Lunes, Hunyo 15, 2020

June 15, 2020

Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 21, 1-16
Salmo 5, 2-3. 5-6. 7

Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

Mateo 5, 38-42

Monday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Year II)

UNANG PAGBASA
1 Hari 21, 1-16

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong panahong iyon, si Nabat ay may ubasan ng nasa tabi ng palasyo ni Acab, hari ng Samaria. Nagustuhan ni Acab ang ubasan, kaya’t sinabi niya kay Nabat: “Ibigay mo na sa akin ang iyong ubasan at gagawin kong taniman ng gulay pagkat malapit sa aking palasyo. Papalitan ko ng mas mainam na ubasan, o babayaran sa iyo.”

Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabat: “Patawarin ako ng Panginoon, ngunit hindi ko po maibibigay sa inyo ang pamana sa akin ng aking mga ninuno.”

Umuwi si Acab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabat. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ni Reyna Jezebel at tinanong: “Ano ba ang isinasama ng loob mo at di ka makakain?”

Sumagot ang hari: “Kinausap ko si Nabat na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi’y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”

Wika sa kanya ni Jezebel: “Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ireregalo ko sa iyo ang ubasan ni Nabat.”

Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatanda at namumuno sa lungsod na tinitirahan ni Nabat. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Ipag-utos ninyo ang isang pangkalahatang pag-aayuno. Patayuin ninyo si Nabat sa harapan ng karamihan. Kumuha kayo ng dalawang upahang saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Tinungayaw niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”

Tinupad ng matatanda at ng mga pinuno ng lungsod ang utos ni Jezebel. Ipinag-utos nila ang isang pangkalahatang pag-aayuno at iniharap sa madla si Nabat. Lumabas ang dalawang saksi na inupahan at siya’y pinaratangan ng ganito: “Tinungayaw ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Kaya’t si Nabat ay inilabas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Nagpasabi agad sila kay Jezebel: “Patay na po si Nabat na taga-Jezreel.”

Pagkatanggap ng gayong balita, nagpunta si Jezebel kay Acab at sinabi rito: “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabat. Hindi na siya makatututol. Patay na siya.” Nang malaman ni Acab na patay na si Nabat, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 2-3. 5-6. 7

Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

Ako’y dinggin, Poon, aking Panginoon,
sana’y pakinggan mo ang aking panaghoy;
Diyos ko at hari, lingapin mo ngayon
itong tumatawag at napatutulong.

Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.

Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.

Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

ALELUYA
Salmo 118, 105

Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 38-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez June 14, 2020 at 9:47 pm

Pagninilay: Patuloy nating pinagninilayan sa mga teleserye ng Ebanghelyo ang Pangangaral ni Hesukristo sa Bundok. Ito ang pokus ni San Mateo sa kanyang panunulat, upang ipakilala sa atin si Hesus bilang Katuparan ng Kautusan at ng mga propeta. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa turo ni Hesus ukol sa pag-ibig. Binaggit ng Panginoon ang sanay na batas na kung tawagin ay ‘lex tallionis’. Sa madaling salita, ito yung tanyag na kasabihan na: “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.” Ito’y nagmula sa kodigo na binuo ni Hammurabi, kaya makikita rin ito sa Lumang Tipan ng Bibliya, lalung-lalo na sa Aklat ng Exodo 21:24 at Aklat ng Levitico 24:20. Ang kasabihang ito ay nangangahulugang kung ang isa ay nagkasala sa iyo, may karapatan kang bunutin ang kanyang ngipin at pitasin ang kanyang ngipin. At kapag paulit-ulit siyang gumagawa ng ikapapamahak mo, sinasabi ng Kodigo ni Hammurabi na gawin lang ang kasabihang iyon, kahit ang iyong kaaway ay maging bulag at bungal. Sa madaling salita, parang tinutulak ka na maghiganti sa mga taong gumagawa ng masasamang bagay laban sa iyo. Subalit para kay Hesus, hindi sagot ang kalupitan upang sugpuin ang kasamaan ng isang tao. Makikita natin na ang mga pangangaral ng Panginoon ay nakasentro sa pag-ibig at kabutihan. Kaya ang mga pahayag ni Hesus sa Ebanghelyong ito ay hindi dapat kinukuha sa literal na interpretasyon, kundi dapat mas tignan nito nang malalim. Ang pagsampal sa kabilang pisgni ng sinumang sumampal sa iyo ay nangangahulugang na ituwid sa maayos na paraan ang pagkakamali ng isang tao. Ang pagpasan ng dalang bigat sa isa pang kilometro ay nagpapahiwatig na tayo ay tinatawag na tulungan ang iba sa punto na nagiging mabuting halimbawa tayo sa kanila. Ang pagsakdal ng isang tao sa iyo para sa iyong ari-arian ay isang paalala na ay ibigay ang hinihingi hindi dahil ika’y sumusuko sa laban, kundi para ang taong iyon ay magbago ang kanyang puso. At ang pagbibigay sa mga humihingi at hindi tumatalikod sa mga nanghihiram ay isang tanda na dapat tayo ay maging bukas palad sa pagbibigay, at ang pagbibigay nga ay walang inaasahang kapalit.

Mga kapatid, ang turo ni Hesus ngayon ay isang paalala na kapag dumating sa punto na nakapaligid sa atin ang kasamaan, labanan natin ito sa pamamagitan ng kabutihan. Hindi dahil tayo ay naduduwag o kaya sumusuko na tayo sa ating mga kalaban, kundi upang sa takdang panahon ay makilala nila ang kabutihan ng Diyos sa ating mga puso. Kapag inuulit natin ang pag-iiral ng pagmamahal at kabutihan, lalo nila masisilayan ang ating awa at malasakit upang sumunod sila sa ating halimbawa. Kaya ito ay parang hamon sa ating buhay-Kristiyano na hindi kailanma’y malutas ang karahasan sa pamamagitan ng karahasan. Ganun din sa ating buhay sa pamilya, paaralan, komunidad, at bansa, mayroon tayong tanyag na kasabihang Filipino: “Hindi maitatama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali.” Kaya nawa’y isabuhay natin ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig. At sa bawat pagkakamali at pag-aalipusta na ating nakikita, nararanasan, o nababasa, nawa’y salungatin natin ito sa pamamagitan ng pag-ibig, habag, malasakit, kabutihan ng loob, katarungan, at kapayapaan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: