Podcast: Download (Duration: 6:41 — 8.5MB)
Miyerkules ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 1, 19-27
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Marcos 8, 22-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Sixth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Santiago 1, 19-27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Tandaan ninyo ito, mga kapatid kong minamahal: matuto kayong makinig, dahan-dahan sa pagsasalita, at huwag agad magagalit. Sapagkat ang galit ay di nakatutulong sa tao upang maging matuwid sa paningin ng Diyos. Kaya’t talikdan ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal, at buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyos na natanim sa inyong puso. Ito ang makapagliligtas sa inyo.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinisagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig lamang ng salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong humarap sa salamin at umalis matapos makita ang sarili. Agad nalilimutan ang kanyang ayos. Ngunit ang nagsasaliksik at patuloy na nagsasagawa ng kautusang sakdal ay nagpapalaya sa tao – at hindi isang tagapakinig lamang na pagkatapos ay nakalilimot – ang taong iyan ang pagpapalain ng Diyos sa lahat niyang gawain.
Kung inaakala ninuman na siya’y talagang relihiyoso, ngunit hindi naman marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili at walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino ba ang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 22-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa Betsaida. Dinala kay Hesus ng ilang tao ang isang bulag at ipinamanhik na hipuin ito. Inakay niya ito sa labas ng bayan, niluran sa mga mata saka ipinatong ang kanyang mga kamay. “May nakikita ka na bang anuman?” tanong niya. Tumingin ang lalaki at ang wika, “Nakakakita po ako ng mga taong lumalakad, ngunit sila’y parang punongkahoy.” Muling hinipo ni Hesus ang mga mata ng bulag; ito’y tuminging mabuti. Nanumbalik ang kanyang paningin at malinaw na niyang nakita ang lahat. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Umuwi ka na. Huwag ka nang dumaan sa bayan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Pebrero 13, 2022
Huwebes, Pebrero 17, 2022 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang paanyaya ni Apostol Santiago na maging masigasig sa pakikinig sa Salita at maging mapanuri sa pag-iingat sa ating pananalita at kilos. Ang punto ng Apostol ay ang pagkakaroon ng tunay na relasyon sa Diyos at sa ating kapwa, na ang lahat ng ating sasabihin at gagawin ay naaayon sa kabutihang-loob ng Kataas-taasan, na tayo ay hindi lang tagapakinig ng kanyang Salita, kundi tagatupad rin nito sa pamamagitan ng konkretong paggawa at mabuting halimbawa. At ito ang relasyong nagbibigay kahalagaan sa relihiyon, na taliwas sa salaysay ng ibang sekta na hindi raw nakakapagligtas nito kundi pananampalataya kay Hesus lamang, kundi ang mabuting relihiyon ay may pananagutan at pakialam sa pangangailangan ng ibang tao, lalung-lalo na sa mga mahihirap, mga balo, at mga ulila. Kaya ganito ang apostolado ng ating Simbahang Katolika na nagtitipon sa atin sa Banal na Misa upang maipahayag ang Salita ng Diyos, upang sa ating araw-araw na pamumuhay bilang mga Kristiyano ay gawing makabuluhan natin ang ating pananampalataya sa pagmamahal at paglilingkod sa kanya at sa kapwa.
Si Hesus sa Ebanghelyo ay ang mukha ng awa ng Diyos Ama sa pagpapagaling ng mga may sakit at pinagdadaanan sa buhay. At ganun din ang paggaling ni Hesus sa isang bulag at paghihipo nito ng hangin. Nilagyan niya sa mga mata ng lalaki ng dura, at pinagaling niya ito. Kaya namulat ang mata ng lalaki sa linaw ng pagkikita niya. Makikita dito ang pamumulat ni Hesus sa ating buhay. Kinakailangan nating makita ang realidad ng buhay, at hindi dapat nagbubulag-bulagan lamang. Tayo ay inaanyayahan na ipadama ang awa ng Diyos sa bawat tao. Nawa sikapin mstin ang paggawa ng katuwiran at kabutihan araw-araw sa ating pamumuhay.
Amen
Sa araw na ito , nais ni Hesus na ipakita sa atin na ang kanyang pagpapagaling sa isang bulag na dinala sa kanyang ay hindi pagalingin pisikal ngunit higit sa lahat ang espiritual na kagalingan.. Ang bulag ay kahulugan ng kawalang ng liwanag. Ang Liwanag ay simbolo ng katotohananm. Kaya’t pinagaling ni Hesus ang bulag na ito at marami nais ipakita si Hesus sa ating sa kanyang mga pagkilos na ginawa ginawa. Na inilabas ni Hesus sa bayan upang doon pagalingin. Dahil nais ni Hesus na ang paglayo natin sa mga taong ayaw makita ang katotohanan, at paglagi tayo kasama na mga taong nabubuhay sa kasinungalingan nadadamay o nahahawa tayo sa kanilang kasinungalinan. Ikawala, nais ni Hesus na hindi lang tayo pagalingin pisikal, kung di pati ang ating espiritual na kagalingan. kayat unang ipinahayag nang lalaking bulag na nakakakita siya ng mga taong na parang mga kahoy dahil kapag marumi nag kalooban mo malabo pa rin ang makita angsa kalooban ng tao. kayat muling pingaling ni Hesus, ang bulag at muli luminawa ang kanyang nakikita. Nais ni Hesus na maging malinaw at magaling ang ating kalooban upang makita nating lubos ang katotohananat mnag Diyos. at makagawa tayo ng kabutihan sa kapwa ng dalisay.
Sa Unang Pagbasa, ipina-aalala sa atin na nararapat makita sa ating kilos at pananalita ang mga natututunan natin sa Mabuting Balita. Hindi sapat ang alam lang natin o nabasa lang natin, isinasapuso ito at syang ginagamit sa pang araw araw na buhay. Gantimpala ang nag iintay sa taong nagsasaliksik o inaalam ang mga aral ni Hesus at isinasabuhay ito. Matatawag tayong mga bulaan at mapag imbabaw kung tayo ay mga relihiyosong palamura, mabilis magalit, hindi iniisip ang sasabihin at gagawin, makamundo, nagnanasa sa hindi nya pag aari at asawa, mga paladasala na tsismosa, mga nagrorosaryong madamot at hindi nagmamahal ng kapwa. Kahit pa mabasa mo ang buong bibliya o lumakad ka madalas ng paluhod sa simbahan kung bulok nman ang pagkatao mo na hindi mo man lang mapatawad ang iyong kapatid ay hindi ka rin kalulugdan ng Diyos.
Ang ebanghelyo ngayon ay isa na namang kababalaghan na ginawa ni Hesus. Ang mensahe nito ay anumang karamdaman mo o suliranin ay pagagalingin ka ni Hesus dahil sa iyong pananampalataya. Ibigay natin kay Hesus ang buong pananalig natin at tiwala habng sinusunod natin ang kautusan nya at wala na tayong dapt pang alalahanin.
Salamat sa Diyos!