Martes, Abril 13, 2021

April 13, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes

Manalangin tayo sa Diyos Ama, na sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, ay muling nabuhay si Kristo at siya ring magbibigay ng buhay sa ating mga mortal na katawan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng langit at lupa, pagpalain mo kami.

Ang mga ginawaran ng katungkulan nawa’y pukawin ng Espiritu sa pagtupad ng kanilang pamumuno ayon sa diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang patuloy na panibaguhin sa Espiritu ang ating mga sarili at lumago tungo sa kaganapan ng pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa lahat ng nakikiisa sa pagdiriwang ng Eukaristiyang ito, nawa’y matulungan natin ang isa’t isa nang may pag-ibig na nagpapahayag sa Santatlo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y maipagamot at mabigyan ng lunas sa pamamagitan ng kabutihang-loob ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y magdiwang sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon, ibuhos mo ang iyong Espiritu sa aming mga puso upang baguhin ang aming buhay sa pamamagitan ng buhay na kaloob sa amin ng Muling Pagkabuhay ni Kristo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 9, 2021 at 9:55 pm

PAGNINILAY: Ang Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay pagsasariwa ng kaligtasang dulot ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus, na nagkaroon ng kabuluhan nang siya’y muling nabuhay mula sa libingan at nanaig ang kamatayan at kasalanan.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na diskurso ng ating Panginoong Hesukristo kay Nicodemo, isang Pariseong nais makinig at matuto mula sa kanya. Kahapon ay narinig natin kung paanong makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Ngayon ay patuloy si Hesus sa pagsasabing kailangan nating ipagsilang na muli sa binyag. Hindi naunawaan ni Nicodemo ang pahayag na ito na akala niya’y papasok pa ang tao sa sinapupunan ng ina. Dito pinaunawaan ni Hesus na walang nakapunta ng langit kundi ang Anak ng Tao. At sinipi ni Hesus ang kwento ng Bilang 21:4-9 kung saan itinaas ni Moises ang isang ahas na tanso sa isang poste, ganun din ang pagtataas sa Anak na Tao upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga sumasampalataya.

Makikita natin ang planong pangkaligtasan ng Diyos na natupad sa pamamagitan ni Hesus. At nangyari nga ang pangyayaring ito nang gunitain natin ang kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus noong Semana Santa. Ayon kay San Juan, si Nicodemo na kahit Pariseo ay naging malapit na kaibigan ni Hesus, kaya siya’y dumala ng mga pampalasa upang pahiran ang Katawan ng Panginoon. At makalipas ang ilang taon, sinasabi na si Nicodemo ay napabilang sa Ang Daan (sa Antiqouia silang tinawag na mga “Kristiyano”).

Ang Unang Pagbasa ay isang magandang paalala na kinalulugdan ng Panginoong Diyos sa kanyang Sambayanan. Makikita natin ito sa sinaunang Simbahan na patuloy na lumalago dahil sa pangangaral at pagbibigay-saksi ng mga Apostol para kay Kristo. Kaya sila’y nagkaisa sa ilalim ng iisang pananampalataya sa Ama at sa Anak. Ang pagkakaisa ay mahalaga upang makamit natin ang buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ng pakiisa, nawa’y sikapin natin magpakatao para sa iba sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at talikdan ang mga masasama.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 13, 2021 at 6:35 am

Kadalasan ay kayang bigyan ng kahulugan ng tao ang mga pangyayari. Ngunit mas higit pa rito ang ipinapakita ng Panginoon, Mayroong proweba ang ating Panginoong Hesus. Dahil siya na mismo ang proweba, ang gumagawa ng mga kababalaghan. Mga bagay na di kayang gawin ng isang ordinaryong tao. Si Hesus lamang ang nakakapag payapa ng bagyo sa salita lamang. Siya ang talagang nakakapaglakad sa tubig, ang bumubuhay ng mga patay at marami pang iba. Lubos na kapanipaniwala na ang mga ito, Kaya nga manalig tayo at manampalataya na si Hesukristo ang tunay na anak ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 13, 2021 at 9:04 am

Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang at ang sinumang tumingin at tumingala dito ay hindi mamamatay sa kagat ng ahas. Ganun din ng itaas si Kristo sa krus, ang krus ang sumisimbolo ng ating kaligtasan. Ano man ang iyong pinagdaraanan kapatid, problema o pighati, kaligayahan o kasaganahan ay matuto tayong tumingala sa krus ni Hesus. Sya ang gawin nating takbuhan kung may suliranin at sya din ang una nating papurihan kung may blessing na dumating maliit man o malaki. Suklian natin ang paghihirap ni Hesus nuong semana santa ng pag ibig sa kapwa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: