Podcast: Download (Duration: 8:00 — 9.7MB)
Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Jeremias 17, 5-8
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
1 Corinto 15, 12. 16-20
Lucas 6, 17. 20-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Sixth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 17, 5-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 12. 16-20
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Kung ipinangangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, ano’t sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ang totoo, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
Ang Salitang Diyos.
ALELUYA
Lucas 6, 23ab
Aleluya! Aleluya!
Magalak kayo’t magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 17. 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumaba si Hesus, kasama ang Labindalawa, at tumayo siya sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Tumingin si Hesus sa mga alagad at kanyang sinabi,
“Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!”
“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusugin!”
“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!”
“Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.”
“Ngunit sa aba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!”
“Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!”
“Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!”
“Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Pebrero 11, 2022
Miyerkules, Pebrero 16, 2022 »
{ 3 comments… read them below or add one }
MagingMapalad sa Diyos
Pagninilay Lukas 6:17, 20-26
Kamusta ang araw ng mga puso ninyo? Meron ba kayong mga nagawa na bago para sa inyong mga minamahal na kaibigan, iniibig, mga magulang o buong pamilya? Naalala ko noong nasa ika-apat na baiting ako sa Elementarya noong una kung gumawa ng Valentines Card dahil sa Art project pero nagtuloy-tuloy ito hanggang matuto ako bumili ng rose flower para kay crush noong nasa Ika-anim na baiting. Habang tumatagal, nakakasawa rin pala dahil naghahanap na ako ng sagot na wala namang tanong at inaasa ko ang mga maliliit na bagay na ito para mapalait ako sa tao. Mga Kapatid, noong mga nahuling linggo ipinakita ni Hesus kung paano niya tinawag ang kanyang mga unang tagasunod. Sa kanyang mga ipinakita sila’y sumunod ng walang takot at pagtatanong kung san sila dadalhin ng ating Panginoon. Sa ating Ebanghelyo ating nakita si Hesus sa isang patag na lugar kasama ang labindalawa; ating napakingan ang kanyang mga turo o sermon sa bundok. Ito ay tinatawag na Beatitudes na ang ibig sabihin ay kasiyahan o pagiging mapalad dahil ito ay isang pagpapaalalang ating pagtitiwala sa ating Panginoon.
Ang mga kards, bulaklak, at mga tsokolate sa buwan ng Pebrero ay mga palamuti lamang upang lalo natin maramdaman ang pagpapahalaga sa atin ng ibang tao ganun pa , ipinapaalala sa atin ng ating Panginoon na maging masaya at mapalad tayo kung tayo’y dukha kung saan lalo tayong napapalapit sa ating Panginoon. Mapapalad tayo kung tayo’y nagugutom dahil papakainin tayo ng ating Panginoon ng Ispirituwal na pagkain na hindi nauubos; nandyan din ang ating mga kapitbahay kung matuto lang tayong magtiwala at kumatok. Mapapalad tayo kung tayo’y tumatangis dahil paliligayahin tayo ng ating Panginoon sa pamamagitan ng ating mga nakikita, naaamoy, nalalasahan at nahahawakan. Mapapalad tayo kung tayo’y inaapi dahil kasama natin ang ating Panginoon na unang nakaranas ng kapighatian.
Ngayong araw, pinapaalalahan din tayo ng ating Panginoon na gumawa at kumilos sa mga abang ito. Tulad ng tanong ko kanina, Meron ba kayong mga nagawa na bago para sa inyong mga minamahal na kaibigan, iniibig, mga magulang o buong pamilya? Kayo’y magugutom, magdadalamhati at magsisitangis dahil hindi natin ipinaramdam ang tunay na pagmamahal na ipinaparamdam sa ating Panginoon. Nawa’y ang mga bagay na ating ibinibigay sa ibang tao ay lalong magpapalapit at pagtitiwala sa ating Panginoon;hindi pagpapalayo. Pagpalain tayong lahat sa ngalan ng Ama, Anak, at Ispiritu Santo. Amen.
PAGNINILAY: Magkaiba po ang “kapalaran” doon sa “pagpapala”. Alam po natin na ang Ingles ng kapalaran ay “luck”, samantala ang Ingles ng pagpapala ay “blessing”. Minsan tinatrato natin ang buhay na parang kapalaran na itinataya natin ang ating sarili sa iba’t ibang kultura. At sa tingin natin na madali lang ilarawan ang magiging kinabukasan natin. Ngunit kung tayo ay naniniwala sa pagpapala, alam natin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay parang magtitiwala tayo sa salamangka. Kaya minsan iniisip natin ang Diyos ay parang “magician” na awtomatikong akala natin may himala. Subalit hindi ganyan ang pamamaraan ng Diyos sa pagkakaloob sa atin ng pagpapala.
Ipinapahayag ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa na palagi tayong magtiwala sa Panginoon na siya lamang ang makapagbibigay ng kaganapan ng buhay. Sa gayon ay tayo’y magiging mga halamang itinanim katabi ng batis dahil palaging umaapaw ang grasya ng Diyos sa bawat isa. Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang pasimula ni Hesus sa kanyang pangangaral sa kapatagan. Ang Ika-6 na kabanata ni San Lucas ay halos kasingtulad ng ika-5 kabanata ni San Mateo na kung saan ito ay ang pangangaral ni Hesus sa bundok. Kung sinimulan ni Mateo ang salaysay sa pamamagitan ng mga “Eight Beatitudes”, halos parehas ang pagsasalysay ni Lucas, subalit ang nakalagay dito ay hindi lang mga pagpapala, kundi mayroon ring mga sumpa. Ang mga itinuturing na “anawim” ay sila ang mga ititipon ng Diyos bilang kanyang Sambayanan. Kaya tinawag silang mapalad ni Kristo na sa kabila ng mga hindi kanais-nais na pangyayari, patuloy silang umasa sa kaginhawaan sa pamamagitan ng kanilang kabutihan. Subalit may mga taong isinumpaan ni Hesus taliwas sa mga nahihirapan, kundi sila ay ang mga taong napupuno sa kanilang buhay. Akala natin na si Kristo ay tutol sa mga taong mayaman at marangal ang buhay. Hindi siya tutol sa mga iyan sapagkat alam ni Hesus ang iilan na ikinamit iyan mula sa kanilang pagsisikap. Ang nais niyang puntuhin ay ang mga bagay na napupuno sa atin ay dapat gamitin upang makapagpakinabang sa ibang tao, at hindi makapaabala sa kanila.
Kaya sa ating buhay, dapat itrato natin ito hindi bilang isang “kapalaran”, kundi bilang isang “pagpapala”. At ang pinakadakilang pagpapala ay bagong buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesukristo. Kaya ipinapahayag ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagkaroon tayo ng katibayan ng pananalig sa kanya. Sabi nga kung si Kristo’y hindi muling nabuhay, ang ating buhay ay parang hindi nakukumpleto. Kaya noong si Hesus ay muling nabuhay, minarapat tayong tawaging mga saksi upang patuloy natin isabuhay ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos sa kapwa.
Marahil maiisip natin na paanong naging mapalad ang mga dukha gayong naghihirap sila. Mahabagin ang Panginoon at patas, kung ay dukha ngayon at magsisi sa mga kasalanan, humingi ng kapatawaran, at nagsusumikap na matalikuran ang kasalanan ay mag naghihintay na gantimpala sa iyo. Pauunlarin ka ng Panginoon na parang isang halamang nakatanim malapit sa batisan. Ngunit kung ay dukha ngayon at lalo mo pang ibinabaon ang iyong sarili sa paggawa ng kasalanan ay matatapos ang buhay mo na isang dukha hanggang sa kabilang buhay.
Kung ikaw naman ngayon ay komportable ang buhay, hindi salat, mayaman, may mg ari arian, busog at nagsisitawa, subalit nabubuhay din sa kadamutan, kahalayan, ganid, mapagmataas at makamundo ay anumang oras ay kayang bawiin iyan ng Panginoon mula sayo. Kaya’t kung ikaw ay nasa kaginhawahan ngayon ay magsimula magsisi sa kasalanan, tumulong sa mga dukha, mamahagi ng biyaya, talikuran ang kamunduhan upang manatili ang iyong pag-unlad at makamit ang gantimpala mula sa langit.