Sabado, Oktubre 2, 2021

October 2, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Ibinubunyag ng Ama ang misteryo ng Kaharian sa mga maliliit. Manalangin tayo sa Diyos na nagpapahayag ng pagmamahal sa mga maliliit at mababang loob. Dalhin natin nang may pananalig sa Amang nasa Langit ang lahat ng ating pangangailangan sa kanyang mapagmahal na kalinga.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Ama, biyayaan mo nawa kami sa aming pagpapakumbaba.

Ang Simbahan at mga namumuno nito nawa’y hindi asamin ang paghanga ng mundo sa pamamagitan ng karangyaan at kapangyarihan kundi bilang mga mapagkumbabang lingkod na abot-kamay ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y huwag umasa sa pwersa o armas, bagkus gamitin ang kanilang posisyon sa kabutihan ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bata nawa’y makilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagtuturo at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nabibigatan sa mga pagsubok ng buhay – ang mga dukha, maysakit, at may kapansanan – nawa’y maramdaman ang pag-ibig at kalinga ng Diyos sa pamamagitan natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng yumao nawa’y masiyahan sa walang hanggang kaligayahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng Langit at lupa, gawin mo kaming matalino sa iyong karunungan at tulungan mo kaming makasunod sa iyo sa mapagkumbabang pamamaraan na iyong ipinakita sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 24, 2021 at 3:25 pm

PAGNINILAY: Noong nakaraang ika-29 ng Setyembre, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng 3 Arkanghel na sina Miguel, Gabriel, at Rafael. Ngayong Ika-2 Araw ng Oktubre, ipinagdiriwang natin ang Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod, o mas kilala bilang mga “Guardian Angels”.

Makikita sa Ebanghelyo kung paanong ikinalulugod ni Hesus ang mga bata na sila’y tinuturing niyang pinakadakila sa Kaharian ng Langit. Ito’y taliwas sa mababang pagtingin ng lipunan noon sa mga kabataan na sila’y walang kwenta at hindi mapagtulungan daw. Hinikayat ni Hesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad na huwag hamakin lang nang basta-basta ang mga bata, sapagkat may mga anghel na gumagabay sa kanila dahil sila’y ikinatutuwa ng Diyos. Ito’y hindi ibig sabihin na kinukunsinti ng Panginoon ang pagiging “childish” ng iilang tao, pati na rin ang iilan sa mga bata. Ang pinapahalagahan niya ang ay pagiging “childlike” na may prioridad sa kababang-loob at pagiging masunurin sa dakilang kalooban.

Kaya’t mayroon tayong mga Guardian Angels o mga Anghel na tumatanod sa atin na ginagabayan tayo laban sa mga kapahamakan. Alam po nating ang dasal “Anghel ng Diyos” na tuwing matatapos na ang klase at tuwing hihimbing po tayo sa ating mga kama. Siguro pahalagahan pa po natin ang dasal na ito sa pagkilala sa mga anghel na nagsasabi sa atin na sundin ang iniuutos ng Panginoon. Bagamat hindi natin sila nakikita sa pisikal na kaanyuhan, ngunit ang mga konsensiya natin ay katulad ng mga Anghel na Tagatanod upang gawin ang tama at talikdan ang mali.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 2, 2021 at 8:09 am

May isang awitin ang grupong Asin “Masdan mo ang mga bata, ang sagot ay iyong makikita”..
Ang sagot sa tanong na, sino ang mga dakila sa kaharian ng Diyos? Ay Masdan mo ang mga bata at tularan sila sa pagpapakababa.
Kapatid, minsan ay hindi natin napapansin na ang mga binibigyan nating halaga ay ang mga nakakataas sa lipunan, ang inaasikaso natin ay ang mga mayayaman, ang binibigyan natin importansya ay ang mga sikat at kilala sa kanilang larangan. Kung pansinin man natin ang mga maliliit ay hindi pantay na pagtingin ang ibinibigay natin sa kanila. Ang inihahanda natin sa mas mataas ay iba sa maliliit. Sinabi ni Hesus na kung sino man ang tumatanggap sa maliliit na ito ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa kanya ay tumatanggap sa Ama.
Tularan din natin ang mga bata sa ugaling mabilis magpatawad. Ang mga bata na nag away ay maya maya lamang ay bati na at naglalaro na ulit. Hindi sila nagtatanim ng sama ng loob, hindi nila sinusumpa at ipinapanalangin na may mangyaring masama sa kanilang kalaro.
Isa pang ibalik natin ay ang panananlangin natin na gabayan tayo mg mga anghel ng Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: