Podcast: Download (Duration: 7:17 — 9.1MB)
Huwebes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria
Santiago 2, 1-9
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Marcos 8, 27-33
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Seven Holy Founders of the Servite Order, Holy Men (White)
UNANG PAGBASA
Santiago 2, 1-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, bilang mga sumasampalataya sa ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa: pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit nang magara, at isa namang dukha na panay sulsi ang damit. Kung asikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
Tingnan ninyo, mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya. Ngunit hinahamak naman ninyo ang dukha! Hindi ba’t ang mayayaman ang sumisiil sa inyo? Hindi ba sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba’t sila rin ang dumudusta sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang kautusang ibinigay ng Diyos, na nasasaad sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ngunit kung hindi pare-pareho ang tingin ninyo sa tao, kayo’y nagkakasala, at ayon sa Kasulatan, dapat kayong parusahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k
Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 27-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Pebrero 16, 2022
Biyernes, Pebrero 18, 2022 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay nagpapaalala sa atin kung paano nating tinatrato ang ating mga kapwa, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Kung tayo’y may matatag na pananampalataya sa Diyos, ito’y dapat maging paraan na gawing kaakibat ang pagiging mabuti sa ibang tao. Hindi dapat natin sila tinatanggihan o kaya sinasaktan, bagkus dapat natin sila tanggapin nang buong kakabang-loob. Ang ganyang pagtanggap sa lahat ng tao ay isang tanda ng pagtanggap natin sa Panginoon ng ating buhay.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagkakatagpo ng mga Apostol kay Hesus. Tinanong sila ni Kristo kung sino siya sa tao, at maraming kilalang pangalan ang lumabas katulad nina San Juan Bautista, Elias, Jeremias, o isa sa mga propeta. At nang mismong sila’y tanungin niya, si Simon Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos. Dahil sa tamang sagot ni Pedro, pinagsabihin sila ni Hesus na huwag sabihin kanino man kung sino siya. Ang akala ni Simon Pedro na ang pagka-Mesiyas ni Hesus ay ayon sa pananaw ng mga Hudyo na ito’y magiging tapagtanggol ng mga Israelita mula sa pananakop ng mga Romano. Kaya nang unang ipinaalam ng Panginoon na siya’y mamatay at muling mabubuhay, biglang tumanggi si Pedro, at ito’y pinaglayuan ni Hesus na “Satanas”. Hindi po ibig sabihin na demonyo ang Apostol na ito, kundi ito’y pagmamalabis na iniisip niya ay mula sa pananaw ng tao, at hindi ayon sa karunungan ng Diyos.
Pero makikita natin sa pagpapahayag ng pananalig ni San Pedro na si Hesus ang Mesiyas, ito’y paanayaya sa atin na dapat kilalanin din natin ang Diyos sa ating sariling buhay. At kung patuloy natin kinikilala siya, gawin po natin ang kanyang niloob hindi lang para sa atin, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ibang tao. Nawa’y isabuhay natin ang ating pananampalataya sa Panginoon sa patuloy na paggawa ng kabutihan at katuwiran sa lahat ng tao.
Lahat tayo ay tinamaan sa Unang Pagbasa. Ugali na ito lalo ng mg Filipino, angina ang trato sa mga angat sa buhay at walang espesyal na pagtanggap sa mga dukha. Bumabatay tayo sa katayuan ng tao, sa magagarang kasuotan at ari-arian. Inilalabas pa natin ang pinakatatagong gamit kapag ang bisita ay mayaman. Pero kapag mahirap ay suerte na kung papasukin pa sa loob ng bahay.
Ngayong nabasa na natin at nabatid na ito pala ay isang malaking kasalanan din, umpisahan natin ngayon na baguhin ang ating sarili patungkol dito. Pero gagawin natin ito ng galing sa ating puso at hindi pakitang tao lamang katulad mg mga nagkalat sa social media ngayon. Paano ba natin gagawin ito? Ilagay natin ang ating mga sarili sa kalagayan ng mga dukha, upang mahalin natin sila gaya ng oagmamahal natin sa ating sarili at pamilya.
Ang ebanghelyo ngayon naman na mensahe ay huwag nating pangunahan ang Diyos, huwag sa sarili lang nating pag-unawa, Ang Diyos ang nakaalama ng lahat ng nangyayari at mangyayari pa lamang. Ang aral nito ay hindi kaya ng sinumang tao na baguhin ang sitwasyon, o mapangyari ang anumang kagustuhan nya ng hindi loob ng Diyos. Ang bawat pangyayari ay dahil kay Hesus at sya lamang ang makapagbabago nito kung sasampalataya ka ng lubusan at susunod sa kalooban nya.