Biyernes, Hunyo 12, 2020

June 12, 2020

Biyernes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 19, 9a. 11-16
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14

Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

Mateo 5, 27-32

Friday of the Tenth Week in Ordinary Time (Year II)

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 9a. 11-16

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi: “Elias, bakit ka naririto?”

Sumagot siya: “Dahil po sa aking malaking pagmamalasakit para sa inyo, Panginoon, Diyos ng mga hukbo. Tinalikdan ng bayang Israel ang inyong tipan, winasak ang inyong mga dambana, pinagpapatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at hinahanap nila ako upang patayin.”

Sinabi sa kanya ng Panginoon: “Bumalik ka sa iyong dinaanan, sa ilang na patungong Damasco. Pagdating mo ng lungsod, pahiran mo ng langis si Jazael, bilang hari ng Siria, at si Jehu na anak ni Namsi bilang hari ng Israel. Pahiran mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14

Tugon: Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki’y mahabag.
Ang paanyaya mo’y “Lumapit sa akin.”
Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!

Tugon: Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin;
Tagapagligtas ko, h’wag akong lisanin!

Tugon: Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!

Tugon: Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a

Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 27-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Gloria diaz June 12, 2020 at 7:22 am

.pinupuri k naminpanginoong jesukristo salamat smga biyayapanginoon

Reply

Reynald Perez June 12, 2020 at 9:52 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa natin ngayon ay isang pamilyar at magandang kwento ng pagkikilala sa Diyos. Si Elias ay nagsipunta sa Bundok ng Horeb dahil sa banta ng pagpapatay sa kanya nina Haring Acab at Reyna Jezebel. Ito’y sapagkat nanalo siya sa hamon sa Bundok ng Carmel, at pinatunayan sa bayang Israel na ang tunay na Diyos ay ang Diyos ng kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya nang marinig niya ang masamang balak ng hari at reyna, siya’y nagsilikas patungo sa Bundok ng Horeb (o mas kilala bilang Bundok ng Sinai). Siya’y sumilong sa loob ng isang yungib, ngunit tinawag siya ng Panginoon na lumabas at hanapin siya. Hindi niya nakita ang Panginoon sa hangin, lindol, o apoy. Subalit nakilala niya ang Diyos sa pamamagitan ng isang munting tinig na bumubulong sa kanya. At nang sabihin ni Elias sa Panginoon ang kanyang hinanakit sa bayang Israel, pinagpunta siya sa isang ilang malapit sa Damasco, at ipaghirang niya ng langis si Jazael bilang hari ng Saria, Jehu bilang hari ng Israel, at si Eliseo bilang tagasunod at kahalili niya sa ministeryong ito.
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay bahagi ng Pagpapangaral ng ating Panginoong Hesukristo sa Kabundukan. Tandaan po natin na ang isang layunin ng panunulat ni San Mateo ay upang ipakilala si Hesukristo bilang katuparan ng buong Kautusan at ng mga propeta. Dalawang bagay ang ipinaalala ng Panginoon, na siya namang pinabago niya dahil ito’y nakasaad na sa ika-6 at ika-9 utos ng Diyos Ama: ang pakikiapid at dioborsyo. Ang simpleng pagtingin pala sa babae na may kasamang mahalay na pagnanasa ay tinuturing na pakikiapid. Sa totoo po, normal lang sa isang lalaki na tumingin sa kagandahan ng isang babae, at hindi naman po masama iyon. Sa ganyang paraan, normal din sa isang babae na tumingin sa kagwapuhan ng isang lalaki, at hindi rin naman po masama iyon. Ang nais ipaalala sa atin ni Hesus na ang dapat pagturing natin sa buhay ng ibang tao, lalung-lalo ang pakikipagrelasyon sa isang tao may ibang kasarian, ay maging sagrado na puno ng paggalang sa katauhan ng bawat isa. Ang masamang pagnanasa ay isang kasalanan sa mata ng ating Panginoong Diyos, at ito’y nabibilang sa turo ng ating Simbahan bilang paglalabag sa ika-6 na utos. Kaya hindi lang po ang paglabag sa ika-9 na utos sa pamamagitan ng panloloko ng isang asawa sa kapwa nitong asawa ang mapapabilang bilang nangangalunya, kundi pati na rin ang pagkaroon ng mahalay na pagnanasa sa isang tao na parang tingin sa kanila ay mga bagay. Lahat tayo ay tinatawag na Diyos na ipagtanggol ang buhay ng bawat tao, sapagkat ang buhay na biyaya ng Diyos ay sagrado at dapat itong pangalagahan para sa isang mabuting kinabukasan.
Ang isa pang turo ni Hesus sa Ebanghelyo ay tungkol sa diborsyo. Sinasabi ng lumang utos na ang sinumang nais hiwalayan nang buo ang kanyang asawa, ito’y dapat bigyan ng kasulatan ng diborsyo. Ngunit sasabihin din ni Hesus sa isa pang salaysay ng pahayag na ito na dahil sa katigasan ng kanilang ulo kaya pinayagan ng Diyos sa pamamagitan ni Moises ang batas na ito. At sa 2 kwento, parehas ang pahayag ni Hesus na ang sinumang nagdiborsyo at nagpakasal ng iba (maliban kung hindi bisa ang kasal) ay nakikiapid. Kaya makikita natin ang posisyon ng Simbahan ukol sa Pagkawalang-bisa ng Kasal, Legal na Paghihiwalay, at Diborsyo. Sa lahat ng bansa, ang Pilipinas at ang Vatikano lamang ang hindi pumapayag sa Diborsyo. Kahit ito’y kinekwestiyon ng maraming tao sa ating bansa ang pagtutol ng Simbahan sa Diborsyo, malakas pa rin ang posisyon niya ukol sa kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal. Kaya ito’y dapat magsilbing panawagan na ang buhay na biyaya ng Diyos ay dapat maging mahalaga, lalung-lalo na kung ang isang tao ay papasok sa isang relasyon sa iba pang tao. At kahit tayo pa ay pumasok sa isang relasyon, nagpakasal at nagkaroon na ng sariling pamilya, nawa ang Diyos ang maging sentro sa bawat pagmamahal natin bilang magkapamilya, magkaptid, magkamag-anak, magkaibigan, at kahit ang iba pang tao nating nakikita.

Reply

Kulot June 12, 2020 at 5:07 pm

Salamat sa diyos. amen…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: