Huwebes, Mayo 13, 2021

May 13, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes

Inihahandog sa atin ng Diyos ang kanyang lakas sa mga panahon ng pangangailangan. Idalangin natin na lagi tayong umasa sa kanya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin mo kagalakan ang aming kalungkutan, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y buong tapang na magpatotoo at walang takot na magpahayag ng mensahe ni Kristo sa mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nabubuhay sa pangungulila at dalamhati nawa’y makaranas ng nakapagpapaginhawang presensya ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nalulungkot o namimighati nawa’y makaunawa sa tunay na kahalagahan ng kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa kanilang kahinaan nawa’y matuklasan ng mga maysakit at may kapansanan ang lakas ni Kristong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nang tapat sa Panginoon nawa’y makatagpo ang Manunubos na nagpakasakit para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming puspos ng kabutihan at pag-ibig, tunghayan mo nang may habag ang iyong bayan dahil sa kanilang mga pagkukulang. Tulungan mo sila sa mga hinaharap nilang pagsubok at hayaan mong lukuban sila ng iyong pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 13
Birhen ng Fatima

Inihandog sa atin ng Diyos ang kapayapaan ng pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesus, ang Anak ni Maria. Ipanalangin natin na manatili sa atin ang kapayapaan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng Kapayapaan, basbasan mo kami.

Ang mga pinuno ng Simbahan, sa ilalim ng pagtangkilik ng Birhen ng Fatima, nawa’y higit na mailapit ang Bayan ng Diyos kay Kristo at sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno sa buong mundo nawa’y patnubayan ni Maria, ang Birhen ng Fatima, sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan ang mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong pamayanan nawa’y magsikap na makamit ang kapayapaan ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa mga espiritwal o pisikal na kahinaan nawa’y kahabagan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y lukuban ng kapanyarihan ng Banal na Espiritu upang makita sa ating mundo ang handog ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, nalalaman namin na nagmumula sa iyo ang lahat ng mabubuting bagay. Ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan sa tulong ng makapangyarihang pamamagitan ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 6, 2021 at 1:25 pm

PAGNINILAY: Malapit na nating matapos ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa darating na Linggo ay ipagdiwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. At sa Linggong matapos ito ay ang katapusan ng panahong ito sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes.

Makikita natin sa Ebanghelyo ang mga huling diskurso ni Hesus sa gabi ng kanyang Misteryong Paskwal, ang gabi bago siya magpakasakit at mamatay, ngunit sa huli ay mabubuhay na mag-uli. Sinabi niya na sa kaunting panahon ay makakapiling niya sila sapagkat aalis na siya pabalik sa Diyos Ama. Hindi ito naunawaan ng mga alagad sapagkat hindi pa nila nabatid ang dahilan kung bakit kinakailangan niyang mamatay sa Krus at muling mabuhay. Kaya ipinahayag ni Hesus na ang mga Apostol ay tatangis at magdadalamhati, habang nagagalak ang sanlibutan.

Kaya ito nga ang nangyari noong Biyernes Santo nang si Hesus ay magdusa hanggang siya’y ipako sa Krus hanggang pumanaw ng ika-3 ng hapon, at tila nga ba’y masaya ang madla (na may kasamang pang-iinsulto at panunuligsa) habang siya’y nababayubay sa Krus. Ngunit bago pa ito mangyari, sinabi rin ni Kristo na ang mga alagad na nagtitiib sa kalungkutan ay sa bandang huli ay magagalak. Ganun na nga ang nangyari 3 araw matapos si Hesus ay ilibing, siya’y nagtagumpay laban sa kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay. At nagpakita siya sa kanila dala ang kapayapaan at ang tungkuling maging mga saksi niya.

Kaya narinig natin sa Unang Pagbasa ang bunga ng gawain ng mga Apostol sa pamamagitan ng pangangaral ni San Pablo. Sa kabila ng mga panlalait at pangungutyang natanggap ni Pablo habang ipinapangaral na si Hesukristo ay ang Panginoon, hindi siyang pumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita. Kaya nga ang kanyang pagpapahayag ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Sa ating buhay ay mararanasan din natin ang mga pagsubok sa buhay na parang magpapalungkot o kaya mapapanakit ng damdamin natin. Subalit alalahanin natin na ang galak ay mananaig, at ang kagalakang ito ay kaloob ng Diyos na buhay sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay.

At nawa idala rin natin ang kagalakang ito sa mga taong naninirahan sa kalungkutan at takot na kasama nating lahat ang Panginoon sa bawat pagkakataon ng buhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 13, 2021 at 6:52 am

Kadalasan ay kalungkutan ang nadarama sa mga aalis. Lalo na pagmagulang ang aalis at mangingibang bansa upang maghanap buhay. Marami silang mga bilin sa mga maiiwan. At ang magandang tanong ay ano ang gusto mong pasalubong? Ang ating Panginoong Hesus ay nagpapahiwatig ng pag-alis. Tunay na nakakalungkot. Kaya nga inihabilin tayo sa mga apostoles upang palakasin ang ating loob. Isang tagumpay ang kanyang pag-alis, dahil ang pupuntahan niya ay ang Kanyang Ama. Nagawa na ng ating Panginoong Hesus ang kanyang misyon sa lupa, kaya naman kakamtan na Niya ang tagumpay sa piling ng Diyos Ama.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 13, 2021 at 10:41 am

Ngayong may pandemya napakaraming lumisan, noong una’y bilang lang alam natin, Ngayon ay may mga pangalan na at kilala pa natin. Sa buhay ng tao, ang pinakamasakit ay ang mamatay ang mahal natin sa buhay, dahil alam natin na hindi na ito maibabalik. Hindi katulad ng pera o aria arian na nawala ay maari pa natin maibalik o mapalitan. Pero dapat nating tanggapin na ang buhay ng tao ay may hangganan maging lahat ng bagay. Ang magagawa lamang natin ay ipagdasal na makasama sya ni Hesus sa paraiso upang mapanatag ang kalooban natin at kahit papaano’y sumaya tayong muli.
Ganun din ang mga huling habilin ni Hesus sa mga apostol, konting panahon na lang at hindi na sya makikita nguit kaunting panahon din ay mkikita sya ulit at magdidiwang ang mga apostol.
Kaya habang tayo’y nabubuhay dito sa lupa sikapin nating maging mabuti sa kapwa at mahalin ang Diyos ng buong puso at kaluluwa, upang masiguro natin na makakasama natin ang Diyos at ang mahal natin sa buhay sa paraiso. Bawat umaga ay bagong araw, umpisahan mo kapatid, kaya yan, mahirap magpakabuti pero kaya yan, masarap ang pakiramdam pag nakakagawa ka ng mabuti, at mahimbing tulog ng taong walang ginagawang kabalastugan. Kaya yan! G?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: