Biyernes, Pebrero 11, 2022

February 11, 2022

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes

Isaias 66, 10-14k
Judith 13, 18bkde. 19

Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.

Juan 2, 1-11


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Our Lady of Lourdes (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 66, 10-14k

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Magalak ang lahat,
magalak kayo dahil sa Jerusalem,
ang lahat sa inyo na may pagmamahal,
wagas ang pagtingin;
Kayo’y makigalak at makipagsaya,
lahat kayong tumangis para sa kanya.
Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya
tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.

Sabi pa ng Panginoon:
“Padadalhan kita ng walang katapusang pag-unlad.
Ang kayamanan ng ibang bansa
ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog.
Ang makakatulad mo’y sanggol na buong pagmamahal
na inaaruga ng kanyang ina.
Aaliwin kita sa Jerusalem,
tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
Ika’y magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito.
Ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayun, malalaman mong
Akong Panginoon ang kumakalinga
sa mga tumatalima sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Judith 13, 18bkde. 19

Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.

Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.
Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.

Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.

Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo
ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.

Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.

ALELUYA
Lucas 1, 45

Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
sa pananalig mong tapat
sa D’yos na Tagapagligtas
upang sa’yo ay mahayag
ang pag-ibig niyang tapat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos, sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak.”

Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Ferdy Baetiong Parino February 11, 2022 at 9:36 am

Ang unang pagbasa ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at katuparan ng mga pangako ng Diyos. Kasaganhan at pag-unlad ang ating sasapitin kung tayo lamang ay susunod sa kalooban nya. Kung sa palagay mo nman kapatid ay nasa kadiliman ka pa ngayon ay hindi pa huli ang lahat, magsisi ka at aminin ang mga makamundong gawain, kasunod ay ang paghingi ng kapatawaran sa Ama, ang huli ay pagsisikap na matalikuran na ang kasamaan at malabanan ang tukso. Sa gayon ay makakasama ka sa mga pangako sa atin ng ama.

Ang ating ebanghelyo ngayon ay isa na namang patotoo na si Hesus ang makapanhyarihang Diyos. Iniiwan din sa atin ang mensaheng walang imposible sa Diyos. Walang imposible sa iyong hinihiling sa kanya basta ito ay makabubuti sa iyo at sa iyong kapwa ay ipagkakaloob nya kung ikaw lamang ag maniniwala, mananalig at mananampalataya at susunod sa kalooban nya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: