Huwebes, Abril 15, 2021

April 15, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes

Tayong mga tumanggap ng buhay ni Jesus ay tinatawagang mamuhay nang lubos ayon sa kanyang mga aral.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ibuhos mo ang iyong espiritu.

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng mga pinuno nito, nawa’y buong tapang na humarap sa hamon ng patuloy na pagbabago, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang pamahalaan nawa’y manindigan sa kanyang pagsisikap na makapagbigay ng mataas na uri ng paglilingkod sa mga mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga nangangailangan nawa’y hindi natin isara ang ating mga puso at pagsikapan nating makibahagi sa misyon ni Kristo ng pagpapagaling at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa sa sakit na walang lunas nawa’y palakasin ng kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng nakapagpapagaling na biyaya sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, namuhay bilang isang tao ang iyong Anak upang ibahagi sa amin ang iyong buhay. Ipagkaloob mo na maging matatag kami sa aming pananampalataya sa kanya upang makapamuhay kami nang may pananagutan bilang iyong mga anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 11, 2021 at 11:32 pm

PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay isang magandang pahayag ni San Juan tungkol kay Hesus. Para sa Ebanghelista, ang pokus ng panunulat nito ng aklat ay upang kilalanin natin si Hesukristo na tunay na Tao at higit pa riyan tunay na Diyos. Sa mga nakaraang pahayag, nakita natin ang pagtatagpo ni Hesus kay Nicodemo, isang Pariseong naging malapit na tagasunod niya. Makikita natin na ipinakilala ni Kristo ang kanyang sarili na nanggaling mula sa langit. Tunay nga isinugo siya ng Diyos Ama upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Nitong nakaraang Semana Santa, ginunita natin ang Pagpapakasakit at Pagkamatay niya sa Krus upang iligtas tayo mula sa kasalanan. At ngayong panahong bumubuo ng 50 araw, patuloy natin inaalala ang kanyang Muling Pagkabuhay na nagtagumpay laban sa kamandag ng kamatayan at kasalanan. At ito rin ay pagkakataon na patuloy tayong sumampalataya sa kanya at maging kanyang mga saksi.

Kaya makikita natin sa Unang Pagbasa ang katatagan ng misyon ng mga Apostol na ipagpatuloy na ipahayag si Kristo sa bawat dako ng mundo. Kahit sila’y binantaan at binabalaan ng Sanhedrin na huwag mangaral sa pangalan ni Hesus, totoong sinabi ni Pedro na kailangan nilang sundin ang utos ng Diyos na higit pa sa utos ng tao. Hindi pa rin kilala ng mga pinuno ng mga Hudyo si Hesus bilang Mesiyas, subalit marami sa kanilang mga kababayan ay sumaanib na sa pananampalatayang ipinagkaloob ng Panginoon para ipamana rin ng Simbahan sa ating lahat.

Kaya nawa’y patuloy tayo sa pagbibigay-saksi sa Kristong namatay at muling nabuhay upang makilala ng lahat ang plano ng Diyos Ama at mapasailalim sa dakilang kalooban na ipadala ang kabutihan sa isa’t isa.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 15, 2021 at 6:36 am

Ano ba ang gusto mo, pansamantalang kaligayahan o buhay na walang hanggan? Kadalasan, ang iniisip ng mga tao ay makalupa: pagyaman, pamamasyal at paglilibang. Mga bagay na hanggang sa lupa lamang ang kaligayahan. Halos hindi nabibigyan ng pansin ang Diyos. Ngunit sa pagdating ng problema at malala na, saka lamang nakikilala ang Diyos. Ang buhay na walang hanggan ay may kinalaman sa Diyos. Ang pagsunod sa Kanyang utos, ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Wala itong prowebang pisikal, katulad ng alay ng mundoang pagyaman, pagkakaroon ng bagong kotse atbp. Hindi nasusukat ang gantimpala ng taong tunay na nagmamahal sa Diyos. Kung gustong malaman, gumawa ng nakakalugod sa Diyos. Hindi man ngayon, malalaman mo rin ang gantimpala balang araw ng iyong ipinundar na kabutihan habang nabubuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 15, 2021 at 9:06 am

Lahat tayo ay apostol, lahat tayo ay pari. Kadalasan nahihiya tayong magsalita para sa Diyos… pero hindi tayo nahihiya na magsalita ng masama sa kapwa, siraan ang kapitbahay, pag usapan ang buhay ng may buhay at masaya tayo kapag green o mahalay ang topic. Kung may pagkakataon tayo, ishare natin ang mga nabasa o narinig nating ebanghelyo, wag kayong mahiya, hindi yun corny, hindi yung baduy. Nagmamadali pa tayong ishare sa facebook o sa ibang social media pag may nakita tayong memes na nakakatawa. Once in a while maging apostol tayo o pari sa kahit anong paraan, pwedeng sa social media, pwede din pag may nakausap tayong tao na nararamdaman mong kailangan nyang marinig ang Salita ng Diyos. Pwede ding umpisahan mo sa loob ng iyong pamilya, at malalapit na kaibigan, lalo na yung napapansin mong sya naliligaw na ng landas, makapangyarihan ang Salita ng Diyos at tutulungan ka mg espiritu Santo sa pagsasalita. Gumawa ng mabuti at ipalaganap ang mga ebanghelyo. Goodluck kapatid.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: