Linggo, Setyembre 12, 2021

September 12, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon B)

Ang pagdurusa ay sadyang bahagi na ng ating buhay. Kailangan natin ang biyaya ng Diyos para makilala natin ang tungkulin nito sa ating kaligtasan. Ngunit lalo nating kailangan ang kanyang tulong sa pagpasan natin sa ating mga krus nang buong tiyaga at pagmamahal. Sa harap ng ating kahinaan, manalangin tayo:

Panginoon, tulungan mo kaming pasanin ang aming Krus!

Nawa tuwinang pahalagahan ng ating mga pamilyang Katoliko ang kaloob na buhay at patunayan ang kanilang masuyong kalinga sa lahat ng kanilang kapamilya, lalo na sa mga bata, matatanda, at maysakit. Manalangin tayo!

Nawa ang lahat ng lolo’ t at lola ay pagkalooban ng mabuting kalusugan at ng kagalagakan sa pagmamahal at kalinga ng kanilang mga anak at mga apo. Manalangin tayo!

Nawa ang mga katekista at lahat ng naglilingkod sa Catechetical Ministry nawa ay makita magantimpalaan ng tagumpay ang kanilang mga pagsisikap sa paghubog ng kabataan alinsunod sa mga turo ni Hesus. Manalangin tayo!

Nawa ang mga pinuno ng mga grupong relihiyoso at mga pangunahing pamayanang pansimbahan ay laging maging inspirasyon sa iba pang mga miyembro. Manalangin tayo!

Nawa ang mga napilitang lumisan sa kanilang sariling bayan ay agad ding makabalik nang malaya’t marangal sa kanilang katutubong lugar. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, lingapin ng iyong habag ang lahat ng nagdurusa, lalo na ang mga nagdurusa alang-alang sa pananampalataya. Ipagkaloob mo sa kanila at sa amin ang kasiyahan ng iyong mapagligtas na presensiya. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 27, 2021 at 10:10 pm

PAGNINILAY: Ngayong Linggo, tayo’y inaanyayahan na palalimin ang ating relasyon sa Panginoon. Sa Ebanghelyo (Marcos 8:27-35), si Hesus ay naglakbay sa Cesarea na sakop ng Filipo kasama ang kanyang mga alagad, at tinanong nila sila kung ano ang tingin ng mga tao sa kanya. Tugon ng ilang sa kanila na siya ay si San Juan Bautista, Elias, o isa sa mga propeta. Ngunit nang tanungin nang personal kung sino siya naman para sa mga alagad, matuwid ang tugon ni Simon Pedro na siya ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.

Ang salitang “Mesiyas” ay katumbas ng “Kristo”. Ito’y nagmula sa salitang Griyego na “Christos”, at ang kahulugan nito ay “Ang Pinahiran”, o sa Ingles “The Anointed One”. Ang “Kristo” ay hindi apilyedo, kundi isang kilalang titulo para kay Hesus na siya ang hinirang na Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Subalit para sa mga alagad at mga taong hangang-hanga sa kanya, akala nila’y siya’y isang tanyag na mapulitika at makapangyarihang mandirigma, at ang pakay niya raw ay ang pagpapatalsik sa mga sumasakop na Romano sa Israel. At ito’y mangyayari ayon sa kanilang dating paningin kapag siya’y pumasok sa Jerusalem at ipapahayag ang kanyang sarili bilang Hari. Ngunit nang unang beses ipinaalam ni Hesus tungkol sa kanyang Misteryong Paskwal, tila nga ba’y sila’y nagulat sa kanyang sinabi. At si Simon Pedrong nagpahayag na si Kristo ang Anak ng Diyos ay bilang tumanggi na hindi ito mangyayari. At tugon ni Hesus na siya’y tinawag na Satanas hindi dahil si Pedro ay demonyo, kundi ang pag-iisip ng Apostol na ito ay hindi naayon sa pamantayan ng Diyos, kundi sa paningin ng tao lamang. Kaya’t tinipon niya ang mga tao at ang kanyang mga alagad at ipinahayag na kung sino man ang ninanais na sumunod sa kanya ay kinakailangan munang limutin ang sarili at pasanin ang krus.

Para kay Hesus, ang sinumang humahangad na mag-aalay ng kanyang buhay para sa kapanakanan niya at sa pagpapahayag ng Ebanghelyo ay maililigtas nito. Sa Unang Pagbasa (Isaias 50:5-9a), narinig natin ang Ikatlo sa mga Awit tungkol sa Lingkod ng Diyos. Siya’y tumutukoy kay Kristo na pinag-uusig at pinagtatawanan ng kanyang mga kaaway, at hindi man siya’y nagrebelde o tumalikod. Alam ng Lingkod na ang Diyos Ama ay nasa tabi niya habang pinagdurusahan niya ang mga insulto at brutal na palarong bagay.

Sa Ikalawang Pagbasa (Santiago 2:14-18), ipinapaalala sa atin ni Apostol Santiago na hindi kailanman maililigtas ang pananampalataya lamang kung wala itong sapat na konkretong mabubuting bagay. Kaya nga yung mga sektang nagsasabi at nagtuturo na “Sola Fidei” o “Faith in God/Jesus Christ only will save” at wala anumang relihiyon ay dapat palalimin pa kung ano ang sinasabi ng Apostol sa kanyang sulat, at huwag lang po tayong umakit sa ganyang doktrina. Nung mga 2 Linggong nakalipas, sinabi ni Santiago na ang relihiyong hinahangad ng Diyos ay ang matuwid sa pangangalaga sa mga biyuda at ulila at pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan, at itong pahayag at patuloy na ginagawa ng ating Simbahan nang may kababang-loob.

Makikita natin na sa pagkilala natin kay Hesus bilang Panginoon, ito’y isang paanyaya na mas patatagin ang relasyon natin sa kanya. Marahil nagbabasa tayo ng Bibliya, partikular ang mga 4 na Ebanghelyo, tungkol sa kanyang buhay, at nakikita natin ang kanyang mga salita at ang mga kababalaghan. Kaya’t tuwing naririnig natin ang mga ganitong kwento na ipinapahayag ng Pari at ng mga Lektor sa Misa, ang buhay ni Hesus ay isang hamon para sa atin na kilalanin natin ang Amang naghangad na tayo’y maligtas mula sa kasalanan at gawin tayo’y kanyang mga anak. At sa pagsunod natin kay Hesus, nawa’y pasanin natin ang bawat pagsubok na ating pinagdaaranan nang may pananampalataya.

Ang mga ganitong paghihirap ay ang mga krus na araw-araw nating pinapasan, ngunit tayo’y kumapit sa Panginoon habang patuloy tayong gumagawa ng kabutihan ayon sa kanyang pamantayan. At ang paggawa ng mabuti ay kasama na riyan ay ang ating kapwa-tao.

Reply

Ferdy Baetiong Parino September 12, 2021 at 11:28 am

Sa ating nabasa tila mahirap ang ang hamon ng ebanghelyo ngayon. Limutin mo ang tungkol sa iyong sarili, pasanin mo ang krus at sumunod ka kay Kristo.
Kung literal mong gagawin ay oo mukhang mahirap nga pero kaya natin itong gawin sa pangkasalukuyang panahon.
1.Limutin no ang tungkol sa iyong sarili. – Unang una ay huwag tayong maging ganid o makasarili, kung ano ang meron ka ay galing lahat sa Panginoon, tumulong ka sa iyong kapwa, marami ang nangangailangan, sobrang dami, lumabas ka lang ng kalye ay makikita mong napakapalad mo pala dahil ikaw ay maayos na natutulugan, masasarap ang kinakain, buo ang pisikal mo at wala kang kapansan, hindi ka kailangan magkalkal ng basura para makakain, hindi ka nababasa ng ulan sa pagtulog at madami kang damit. Maigsi lamang ang buhay, gawin mong kapaki pakinabang ito.
2. Pasanin mo ang krus. – Napakarami ngayon na puro reklamo na lamang ang maririnig mo. Kung may dumating mang sitwasyong hindi pabor sayo ay wag mong ikagalit sa Panginoon, pasanin mo ito at ipagpasalamat dahil mas mabigat pa din ang kalagayan ng iba, hindi mo mamamalayanna matatapis din ang unos.. Be grateful pa din ano man ang dumating basta nanalig ka sa Diyos ay karamay natin sya, nasa tabi natin sya. Kailanmay hindi ka ipapahamak ni Hesus bastat wag lamang bibitaw sa kanya.
3. Sumunod ka sa akin. – Dalawa klase ang taong kinakabog ng problema at pagsubok, ang isa’y lalong nilulugmok ang sarili, nagbibisyo, umiinom para makalimot, nagtatampo sa Diyos yung iba nman ay nagpapatiwakal. Meron nman na kahit anong dagok sa buhay ang ihain ay nananatiling nakakapit kay Hesus, nananalig, nananampalataya, walang takot na hinaharap ang buhay dahil alam nyang meron syang tagaoagtanggol na pinakamakapangyarihan sa lahat. At unti unting matatapos ng unos at sa huli ay nakangiting nagpupuri kay Hesus. Sumunod tayo sa kanya, hinding hindi tayo maliligaw.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: