Podcast: Download (Duration: 5:06 — 3.3MB)
Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 21, 17-29
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 11 at 16
Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.
Mateo 5, 43-48
Tuesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Year II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 21, 17-29
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Nang patay na si Nabat, sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe: “Madali ka! Puntahan mo si Haring Acab. Makikita mo siya sa Jezreel, sa ubasan ni Nabat. Naparoon siya upang kamkamin iyon. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang ipinasasabi ng Panginoon Isa kang mamamatay-tao. Ngayon nama’y pangangamkam ang ginagawa mo. Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabat, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
Sinabi ni Acab kay Elias: “Narito ka na naman, mahigpit kong kaaway?”
Sagot naman sa kanya ni Elias: “Oo! Hinanap kita uli sapagkat nagumon ka sa kasamaan! Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinasasabi ng Panginoon: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. Parurusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ako’y ginalit mo at ibinulid mo ang Israel sa pagkakasala.’ Ito naman ang sumpa laban kay Jezebel: Kakanin siya ng mga aso sa nasasakupan ng Jezreel. Sinuman sa angkan ni Acab ang mamatay sa bayan ay kakanin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakanin ng mga uwak.”
Dahil sa mga sulsol ni Jezebel nagumon si Acab sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon. Sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amorreo na pinalayas ng Panginoon pagdating ng bayang Israel sa lupaing iyon.
Nang marinig ni Acab ang mga sinabi ng propeta, ginawak niya ang kanyang damit, nagsuot ng sako at di hinubad iyon kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. Kaya’t sinabi ng Panginoon kay Elias: “Hindi mo ba napansin kung paano nagpapakababa sa harapan ko si Acab? Sapagkat nagpakababa siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya’y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, parurusahan ko ang kayang angkan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 11 at 16
Tugon: Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!
Tugon: Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Tugon: Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.
Ang kasalanan ko’y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama’y pawiin.
Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,
ang pagliligtas mo’y galak kong ibabantog.
Tugon: Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyo iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hunyo 15, 2020
Miyerkules, Hunyo 17, 2020 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay sumunod sa pagbasa kahapon matapos angkinin ang ubasan ni Nabat. Ipinahayag ni Elias kay Haring Acab ang balak na parusa ng Diyos sa kanya at kay Jezebel dahil sa pagkamkam na nagmamaaring lupa ng ibang tao. Kaya nagpakumbaba ang hari na huwag siyang isumpa ng Panginoon, at sa halip ay nag-ayuno siya bilang pagsisisi sa kanyang mga kasalanan. Kaya ipinahayag ng Diyos kay Elias na nagpakumbaba si Acab, at hindi paparusahan nito. Subalit dahil sa kanyang ginawang mga masasama, ang kanyang susunod na henerasyon ay sinumpaan ng Diyos. Makikita natin sa kwentong ito na ang Diyos ay Diyos ng katarungan. Subalit sa bandang huli, bagamat ang tao ay tuloy na nagkakasala, nagbibigay pa rin siya ng pagkakataon upang ang tao ay magsisi, magbagong-buhay, at patuloy na mamuhay sa tamang landas at liwanag na puno ng pag-ibig.
Ang Ebanghelyo ngayon ay kadugtong ng Ebanghelyo kahapon. Sa Pangangaral ng ating Panginoong Hesukristo sa Bundok, binibigyang-diin ni San Mateo si Hesus bilang Katuparan ng Kautusan at ng mga propeta. Sa salaysay na ito, pinagpanibago niya ang tao tungo sa kanilang pagmamahal sa bawat isa. Sinasabi sa Levitico 19:18 tungkol sa pagmamahal sa kapwa. At may ilang bersikulo sa Lumang Tipan ay bagamat hindi direktang tumutukoy sa pagkapoot sa iyong kaaway, tinutukoy pa rin ng mga ito ang hindi pagpapayag sa ginagawa ng mga taong ito. Kaya pinalawak ng Panginoong Hesukristo sa pagtuturo sa pagmamahal sa mga kaaway. Sinab pa nga ng Panginoon na ipagdarasal ang mga mang-uusig upang maging mga tunay na anak ng Ama nating Diyos sa langit, Aaminin natin na madaling sabihin, ngunit mahirap gawin. Sa dami ng kasalanan ng iyong kaaway at dahil masyadong mabigat ang kanilang kasamaan, paano kaya natin mamahalin at pagpapatawad ang ganyang klaseng tao? Ang pinupunto dito ni Hesus na sa kabila ng kasamaan at pagkakasala ginawa ng iyong mga kaaway, at normal sa ating katauhan na kapootan sila, dapat ang trato natin sa kanila ay mga “tao lamang” katulad natin. Subalit hindi natatapos ang kwento ng tao sa kanyang kahinaan, bagkus ay dapat ito’y isang pagkakataon upang siya ay matuto, magsisi, at gumawa ng kabutihan At mangyayari iyon kapag inaalala natin hindi lang ang ating mga kaaway, kundi ang lahat ng mga makasalanan sa ating mga panalangin. Kahit ang mga publikano at Hentil, mga itinuturing ng mga Hudyo na “humiwalay”, ay nagmamahal at nagbabati sa kapwang nagmamahal at hindi nagmamahal sa kanila, kapwang nagbabati at hindi bumabati sa kanila. Kaya itinuturo sa atin ng Ebanghelyo ngayon ang kaganapan ng pag-ibig sa ngalan ng ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano. Ang dakilang huwaran ng pagmamahal sa mga banal at makasalanan ay walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo. Hanggang sa kanyang hantungan ng kanyang Kamatayan sa Krus, binigyan tayo ni Kristo ng isang bagong pagkakataon na mamuhay dahil minahal niya tayo at iniligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Sa pinakahuli ng ating Ebanghelyo, tayo ay inanyayahan ni Hesus na maging perkpetko katulad ng pagkaperpekto ng ating Diyos Ama. Sa ibang pagsalin, ito’y pagiging ganap sa pagmamahal katulad ng ganap ng pag-ibig sa atin ng Maykapal.
Pinupuri at Pinasasalamatan ka namin Panginoong Hesukristo. Amen