay patungkol sa kapangyarihan ng dila. Maliit na parte ng katawan ngunit kayang magdulot ng kapayapaan o kaguluhan. Ang dila o salita ang gamit natin sa pagpapsalamat at pagpupuri sa Diyos, ito rin ang gamit natin sa pag aalimura kapag tayo’y nagagalit sa ating kapwa. Ang pinupunto ng pagbasang ito ay ang og iingat natin sa mga lumalabas sa ating bibig. Marami ang nasirang relasyon ng pamilya, kaibigan at magkakamag-anak ng dahil sa masasakit na salita nabitiwan. Mayroon ding mga nakaramdam ng lubos na kalungkutan, pagkapahiya, minaliit, niyabangan, naging sanhi ng gyera, o may mga nagpatiwakal dahil sa narinig. Ilan lamang ang mga iyan sa masamang epekto ng hindi pagpipigil sa dila. Gamitin natin ang ating dila sa pagpupuri sa Diyos, pagppramdam ng pagmamahal sa kapwa at pagkalinga.
Ang ebanghelyo ay ang pagbabagong anyo ni Hesus. Inaanyayahan tayo na simulan din ang pagbabago sa ating mga sarili. Lahat tayo ay maksalanan sapagkat tayo ay tao lamang subalit maaari tayong magbago, kailan? Ngayon na! Paano?
– Aminin at pagsisihan ang mga nagawang sala.
– Ihingi ito ng kapatawaran sa Ama
– Sikapin nang matalikuran ang kasamaan at maiwasan ang tukso.
Kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang tao na nagbabalik loob sa kanya.