Podcast: Download (Duration: 7:38 — 9.4MB)
Biyernes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 2, 14-24. 26
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang sumusunod
sa Diyos nang kusang-loob.
Marcos 8, 34 – 9, 1
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Santiago 2, 14-24. 26
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? Halimbawa: ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain. Kung sabihin ng isa sa inyo, “Patnubayan ka nawa ng Diyos. Magbihis ka’t magpakabusog,” ngunit hindi naman siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang maidudulot sa kanya iyon? Gayun din naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.
Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa ako.” Sagot ko naman, “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kalakip na gawa, at ipakikita ko naman sa iyo sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.” Sumasampalataya ka sa iisang Diyos, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin – at nangangatal pa. Ibig mo pa bang patunayan ko sa iyo, hangal, na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kalakip na gawa? Si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa nang inihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? Diya’y makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Si Abraham ay sumasampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya’y ibinibilang na matuwid.” Ang tawag sa kanya ng Diyos ay “Ang kaibigan kong si Abraham.” Diyan ninyo makikita na ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang.
Patay ang katawang hiwalay sa espiritu; gayun din naman, patay ang pananampalatayang hiwalay sa mga gawa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang sumusunod
sa Diyos nang kusang-loob.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad ang sumusunod
sa Diyos nang kusang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Mapalad ang sumusunod
sa Diyos nang kusang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Mapalad ang sumusunod
sa Diyos nang kusang-loob.
ALELUYA
Juan 15, 15b
Aleluya! Aleluya!
Aking mga kaibigan,
alam na ninyo ang tama
na mula sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 34 – 9, 1
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Kapag ang sinuman ay nahiyang kumilala sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na makasalanan at hindi tapat sa Diyos, ikahihiya rin siya ng Anak ng Tao, pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Sabi pa ni Hesus sa kanila, “Tandaan ninyo: may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga’t di nila nakikitang naghahari ang Diyos nang may buong kapangyarihan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Pebrero 17, 2022
Sabado, Pebrero 19, 2022 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang sikat na pahayag ni Apostol Santiago na madalas binabalewala ng mga nagsasabing sila’y ‘di umano’y mga “Kristiyano,” ngunit naniniwala na tanging ‘pananampalataya lamang’ ang makakapagligtas. Ang ganitong kaisipan ay umusbong noong nagsimula ang rebolusyonaryo ng mga Protestante noong 1515 sa pamumuno ni Martin Luther (isang dating Katoliko at dating Paring Agustino), na isa sa mga haligi ng Protestantismo ay tinatawag na “Sola Fidei,” na sa madaling salita ‘pananampalataya lamang ang makakapagligtas’. Kaya sinasabi rin na hindi rin matanggap ni Luther ang Sulat ni Apostol Santiago, lalo na ang pahayag ng Unang Pagbasa ngayon na nagsasabi tungkol sa pananampalataya at mabubuting gawa. Dahil sa baluktot na pag-iisip ng iilang Kristiyano dahil sa ‘Sola Fidei,’ ipinahayag mismo ng Simbanag Katolika sa Konsilyo ng Trento na malinaw ang nakasaad sa sulat ni Santiago, na ang makakapagligtas sa atin ay pananampalataya at mabubuting gawa. Ibig sabihin nito para sa ating Katoliko, isang hamon sa ating araw-araw na pamumuhay bilang mga tunay na Kristiyano ang isabuhay ang ating pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at katuwiran lalung-lalo na sa kapwa.
Sapagkat totoo ang pahayag ng Apostol na kung hindi natin isasabuhay ang ating debosyon at relihiyon (relasyon) sa Panginoon [na walang konkretong aksyon na nakabubuti o mas malala pa rito kung puro kasamaan lang ang ating pinaiiral sa ating buhay], hindi makabuluhan ang ating pananampalataya. Kaya nga ang apostolado at misyon ng ating Simbahan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ay hindi lang nakabatay sa mga liturhikal na pagdiriwang at mga debosyonal na Tradisyon at panalangin, kundi pati na rin sa mga pastoral na adhikain at pagkakawang-gawa sa mga nangangailangan. Gayunpaman, ang isang tunay na Katoliko ay hindi lang magsasabi na “sapat na ang pagsampalataya sa Diyos, pagdarasal lamang sa bahay, at paggawa ng kabutihan araw-araw & pag-iiwas sa kasamaan,” ngunit hindi naman nagsisimba tuwing Linggo kung saan dapat tinatanggap dito ang grasya ng Panginoong Hesus sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Kaya tayong lahat ay inaanyayahang maging mga Katolikong Kristiyano sa loob at labas ng mga pamayanang parokya/kapilya upang tayo nawa’y maging tunay na buhay na Simbahang nagbibigay-saksi sa Panginoon. Doktrina, Moral na Pamumuhay, at Pagsamba ay tatlong mahalagang pangangailangan upang maging ganap at makabuluhan ang ating Pananampalataya.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang karugtong ng Ebanghelyo kahapon, na matapos ipahayag ni San Pedro na si Hesus ay ang Kristo, Anak ng Diyos, at matapos ipagsabi ni Kristo sa kanyang mga alagad tungkol sa kanyang Misteryong Paskwal na bagamat pilit na pinipigilan ni San Pedrong hindi pa nauunawaan ang kalooban ng Diyos Ama, agad pinatipon ni Hesus ang ibang tao kasama ang mga alagad upang magbigay ng paalala tungkol sa pagiging tunay na alagad niya. At ang pagiging tunay na alagad niya ay nakikita sa paglimot sa sarili, pagpasan ng krus, at pagsunod sa kanya. Mahirap para sa isang tao ang magdusa at dumaan sa mga pagsubok na parang gusto na niyang sumuko. Parang parusa ng Diyos ang tingin ng isang tao pag siya’y nahihirapan sa buhay. Subalit binubuksan ni Hesus ang mga puso’t isipan ng mga tao na bagamat ang pagdurusa ay bunga ng Kasalanang minana mula kina Adan at Eva, ito naman ay naging bahagi ng buhay ng sinumang tao upang ipaalala sa atin na sa dulo ng ating mga pagsubok ay mayroong naghihintay na kaginhawaan at pagpapahinga. Hindi ba’t ito yung ating karanasan tuwing tayo’y napapagod araw-araw, na binibigyan natin ang ating sarili ng panahon upang magpahinga? Ganun din ang buhay ng Kristiyano na ang pagdanas natin ng mga “krus” ng ating buhay ay magdudulot din ng kaginhawaan sa huli. At dahil ang ating buhay ay nakasentro kay Kristo, ginugunita natin kung paano siya na ang nauna sa atin nang dumanas ng mga paghihirap at pinasan ang isang malaking Krus patungo sa Kalbaryo upang maipako diyan. Ngunit sa kanyang pagtampok sa Krus na Banal, ipinamamalas niya ang kapanagyarihan ng Diyos Ama na naghangad ng ating kaligtasan. Hindi nanaig ang Kamatayan sapagkat siya’y muling nabuhay at nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Mayro’n nga siyang dapat pagkakataon upang iligtas niya ang kanyang sarili mula sa kapahamakan, subalit pinili niya ang daan tungo sa ating kaligtasan upang matunghayan natin sa ating buhay ang tunay na kahulugan ng pagiging inampong anak ng Diyos at mga tinawag na alagad ni Kristo.
Sa ating buhay, patuloy pa rin ang mga hamon na nakalaan sa atin. Subalit kung tayo ay may matibay na pananampalataya na handa tayong tumiis at patuloy na gumawa ng mabuti, ang lahat ng ating paghihirap at pagdurusa ay makakaya nating buhatin sapagkat nakakapit tayo sa kanya. Mahirap maging Kristiyano, lalo na ang pagiging martir na talagang pinapatay o kaya pinapahirapan at niyuyurakan para lang ang mga saksing ito ay isuko at itakwil ang kanilang pananampalataya sa Panginoon, subalit tiniis nila ang mga kamalasan nito alang-alang kay Kristo, kahit sa puntong dumanak ang kanilang dugo. Dahil sa kanilang pagtitiis, natagumpayan nila ang korona ng buhay sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan sa kalangitan, at kapiniling nila ang Diyos at ang mga anghel. Kaya diyan din tayo patungo balang araw, at katulad ng ating pagkakapit sa kanya sa kabila ng ating mga pinapasang krus, atin ding akayin ang ating kapwa patungo sa kanya sapagkat tayo rin ay may pananagutan sa mabuting kapakanan ng bawat tao.
Ang Unang Pagbasa ay kaugnay ng mga Pagbasa kahapon na kung ikaw relihiyoso o sumasampalataya sa Diyos ay dapat na ingatan mo ang lalabas sa iyong mga bibig at wag mabilis magalit. Ganito rin ang tema ngayon, hindi sapat ang naniniwala lamang tayo na may Diyos. Nararapat na makita sa ating nga gawain ang pagmamahal natin sa Diyos sa pmamagitan ng pagmamahal ng ating kapwa. Magrosaryo ka man araw araw o lumakad ng paluhod sa Baclaran kung ikaw nman ay nabubuhay sa kadilima ay wala rin. Sinasabi mong sumasampalataya ka kay Hesukristo pero madamot ka sa humihingi ng tulong sayo, naninirang puri ka, tsismosa ka, mahalay ka, nakikiapid, namgangalunya, nagnanasa sa hindi mo pag-aari, inggitero, mapagmataas, hambog, hindi mapatawad ang kapatid, ay bale wala lamang ang lahat at matatawag kang hangal.
Sa ating ebanghelyo ngayon ay pinaaalalang huwag mo puro sarili mo ang iniisip mo, huwag mo puro pasarap, magsakripisyo, buhatin ang krus, para sa iba. Walang sinuman ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Mensahe ng Mabuting Balita ang mahabag sa kapwa, dumamay sa kapwa, bigyan ang wala, at huwag tumutok sa makamundong bagay gaya ng materyal, pagppayaman at pagiging ganid. Magpasalamat sa biyaya at magbahagi, at sumunod sa kalooban ng Diyos. Sapagakat anumang oras ay kayang bawiin ng Diyos kung ano man ang meron maging ang komportable mong buhay at mahal mo sa buhay.
tulungan mo ako Panginoon maging tapat sa iyo. Patnubayan mo ang buhay kong ito na maging kalugod lugod ako para sa iyo. Maraming Salamat sa paalala mo Panginoon Diyos. Pinupuri dinadakila ka namin Panginoong Hesukristo. Amen!