Miyerkules, Setyembre 30, 2020

September 30, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Inihuhulog natin sa Diyos Ama ang ating mga pangangailangan dahil tinawag tayo ng kanyang Anak na si Jesus upang sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig para sa biyaya na tanggapin ang pagtawag na ito.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming ganap kay Kristo.

Ang mga pinuno ng Simbahan at lahat ng nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y masigasig na magpatuloy sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating komunidad nawa’y mapanibago sa araw-araw sa pamamagitan ng pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa mas maganda at mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nawalan na ng pag-asa dahil sa mga kasalanan nawa’y mapagtanto na kasama nating naglalakbay ang ating Panginoon at tinutulungan tayo sa pagpasan ng ating krus, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga pinahina ng karamdaman o pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas-loob ng kasiyahang mula sa Diyos sa pamamagitan ng kalinga at pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao na sumunod kay Jesus sa buhay na ito nawa’y makapasok sa walang hanggang presensya ng Diyos sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa langit, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 3, 2018 at 5:50 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – MIYERKULES NG IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 9:57-62 Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

MAGNILAY: Sa pagsunod sa Panginoon hindi puwedeng wala tayong bibitiwan, tatalikuran at iiwan. Bibitiwan natin ang sarili nating gusto upang bigyang-daan ang kanyang gusto. Tatalikuran natin ang mga layaw ng buhay at haharapin ang buhay ng pagsasakripisyo. Iiwan natin ang mga mahal sa atin upang siya lang ang mamahalin natin nang higit sa lahat. Kung gusto nating sumunod sa kanya ngayon na hindi mamaya o bukas at walang teka muna.

MANALANGIN: Panginoon, maging handa nawa ako sa mga dapat kong bitiwan, talikuran at iwan upang makasunod sa iyo.

GAWIN: Magdesisyon ngayon na!

– Fr. Rey Anthony Yatco

Reply

Mark Jefferson Criste August 15, 2020 at 7:04 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez September 29, 2020 at 10:49 pm

PAGNINLAY: Sa ating Ebanghelyo (Lucas 9:57-62), tumawag si Hesus ng mga ibang tao upang sumunod sa kanya. Subalit makikita natin ang mga hadlang na nagpapahinto sa kanila upang maging tagasunod ni Kristo. Ito ay dahilan sa mga makamundong bagay katulad ng ari-arian, pagkaabala, at ibang priyoridad sa buhay. Kaya ang hamon ni Hesus sa mga taong iyon na ang pagiging alagad niya ay kinakailangang gawing prioridad siya sa ating buhay, bumaklas sa mga marangyang bagay, at ipasa-Diyos ang ating magiging buhay habang sinusundan natin si Kristo.

Sa Unang Pagbasa (Job 9:1-12, 14-16), natunghayan natin ang kwento ng matuwid na taong si Job, na nawala ang lahat ng mayroon siya dahil sa mga paghihirap na binigay sa kanya ni Satanas. Tila nga ba’y pinabayaan ng Panginoong Diyos na dumanas si Job ng malaking dagok na ito. Subalit patuloy na nagtiwala ang taong ito sa Diyos sapagkat alam niya kung ano ang inihanda ng Panginoon para sa kanya upang lalo pa siyang maging matatag sa pananalig at kagandahang-loob. Kaya tuwing tayo’y nagdurusa ng anumang paraan, huwag tayong bumitaw, kundi kumapit lang tayo sa Diyos. Higit pa kay Job ay ang pagtalima ng ating Panginoong Hesukristo sa dakilang kalooban, hanggang sa kamatayan sa Krus upang tayo’y magkaroon ng kaligtasan mula sa ating mga pagkakasala.

Reply

Donna September 30, 2020 at 8:10 am

Panginoon turuan mo po akong makasunod sa nais mo,amen.

Reply

Marilyn Esmana September 30, 2020 at 2:21 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

Flor October 8, 2020 at 9:26 pm

Panginoon, maging handa nawa ako sa mga dapat kong bitiwan, talikuran at iwan upang makasunod sa iyo. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: