Miyerkules, Abril 14, 2021

April 14, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules

Taglay ang pagtitiwala, ilapit natin ang ating mga alalahanin sa Diyos Ama na labis na nagmahal sa mundo kaya’t ibinigay ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang mga naniwala sa kanya, bagkus ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa ngalan ni Jesus, basbasan mo kami.

Ang Simbahan nawa’y laging maging buhay na tanda ng pag-ibig at habag ng Diyos sa mga panahon ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating pamumuhay, nawa’y maipadama natin sa kapwa ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga ginagawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang pag-ibig ng Diyos nawa’y maghatid ng kapayapaan sa ating mga puso at pagkakasundo ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga at pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mahal natin sa buhay na namayapa nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tunghayan mo nang may pag-ibig ang iyong mga anak at patnubayan mo kami sa aming paglalakbay patungo sa kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 10, 2021 at 4:40 pm

PAGNINILAY: Noong 1995, idinaos sa Maynila ang ikasampung pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan. Kasabay nito ang ikalawang pagbista ng pinakamamahal na Papa San Juan Pablo II sa ating bansa. Ang tema ng pagdiriwang ng WYD na ito ay “Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” At kasabay nito ay ang pag-aawit ng inilikhang kanta ni Trina Belamide na “Tell the World of His Love”. Ang nasabing kanta ay hango sa ating Ebanghelyo ngayon.

Ang ating pinapaboritong bersikulo sa Bibliya ay isang magandang pahayag ni San Juan tungkol sa pag-ibig ng Diyos. At alam natin na ang buod ng Banal na Kasulatan ay nakasentro sa ating Panginoong Diyos Ama bilang Diyos ng Pag-ibig. Ang paglikha niya sa atin ay ayon sa pag-ibig dahil ang kanyang ginawa ay puno ng kabutihan. Subalit dahil sa kasamaan ng tao, nawalay ang ating relasyon sa kanya. Ngunit sa kabila ng ating mga kahinaan dulot ng pagkakasala at pagkukulang, isinugo ng Ama sa napakatakdang araw ang kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Bagamat siya ay Diyos, si Kristo ay nagkatawang-tao upang maranasan niya ang ating katauhan maliban sa gumawa ng kasalanan. Niyakap niya tayo upang tayo ay kanyang iangat patungo sa isang mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos nating Ama. Ginawa niya ang lahat alinsunod sa dakilang kalooban kahit hanggang sa bingit ng kamatayan sa Krus, kaya idinakila nang siya’y nabuhay na mag-uli. At ang tugon natin ay pananampalataya upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ito ang kanyang pangako hindi sa mundo ngayon, kundi sa kabilang banda, ang kalangitan.

Kaya ito’y paalala sa atin na ang Diyos na mapagmahal ay inaanyayahan tayong yakapin nang buong-buo ang kanyang pagmamahal upang ipadama natin ito sa ibang tao. At ang pag-ibig na iyan ay dapat kaakibat ng pagtutuwid ng mga masasamang bagay at patuloy na paggawa ng kabutihan. Nang sa gayon, tayo nawa ay magdadala ng liwanag ni Kristong Muling Nabuhay at Niluwalhati sa lahat, lalung-lalo na sa mga taong nabubuhay sa mga “kadiliman” ng kanilang mga buhay.

Reply

Na.Johanna L. carvajal April 14, 2021 at 6:18 am

Purihin ka Panginoon sa iyong dakilang pag ibig sa amin. maraming salamat sa pagbigay mo Kay Jessy sa amin upang kami ay sagipin sa kadiliman. Sisikapin naming mamuhay sa katotohanan at ipaglaban ang tama sa Lahat ng oras alan slang Kay Jesus na muling mabuhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 14, 2021 at 7:05 am

Ano ang pinaka mahalagang regalo na natanggap mo? Tuwang-tuwa tayo pag-ibinigay sa atin ang pinaka gusto natin, celphone, laptop, gadgets atbp. Ngunit mas higit pa diyan ang ibinigay ng Diyos sa sanlibutan. Ang Kanyang bugtong na Anak, si Hesus. Kaya nga ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay paglapit sa liwanag. Siya lamang ang ilaw ng sanlibutan. Ipinakita na Niya kung paano mamuhay sa liwanag nung siya ay nabubuhay pa at itinuloy ito ng mga apostoles. Kaya nga sa ating buhay, gaano man kahirap dala ng maraming pagsubok, makita sana natin ang presensiya ng Diyos. May pag-asa, dahil si Kristo ang ating tanglaw sa mundong ito. Manalig at sumunod kay Kristo, upang hindi tayo maglakad sa kadiliman.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 14, 2021 at 9:27 am

Hindi madali ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, lalo na’t napakadaming tukso sa lupa. Ngunit kailangan nating kargahin ang krus, na ang ibig sabihin ay kailangan nating pagdaanan at pagtagumpayan ang mga darating sating mga suliranin, pagsubok at mga tukso. Oo mahirap pero pag pinili natin ang maling gawi tayo mamumuhay sa kadiliman, pero kung iisipin natin na lagi nating kapiling si Hesus magagawa nating piliin ang ilaw o ang liwanag na makapagbibigay satin ng tunay na kaligayahan. Hindi ito papmpaswerte pero totoong may gantimpala amg sumusunod sa kalooban o sa utos NYA. Manalangin ka at maniwala sa milagro ng Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: