Podcast: Download (Duration: 6:53 — 5.0MB)
Huwebes sa Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 5, 1-6
Salmo 48, 14-15ab. 15kd-16. 17-18. 19-20
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
Marcos 9, 41-50
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Santiago 5, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain ng tanga ang inyong mga damit. Kinain na ng kalawang ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na uubos sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumapas sa inyong bukirin. Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpakalayaw kayo at nagpasasa dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na papatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang mga matuwid; hindi sila lumaban sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 48, 14-15ab. 15kd-16. 17-18. 19-20
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti:
Tulad niya’y mga tupa, sa patayan din hahantong,
kalawit ni Kamatayan ang magiging kanyang pastol.
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
Ang matuwid, magwawagi pag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa lupain nitong patay, na malayo sa kanila.
Ngunit ako’y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan.
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
Di ka dapat na matakot, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri’t nagtagumpay;
masasama pa rin siya sa ninunong nangamatay
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
Mapalad ang mga aba,
ang D’yos ay nasa kanila.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 41-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.
“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at hindi mamamatay ang apoy. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.
“Sapagkat ang bawat isa’y dadalisayin sa apoy. Mabuti ang asin, ngunit kung mawalan ng lasa, paano ito mapaaalat uli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at sa gayo’y magiging mapayapa ang inyong pagsasamahan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Pebrero 21, 2022
Linggo, Pebrero 27, 2022 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang matapang na babala ni Santiago sa mga naghahariang mayayaman at mga nasa matataas na antas sa lipunan, na labis ang kanilang paggastos sa mga kayamanan at pagpapakasaya sa mga ari-arian. Bilang konteksto, hindi tinatanggi ng Apostol ang mga mayayaman at may kakayahang magkaroon ng mga pera, dahil alam niya kung paano nga nagsikap ang tao lalo na mula sa karukhaan upang magkaroon lamang ng pera para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ang nais ipunto ni Santiago ay ang pagiging masiyahin sa mga magagandang bagay-bagay na ito, subalit wala namang pakialam sa mga pangangailangan at estado ng kapwang mahirap na mamamayan at ang paggamit sa pera upang tapakan at yurakan lamang ang mga dukha. Kaya ang ganitong pag-uugali sa kayamanan ay kinasusuklam ng Panginoong Diyos, sapagkat naririnig niya mula sa langit ang daing ng mga aba na walang makakain, tirahan, mga damit, at iba pang mga pisikal na pangangailangan.
Kaya ang Ebanghelyo ngayon ay isang babala ni Hesus tungkol sa mga iskandalo na maaring tayo’y mahulog sa pagkakasala. Ang isang iskandalo ay hindi kanais-nais na pangyayari kung ang taong malapit sa iyo o kaya ay bahagi ng iyong grupo ay nakagawa ng isang nakakahiyang kasalanan. At madalas ang bunga ng mga iskandalo ay pagsisira ng reputasyon ng indibidwal o kaya ng isang samahan. Kaya si Hesus ay nagbabala sa mga manunukso sa ibang tao na gumawa ng masama, mas mabuti pa raw kung tatanggalin natin ang ating mga mata, kamay, at paa. Ngunit hindi literal ang pagpuputol ng mga bahagi ng katawan, bagkus ang punto ni Hesus ay ang pag-iiwas sa mga tuksong maaring ilagay tayo sa paggawa ng kasalanan. Marahil maraming Katoliko ngayon ay nakarinig ng mga balita tungkol sa sekswal na pang-aabuso ng iilang Pari. Kaya nitong mga nakaraang taon, idinaos ang isang pulong sa Vatikano upang pag-usapan ang pagproprotekta sa mga kabataan at pati na rin ang mga biktima ng panghahalay ng iilang taong nasa larangan ng relihiyon. Makikita natin na ito ay isang laganap na iskandalo na hinaharap ng ating Simbahan. Pero bilang tao lamang, ang buong sambayanan ng Diyos ay may tungkulin at karapatang ipagdasal ang bawat miyembro ng ating pananampalataya, at gayun din ang ating Santo Papa, Obispo, mga Pari, Diyakono, madre, at iba pang relihiyoso’t relihiyosa.
Bagamat mayroon tayong kanya-kanyang kahinaan na minsan hindi tayo’y nagiging mga mabuting Katoliko, patuloy tayong lumakad sa grasya ng Panginoon habang ipinapagdasal natin ang ating mga pastol, namumuno, at tayong mga ordinaryong Laiko.
Sa mga pag-basa isang daan na puno ng pagpapala ang tinuturo nito .n Na gamitin ang bigay sa iyo ng Diyos upang ikaw ay gantimpalaan ng buhay na kapiling ang Diyos. Sa sulat ni santiago, na ang kayaman ng isang mayaman na hindi ginamit sa mabuting paraan upang makagawa na kabanalan ay magdadala sa kanya ng kaparusahan o maghahatak sa kanyang sa apoy ng imperyno. Dahil ito ay masisira lang ngunit kapag ito ay gamitin sa pagkawang gawa, ang kabutihan ng tao’y hindi ito masisira at mawawala dahil ito ay nakaukit sa puso ng Maykapal, at ikaw ay hindi niya makakalimutan at mamahalin ka ng lubos ng Diyos. Ang paggamit ng kayaman sa kabutihan ay isang marka naka ukit sa puso ng Diyos…
Magandang araw! Nabagabag ba kayo sa ebanghelyong inyong narinig? Siguro ay maraming beses nyo na itong narinig sa wikang Ingles subalit iba ang dating kapag ito ay maririnig sa sarili nating wika ano?
Ang sabi ni Hesus kung ang isang bahagi ng iyong katawan ang nagiging dahilan ng iyong pagkakasala, ay tanggalin mo ito. Mainam pang pumasok ka sa kaharian ng langit na hindi kumpleto ang mga bahagi ng iyong katawan kaysa mahulog ka sa impyerno na buo ang katawan mo.
Pero syempre alam nating hindi literal ang tunay na kahulugan ng ating ebanghelyo ngayon. Madalas ang mga matalinghagang nakasulat sa banal na bibliya ay may malalalim na kahulugan. Ito rin ay bukas sa iba’t ibang uri ng interpretasyon subalit hindi rin dapat malihis ang ating interpretasyon sa pinaka-essence o diwa ng ebanghelyo.
Sa aking pagbabasa at pagninilay, nalaman kong ang isa sa mga punto ng ebanghelyo ay ang kahalagahan ng pag-iwas natin sa mga bagay na naglalapit sa atin sa tukso at pagkakasala. Ito man ay ang ating relasyon sa mga mahahalagang tao sa ating buhay, mga kaibigan o kapamilya. Subalit tinuturo din ni Hesus ang tungkol sa pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa. Ito marahil ang pumipigil sa atin upang putulin ang ating ugnayan sa mahahalagang tao sa ating buhay kahit na hindi na maganda ang idinudulot nila sa atin. Subalit tandaan natin na ang pagmamahal ay nagsisimula sa pagpapahalaga sa sarili. Ang pagtalikod sa mga maling tao sa ating buhay ay hindi nangangahulugan ng pag-abandona sa kanila. Kailangan lang muna nating ituwid ang ating buhay upang matulungan natin sila.
Maari din na ang mga nagtutulak sa atin upang magkasala ay mga bagay o kaya naman ay mga gawaing nagbibigay sa atin ng panandaliang saya katulad ng online games, o kaya Netflix kung sobra sobra na, masayang gawin subalit ang labis labis na oras na iginugugul dito ay maaaring magdulot ng pagkasira ng ating pag-aaral, ng trabaho o hanapbuhay o relasyon sa ating pamilya.
Papasok na tayo sa panahon ng Kwaresma sa susunod na Linggo. Sa Miyerkules ay Ash Wednesday na. Gamitin natin ang panahong ito upang mapagnilayan natin ang ating espiritwal na buhay, ano ba talaga ang mas mahalaga sa atin? Mahalaga ba sa atin ang sundin ang kalooban ng Diyos? Kung oo ang ating sagot, pagsumikapan nating iwasto ang ating mga pagkakamali, gawin ang tama, iwasan o iwaksi ang mga bagay na humihila sa atin papalayo sa Panginoon.
Kadalasan ang pagyakap sa mga makamundong bagay katulad ng pakikisama sa mga maling tao o paggawa ng mga maling bagay ay masaya lamang sa umpisa subalit sa kalaunan ay magdadala din sa atin sa peligro. Magdudulot din ito ng matinding kalungkutan at ito ang interpretasyon ko sa impyerno.
Kaya’t tanggapin natin ang hamon ni Hesus sa atin ngayong araw. Putulin na natin ang ating ugnayan sa mga maling tao, bagay o gawain at tayo ay magbagong-buhay na.
Sa Unang Pagbasa ay sinabing ang mga mayayaman ay tatangis at mapupunta sa impyerno lalo na kung sila ay nagpakasarap lamang at hindi ginamit ang kayamanan sa paggawa ng mabuti. Hindi nangangahulugan na ang mga mayayaman ngayon ay diretso na sa impyerno, may pag-asa pa din ang mga mayayamang ito na makapunta sa langit kung: nakamit nila ang kayamanan sa mabuting paraan, tapat sa mga tauhan, parehas kung lumaban, namamahagi ng kanilang biyaya sa kapwa lalong lalo na sa nagugutom at nauuhaw, namimigay ng hindi lamang ng labis sa kanilang yaman at higit sa lahat ay suusunod sa kalooban ng Diyos.
Ngayon kung ikaw naman ay mahirap o aba ay hindi nangangahulugan na deretso ka na sa langit, kung paano ka namuhay dito sa lupa at doon pandin tayo susukatin ng Diyos, kung paano mo minahal ang iyong kapwa at ang Diyos.
Ang ating ebanghelyo ngayon isang talinghaga na ang ibig sabihin ay labanan natin ang tukso ng demonyo. Kung saan tayo mahina ay duon tayo aakitin ni Satanas. Kaya’t nararapat na bukod sa paghiling natin ng ating mga ninanais na makamit ay ipanalangin din natin na huwag tayong ipahintulot sa tukso. Ipanalangin natin na tulungan tayo ni Hesus sa pagnanais natin na matalikuran na ang kasamaan at makasama sa daan ng kabanalan.
Sa unang pagbasa ay panggising sa mga pinagpala ng Diyos financially. Dapat alam natin kung mayaman ka anything in excess of your daily needs is no longer yours it is a blessing for you as a vessel of blessing to others. Pinapakita ng Diyos na wag nating gawin ang kayamanan bilang diyos natin kundi gamitin natin ito sa pagkawanggawa. Renember the 2nd of two most impt. commandment. Pinakita din ng ating Panginoon na may mas mahigit pa sa kayamanan na ating mithiin , iyan ay alamin natin ang Banal ng Kalooban ng Diyos, isapuso, sundin, at isabuhay sa araw araw.
Sa Ebanghelyo ay ipnskita sa atin na tunay na mayroong empiyerno at langit sa piling ni Jesus. Remember the story of the rich and Lazarus in the Bible. Ang buhay natin dito sa lupa ay paglalakbay lamang. Kung paano natin ito ginugol ay may destinasyon tayo na pupuntahan . Our life does not end here . There is eternal life after death. You may go to eternal fire or etetnal life with our God. Kaya dito pa lamang sa lupa putulin na natin ang lahat ng kasamaan na ginagawa natin. Nawa pagharian tayo ng Bansl na Espiritu upang mapagtagumpayan natin ang lahat ng kasamaan.