Miyerkules, Mayo 12, 2021

May 12, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules

Hindi tayo iniwang ulila ng ating Amang nasa Langit, bagkus ipinadala niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Sambitin natin ang ating sama-samang panalangin sa kapanyarihan ng Espiritu ng Katotohanan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Akayin nawa kami ng iyong Espiritu ng Katotohanan, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y maging masigasig sa paghahatid ng mensahe ni Jesus sa lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namamahala at maykapangyarihan nawa’y maghatid ng kapayapaan at katarungan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga hinahamak, mga itinatakwil o mga walang nagmamahal sa ating lipunan nawa’y makaranas sa kanilang buhay ng pangangalaga ng Diyos sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makakita at makadama ng mapagmahal na presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y muling buhayin alang-alang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon, loobin mong lalo pang ihayag sa amin ng Banal na Espiritu ang mga katotohanang inihayag ni Jesus na nabubuhay na kasama mo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 6, 2021 at 1:24 pm

PAGNINILAY: Tayo ay papalapit na sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng ating Panginoon sa Langit. At matapos ito, ang Linggong pagkatapos nitong pagdiriwang, ay ang Dakilang Kapistahan ng Linggo ng Pentekostes. Kaya pinaghahandaan tayo ng ating liturhiya para sa nalalapit na pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Si Hesus na namatay sa Krus, ngunit muling nabuhay, ay nakatakdang tapusin ang kanyang misyon sa lupa. At alam niya ay babalik na siya sa Amang nagsugo sa kanya. Kaya makikita natin sa mga Ebanghelyo ang kanyang mga huling habilin bago siya lumisan sa mundong ito pauwi sa kalangitang kanyang tahanan. At ito’y nararapat upang tayo rin ay makasigurado na kapiling niya tayo, at mayroon siyang nakahandang isang magandang paninirahan upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan.

Kaya patuloy ang paalala ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa biyaya ng Espiritu Santo. Ang lahat ng kanyang sinasabi ay hindi niya maipahayag, kaya ipinangako niya sa kanyang mga alagad na ipapadala niya ang Espiritu Santong magsisilbing Patnubay upang mas maunawaan ang kanyang mga salita. At ang Espiritu rin sa ating buhay-pananampalataya ay may pitong kaloob upang tayo ay mabigyan ng kakahayang tahakin ang landas ng buhay ng may pananampalataya at katapatan sa Diyos.

Kaya si San Pablo sa Unang Pagbasa ay masasabi natin isang matapang na saksi na puno ng Espiritu Santo upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo sa mga Hudyo at Hentil. At narinig natin ang kanyang pangangaral sa bayan ng Atenas, kung saan itinuwid niya ang pamumuhay ng mga Kristiyanong komunidad roon na sumasamba sa “diyos na hindi nakikilala” patungo sa tunay na Diyos nating Ama. Ito ang papel ng Espiritu Santo sa ating buhay bilang Patnubay, upang mas kilalanin pa natin ang Diyos. At siya’y nagpapatotoo sa ating tungkol sa katotohanang mahal tayo ng Panginoon.

Kaya ang hamon sa atin ay mamuhay sa katotohanan at kabutihan, na alam natin ang Espiritu ang patuloy na gagabay sa atin upang maramdaman natin palagi ang presensiya ng Panginoon.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 12, 2021 at 5:42 am

Nauunawaan ba natin ang mensahe ng Diyos sa ating buhay. May mga bagay na hindi natin maintindihan. Bakit kung kelan naging malapit ang tao sa Diyos saka dumami ang problema? Bakit kung sino pa ang mababait siya pa ang sinusubok ng Diyos at marami pang iba. Kadalasan hindi natin alam kung anong gustong ipahiwatig ng Diyos sa ating buhay. Kaya nga tumawag tayo sa Banal na Espiritu Santo. Siya ang magbibigay kaliwanagan sa ating isipan. Siya ang guro na mula sa Diyos. Siya ang nagsisilbing gabay nung una pa man sa panahon ng mga apostol, magpasa hanggang ngayon.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 12, 2021 at 9:00 am

Sa unang pagbasa pinapabatid sa atin na: ‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao‘. Kaya’t habang tayo’y nabubuhay sikapin nating magpakabuti, Mahalin natin ang Diyos at ang taing kapwa, kahiy yang dalawang utos lang na yan ang sundin mo ay tatamaan mo na ang sampung utos. Ang buhay natin ay hiram lamang, anytime ay pwede bawiin ng Diyos kahit ikaw pa ay healthy, ubod ng yaman, popular, may mataas na posisyon o nag mamay ari ng malalaking kumpanya. Manatiling mapagkumbaba at wag maging mapanghusga upang ikaw ay hindi husgahan.

Sa ebangheyo ngayon ay pinapaalala ni Hesus ang pananalangin na loobin tayo mg espiritu. Bukod sa ating pang araw araw na dasal, dasalin din natin na sakloban tayo ng espiritu na galing sa Ama, Sa ganitong paraan mabubuksan ang ating isipan at mauunawaan ang katotohanan tungkol sa mga salita ng Diyos. Kapag nasa atin na ang espiritu, sya ang magsasalita para sa atin, igagabay tayo sa ating bawat iisipin at gagawin. Hilingin natin sa Ama aa ngalan ni Hesus.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: